1 meter or 3.9 meters ang safe social distancing?

MABIGAT ang resulta ng bagong pag-aaral ng US at Beijing health experts ukol sa COVID-19.

Iminulat tayo ng World Health Organization na 1 meter social distancing ay sapat nang makaiwas sa tama ng virus. Ito na ang normal na proseso kahit saan magpunta, maliban na lamang sa Balintawak market, sa mga mga sabungan sa Caloocan, Maynila at Cavite and Laguna.

Kahit sa mga supermarket, isang metro na ang distansiya sa pila bago makapasok bagama't kapag sa loob na, hindi maiwasang magkadikit kahit paano. Ang WHO rin ang nagsabi noong una na hindi naman kailangang mag-face mask at ipaubaya na lamang sa mga medical workers ito para hindi magkaroon ng shortage.

Makalipas ang ilang linggo, kambiyo na naman ang WHO, dapat na raw magsuot ng mask ang mga tao kapag lalabas sa mga public place. Noong una, dapat surgical mask dahil safe ito at hindi kayang pasukin ng mga smallest particles ng virus. Pero kalaunan, kahit improvised daw okey na gaya ng panyo.

Kaming mga hindi health experts, kasama na ng mga health frontliners ay nakadepende lamang sa mga totoong dalubhasa mula sa WHO at sa mga highly competent international and local sources. Kung ano ang kanilang sasabihin, doon lamang kami nakasunod.

Kung nag-iiba-iba ang mga public pronouncement, nagiging sanhi ito ng kalituhan or baka nagiging sanhi pa ng lalong pagkalat ng virus dahil masunurin ang mga tao sa WHO ngayong panahon ng pandemic.

Ngayon, itong bagong findings sa combined research ng US at Beijing health experts, medyo nakakaalarma ito. Ang alam nating isang metro ay safe na, mukhang hindi na naman pala.

Sa pinakabagong pag-aaral ng Chinese and US researchers na inilathala sa Emerging Infectious Diseases journal ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), lumalabas na 13 feet or 3.9 meters pala ang kayang abutin ng virus kapag napunta na sa hangin.

Kahit may inilabas na qualifier ang mga scientist na hindi naman infectious o hindi makakaapekto ang konting virus, nakakaalarma pa rin ito. May mga taong malakas ang naturalesa na hindi eepekto ang small quantity ng virus pero may mga tao rin na sensitibo o mahina ang immune system. Lalo na ang ating mga senior citizens at mga infants.

Batay din sa bagong pag-aaral, sa sahig o flooring ang concentration ng virus pero kumakapit din sa mga pasimano, mga computer items, door knob at mga bagay na palaging hinahawakan.

Minamaliit na naman ng WHO ang bagong research na ito. Para sa kanila, hindi raw ito delikado. Ano na naman kaya ang kanilang sasabihin sa publiko, huwag matakot at huwag paniwalaan ang 3.9 meters na kayang abutin ng virus kapag nakalipad na sa hangin?

Wala namang inaasahan ang buong mundo kung hindi ang WHO pag dating sa usapin ng health risk and health benefits. Ang tanong ngayon, paano namin dapat tingnan ang pinakabagong pag-aaral na ito bilang mga layman?

Mauubos na talaga ang sangkatauhan kung walang kongkretong pinagbabatayan ang WHO sa tuwing magsasapubliko sila ng mga  health guidelines.

Pakilinaw naman po kung kami'y magpapairal na ng 3.9 meters social distancing kasi wala namang mawawala at wala ring gastos kung susunod tayo rito.

Paging WHO,  who are you ba talaga at where are you na?