24-7 public library

SA dami ng mga krimen na nangyayari sa bansa ay hindi na maiiwasan ng mga magulang na maging paranoid sa kaligtasan ng kanilang mga anak.

Ang ibang overacting nga na magulang,  halos ayaw nang alisan ng tingin ang kanilang mga anak.

Kaya naman napapanahon ang pagsusulong ni re-electionist Senator Sonny Angara na gawing 24/7 ang operasyon ng mga public library para sa pagre-research ng mga estudyante.

Ito anya ay upang hindi na gumastos ang mga estudyante sa coffee shops o fast-food na may libreng wifi para lamang makapag-research at mas ligtas sila.

Kinakatigan din natin ang senador sa  panawagan  sa mga opisyal ng pamahalaang lokal na magtatag ng library sa kani-kanilang bayan na maaaring puntahan ng mga mag-aaral kahit dis-oras ng gabi upang makagawa ng kanilang assignments.

Kung mayroon nga namang 24-hour library, tiyak na mas maayos na magagawa ng mga estudyante ang kanilang mga takdang-aralin dahil tahimik ang lugar, maginhawa sa pakiramdam at ‘di kailangang gumastos para lamang makagamit ng wifi.

Dapat tularan ng ibang lugar ang public library sa Cebu na umabot na sa mahigit 100,000 katao ang bumisita  at nakinabang sa napakagandang proyekto ng pamahalaang lokal.

Maliban sa Cebu City, may public library na rin ang mga lungsod ng Makati at Quezon sa Metro Manila.

Tulad ng mambabatas, umaasa po tayo na magiging ehemplo ng iba pang  lokal na ehekutibo ang ginawa sa Cebu.

Una na hinimok ni Angara ang administrasyon na palakasin  ang implementasyon ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar, partikular sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo o SUCs sa buong bansa, alinsunod sa isinasaad ng RA 10929.

Sa ilalim ng naturang batas na pinagtibay ni Pangulong Duterte noong 2017 na siyang lumikha sa free internet access program, inaatasan ang Department of Information and Communications Technology o DICT na pangunahan ang pagpapatupad ng free wifi sa mga pampublikong lugar, kabilang ang SUCs.

Pero ang nakalulungkot, batay sa datos mula mismo sa DICT na nagsasabing sa kabuuang 112 SUCs na sakop ng naturang proyekto, 17 lamang sa mga ito ang may aktuwal na koneksyon sa wifi.

Isa sa mga adbokasiya ni Angara ang pagsusulong ng edukasyon. Patunay dito  ang pagiging isa sa mga author ng free education mula kindergarten hanggang kolehiyo.

Kabilang si Angara sa mga may-akda ng Free College Education at Free Kindergarten Law, habang ang kanyang namayapang ama naman na si dating Senate President Edgardo Angara ang may akda ng Free High School Act, na sumiguro sa secondary education maging ng pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Isa rin si Angara sa mga author nang kakapasa lamang na Student Fare Discount na naglalayong gawin nang permanente ang diskwento sa pamasahe ng mga estudyante sa buong taon, mula Lunes hanggang Linggo. Sakop ng diskwentong ito ang lahat ng uri ng transportasyon tulad ng eroplano at mga sasakyang pandagat.