Abogado de Paamin sa PAO

February 05, 2020

HINDI ko nabasa sa mandato ng Public Attorneys Office o PAO na dapat ay idiin nila at paaminin ang sinumang nangangailangan ng legal assistance, lalo na kung indigent.

Ang basic principle sa paglikha ng PAO ay maging sandigan/kalasag ng mga kababayan nating naasunto pero walang kapasidad na  kumuha ng abogado. Or temporary legal counsel sakaling may kakayahan nga ang akusado pero dahil sa biglaang sitwasyon ay kailangan munang may umaktong counsel for the accused.

Hindi ba nasa Miranda Doctrine pa ito: ikaw Juan Dela Cruz ay inaaresto sa salang (halimbawa  lang) homicide, may karapatan kang hindi magsalita dahil lahat ng mga sasabihin mo ay maaaring magamit laban sa iyo. Ikaw rin ay may karapatang kumuha ng abogado na mapagkakatiwalaan mo subalit maaari kang bigyan ng estado kung kinakailangan.”

Ang tinutukoy na abogadong ibibigay ng estado sa doktrinang ito ay Public Attorneys Office. Universal policy ito na ginagamit sa mga sibilisadong lipunan.

Pero iba sa Pasig PAO. May dinala sa kanilang arestado dahil sa pagbili ng 0.58 gramo ng shabu. Ibig sabihin, user o paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Drug Act 2002. Sa madaling salita, possession.

Pero ayon sa tinanggap nating reklamo mula sa pamilya ng naaresto, ang ilang abogado sa PAO Pasig ay pilit na pinaaamin ang suspect sa Section 5 ng RA 9165 na ibig sabihin naman ay pushing.

Malaking eskandalo ang ginagawang ito ng mga walang malasakit sa publiko ng PAO na sa tingin natin ay kailangan nang paimbestigahan nila Justice Secretary Guevarra at ni PAO Chief Persida Acosta.

Sa Project 4 QCPD Station nakakulong ang inaresto pero sa Pasig na-inquest dahil doon nangyari ang buy bust operation.  

Mas mabuti pa si Station Chief Sandro Jay Tafalla ay maayos ang trabaho. Mismong si hepe ay alam niyang posesyon lang ang kaso ng akusado at hindi drug pushing.

Natutuwa rin tayo kay Chief Tafalla kasi sinabi sa atin ng pamilya na ibinalik sa kanila ni hepe ang kotse ng naaresto nang maayos at walang nawalang gamit. Alam din ni Tafalla na hindi naman pusher ang kanilang nadakip.

Saludo tayo sa ginawa ni Tafalla dahil kung naiba-iba lang na hepe yan, baka cannibalized na ang kotse at malamang nataniman pa ng droga.

Pero itong ilan sa  taga PAO Pasig, hindi natin alam kung saang abogasiya sila nagtapos at kung anong klaseng oath of office ba ang kanilang sinumpaan. Kung ako sa pamilya ng akusado, kunin nila ang pangalan ng mga lawyer na nagpayo sa kanila ng umamin na lang sa kaso para mapadali ang kanilang trabaho.

Puwede nilang sampahan ng disbarment case sa Korte Suprema ang mga lawyer na ito para mabawasan na tayo ng mga bugok na abogado.

Paging PAO Chief Acosta, pakihataw nga ng sinturon ang  mga abogado de paamin sa PAO Pasig!
allanpunglo@gmail.com