'Absuweltong convicted'

August 21, 2020

NAKITA natin ang wisdom sa pagkaka-dismiss ng Korte Suprema sa kaso ng drug convict na inaresto ng mga pulis sa Kalinga noong 2014 matapos mahulihan ng apat na bloke ng marijuana.

Si Jerry Sapla ay dinakip sa checkpoint kasunod ng paghalughog ng mga pulis sa jeep na sinasakyan nito. Sinabi ng mga pulis na nakita sa posesyon ni Sapla ang marijuana batay sa text information na natanggap ng mga awtoridad.

Magandang talakayin ito para maging dagdag kaalaman sa panig ng ating mga pulis at para na rin sa ating mga kababayan na magkakaroon ng ganitong karanasan.

Sinabi ng korte hindi puwedeng gamitin ang anonymous tip or anonymous information para ipatupad ang warrantless arrest laban sa suspected drug courier.

Ang bone of contention dito, tama bang palayain si Sapla batay sa argumento ng korte? Sa tingin natin ay tama dahil ang sustansiya pasya ng mataas na korte sa tingin ko, kahit sinong pulis ay puwedeng magsabi na may nag-text sa kanya para maging basis ng police operation.

Una, kailangang malinaw sa korte na isang lehitimong operasyon ang ginawa ng mga pulis, regardless kung totoo ngang may dalang marijuana ang suspect o wala. Ang tingin kong punto ng korte rito, hindi produkto ng intelligence operation at mabusising pag-iimbestiga ang ginawa ng pulis para magkaroon ng merito ang kaso.

Sigurado ako na sa pagdinig ng kasong ito, tinanong ng  korte kung ano ang  pangalan ng nag-text at ano ang pagkatao nito para paniwalaan ng pulis. Mas malamang sa hindi, posibleng hindi rin binanggit ng pulis sa trial ang pagkakilanlan nito dahil karapatan din nilang itago ang kanilang informant.

Pasok o tinanggap ito sa lower court kaya convicted ang suspect pero sabi nga, iba na ang usapan kapag nasa Korte Suprema na. 15 justices na batak sa lahat ng trial of facts at definition of law kaya kung may magkamaling isa o dalawang mahistrado, may 13 pang babalanse.

Hindi lang doon sa isyu ng "warrantless arrest" ang tingin kong tinimbang ng highest tribunal. Iyon mismong paraan kung paano hinarang ang sinasakyang jeep para inspeksiyunin ang gamit ng suspect.

Kung babaguhin natin ang sitwasyon, halimbawang natiyempuhan lang ng isang papasok na parak na sumakay sa jeep ang suspect na bitbit ang marijuana, doon lang papasok ang warrantless arrest at bibigyan ng merito ng korte ang sirkumstansiya ng pagkakadakip. Malamang, katigan ng SC ang desisyon ng lower at appelate court.

Mula sa lower court kung saan na-convict ang akusado, kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman. Pero sabi nga natin, iba ang appreciation ng mga mahistrado sa kaso.

Masarap basahin ang mga desisyon ng pinakataas na hukuman dahil marami kang mapupulot na aral. Pati ang mga wisdom mula sa mga sinasabi ng mahistrado ay maaari nating magamit sa pang-araw-araw nating buhay.

Hindi ito para suportahan ang sinumang suspect bagkus ay magbigay ng mga tamang kaisipan para sa prosesong legal ng ating bansa.

Sa isang banda naman, hindi rin ito dapat magamit ng mga tulak ng droga dahil mabuting mas maging maingat ang ating mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin para linisin ang ating bansa laban sa mga kriminal.

allanpunglo@gmail.com