Agrikultura, Pangingisda at Pangangahoy

July 20, 2019

NAIS kong marinig sa  ika-4 na SONA ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Lunes , ika 22 ng Hulyo,2019 sa pagbubukas ng unang sesyon ng ika-18 Kongreso ang kasalukuyang tayo ng agrikultura ng bansa at kung ano ang mangyayari sa nalalabi pang taon ng administrasyong Duterte.

Napakahalaga ng sektor ng agrikultura sa kontribusyon nito sa  GDP ng bansa na nasa 13-14% mula 1998 hanggang 2009 bagamat kapansin pansin ang paghina ng sektor nitong 2017 na nasa 10% na lang. Liban pa rito,  ang sektor na ito ay nakapagbibigay ng hanapbuhay sa 30% ng ating Labor Force.

Ayon sa “ The current State, challenges and plans for Philippine Agriculture” na isinulat nuong Nob 21,2019  nila Ernesto O  Brown, Reynaldo V Ebora at Fezoil Luz C Decena; http://ap.fftc.agnet.org/ap_db.php?id=941 (binuksan ko nuong Hulyo 19,2019) Madali naman matukoy ang dahilan ng paghina ng sektor: hindi ganoon karami ang klase ng mga tinatanim at mababang ani ng mga ito kung ikukumpara ang dalawang bagay na ito sa ibang ASEAN bansa. Ang palay, mais at niyog ay nakatanim sa mahigit 50% ng bukirin ng bansa.Hindi pa nagtatagal ang pagpasok ng cassava, kape, rubber at iba pa. Bagamat may saging at sugarcane tayo, kulang ng mekanisasyon tayo kaya mababa ang ani.

Sabi nila Brown  et al na hindi  na madadagdagan pa ang lupa na puedeng pagtamnan ng mga puno at bunga na maibebenta. Tanging pagpaparami ng ani ang paraan para sumigla ang agrikultura.  Ilan sa mga balakid dito ang kakulangan ng mga bangko at kooperatiba na magpapahiram ng kapital o puhunan para makabili ng mga bagong gamit, walang agricultural insurance, kulang na post harvest na mga gamit, kulang na irigasyon, kulang na suporta sa “ Research at Development”, hindi pa kumpleto ang agrarian reform, nagtatandaan mga magsasaka at mangingisda. Walang malakas na relasyon at ugnayan mula sa bukid at sa merkado na destinasyon ng mga produktong agrikultural. Hindi rin makasunod sa mga product standards  kaya hirap makipagpaligsahan sa pandaigdigang merkado. At siyempre, ang problema sa climate change.

Walang bangko, kahit pa mismo Landbank na itinatag para sa mga magsasaka at mangingisda, ang gustong magpautang para dagdag na puhunan pambili ng mga bagong makinarya para maparami ang ani. Masyadong malaki daw ang risk na hindi makakabayad ang magsasaka at mangingisda. Kawawa naman ang mga nagtitiyagang magtanim at mangisda, nakabilanggo sila sa tradisyonal na pagsasaka at pangingisda.

Dahil patanda na ang mga magsasaka at mangingisda, tiyak na lalong kakaunti ang ani sa susunod na panahon.  Wala na kasing mga millenials na gustong maranasan ang hirap magtanim at mangisda. Mapipilitan tayong mag-angkat ng mga gulay at isda sa ibang bansa. Hindi mainam ito. Pangit para sa isang bansa na hindi niya mapakain ang kanyang pamayanan sa sariling tanim at huli sa karagatan at ilog.

Kulang na rin tayo sa lupain at mukhang pati ang ating karagatan ay lumiliit na rin. Nais kong idagdag sa litanya ng mga balakid ang sitwasyon sa West Philippine Sea na hindi na ngayon mapuntahan ng ating mga mangingisda ng walang panganib sa kanilang mga buhay.

Ang masaklap dito ay palobo nang palobo ang bilang ng mga Pilipino na kailangan kumain. Kaya naman po hindi dapat kung sino sino lang ang hihirangin maging bagong kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura. Okay lang naman kung manggagaling muli sa hanay ng militar ang susunod na Kalihim ng Agrikultira basta may sapat na karanasan at pagkaunawa sa mga suliranin sa sektor ng agrikultura. Kung wala siya nito, lalong lalala ang sitwasyon.  Hindi kayang utusan ng isang heneral ang punong kahoy at bukid na mamunga ng marami at hindi rin susunod ang mga isda na magpahuli sa lambat ng mga mangingisda.

Sabi nila Brown, Ebora at Decena, mayroon na raw tinatrabaho ang pamahalaan na mga solusyon. Sana ito ay mabanggit ng Pangulo Duterte para maunawaan ng ating mga kababayan ang transpormasyon ng sektor ng agrikultura, pangingisda at pangangahoy sa kabundukan na maghahatid ng trabaho , negosyo at mas masiglang ekonomiya sa susunod na 3-5 taon. Tama na muna ang pulitika.