Akademya at ayuda sa mga atleta

ISA sa tunay na nagbibigay ng karangalan sa ating bansa ang mga atletang sumasabak sa matitineing kompetisyon sa kabila ng kakulangan ng mga suportang kanilang natatanggap.

Kaya naman sa panahon ngayon ng krisis dulot ng COVID 19 pandemic, hindi rin natin sila dapat kalimutan upang kanilang maramdaman ang pagpapahalaga sa kanila.

Kaisa tayo ni Senate Committee on Sports Chairman Bong Go sa pag-apela sa Philippine Sports Commission at iba pang ahensya ng gobyerno na patuloy na suportahan ang national teams partikular ang mga atleta.

Sinabi ni Go na sa gitna ng COVID-19 pandemic, dapat na panatilihin ng PSC ang pangangalaga sa kapakanan ng mga atleta lalo na ang physical at mental condition ng mga ito.

Iginiit ni Go na ang mga atleta ang nagdadala ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanilang mga talento kaya marapat na ipakita din ng pamahalaan ang taus-pusong pagsuporta sa kanila lalo na sa oras ng pangangailangan.

Dagdag ni Go, karamihan sa mga atleta ay hindi nakakapag-training at hirap na rin sa buhay lalo na ngayong apektado ang kanilang kabuhayan at maging ang allowance na natatanggap ng mga ito.

Kamakailan ay namahagi ng allowance ang PSC sa halos 1,000 national athletes at coaches sa kabila ng "no training, no allowance policy" habang nabigyan ng accommodation at pagkain ang mga stranded na atleta sa Metro Manila.

Pero dahil sa limitadong resources bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic, apektado din ang allowance ng mga ito.

Nanggagaling kasi ang National Sports Development Fund sa kita ng PAGCOR na naapektuhan din ng pandemic.

Dahil dito, inihayag ng PSC na makakatanggap pa rin ng allowance ang mga deserving athletes pero dahil sa epekto ng pandemic ay magiging kalahati na lamang ito simula sa July.

Nanawagan naman si Go sa PSC na gawin ang lahay upang maibigay pa rin ang suporta sa mga atleta at pag-aralan kung puwedeng magkaroon ng retroactive restpration ng kanilang buong allowance kapag nakabawi na ang remmittances ng PAGCOR.

Isa rin sa napakagandang development para sa ating mga atleta ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging ganap na batas ang panukalang pagtatatag ng National Academy of Sports.

Matatandaang isinulong ni Go ang pagtatatag ng akademya para makatulong sa mga kabataang gustong mag-aral habang nagti-training sa sports base sa kanilang talento.

Sinabi ni Go na mahalagang hindi napapabayaan ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral habang pinagbubuti ang kanilang talento para makapagbigay ng karangalan sa bansa.

Ilang beses nang napatunayan ng mga atletang Pinoy na kayang-kaya nitong makipagsabayan sa iba't ibang lahi dahil sa kanilang dedikasyon at marubdob na pagmamahal sa bayan.

Kaya't nararapat lamang na ibigay natin sa kanila ang tamang atensyon, suporta at pagmamahal upang iangat hindi lamang ang kanilang mga sarili kundi mismong ang bansang Pilipinas.