‘Alam na this,’ Mayor Sara?

NGAYON pa lang, “naguguluhan” na ang madlang pipol, kung “sino” ba talaga ang susunod na ‘Speaker of the House’ sa pagbubukas ng ika-18 Kongreso ngayong Hulyo?

Noon kasing Martes, sa malaking ‘campaign rally’ ng ‘Hugpong Ng Pagbabago’ sa Tacloban City, Leyte, na “balwarte” ng pamilya Romualdez, hayagang inindorso ni Davao City mayor at presidential daughter, Sara Duterte, si Lakas-CMD president at 3-term congressman, Martin Romualdez, bilang “susunod” na ‘House Speaker,’ kapalit ni ex-president at outgoing Speaker, Gloria Macapagal Arroyo.

Sumunod na araw naman, Miyerkules, sa parehong okasyon sa Tagbilaran City, nabanggit naman ni Mayor Inday na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ang papalit sa puwesto ni Madam Gloria.

At gaya ng alam na rin ng lahat, nagbitiw noong isang taon bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) si ex-senator, Allan Peter Cayetano, upang tumakbo bilang kongresista ng Taguig na ang “inaasintang puwesto” ay bilang Speaker of the House!

Si Cayetano ang naging ka-tandem ni PDU30 noong 2016 election kaya masasabing may “impluwensiya” rin siya sa ating mahal na Pangulo.

At bagaman “nasipa” na sa poder bilang ‘House Speaker,’ sinasabing ang pagbalik sa puwesto ang siya ring “inaasinta” ni Davao congressman, Pantaleon Alvarez.

Sa pagtatapos din ng eleksyon ngayong Mayo 13, asahan din na may iba pang mag-ambisyon na maging lider ng Kamara, kahit sa hanay ng magiging “minorya” o “oposisyon.”

* * *

Hindi natin “minamaliit” ang kakayahan ng mga nabanggit, mga kabayan, subalit, kung titingnan ang naging “galawan” sa Kongreso, ‘little chance’ na lang na makabalik pa sa poder si Cong. Alvarez.

At bagaman nga “pagdating sa dulo” ay ang “kapasyahan” ng mayorya ng Kongreso ang masusunod, hindi rin dapat “ismolin” ang “impluwensiya” ni Mayor Sara -- na siyang “gumalaw” noong isang taon upang “matsugi” sa puwesto si Alvarez.

Bukod dito, hindi isinasara ni Mayor Sara ang “pintuan” sa panukalang “siya” na lang ang “pumalit” kay PDU30 sa 2022 presidential election upang matiyak na maitutuloy ng pamahalaan ang mga proyekto nito at mga programa, partikular na ang paglaban sa iligal na droga at sa katiwalian.

Kaya nga, ngayon pa lang, masasabi nating “krusyal” ang kanyang magiging “pagpili” sa susunod na Speaker of the House dahil ang mga kongresista ang “magbibigay” ng mga boto sa bawat distrito pagdating ng 2022 presidential election, partikular na sa mga rehiyon sa labas ng Mindanao, na matagal nang balwarte ng mga Duterte.

Sa ganang atin tuloy, sa mga tinuran ni Mayor Sara, masasabing sina Rep. Romualdez at Rep. Velasco lang talaga ang “maglalaban” upang makuha ang “matamis na oo” ni Mayor Sara sa labanan para sa susunod na Speaker of the House.

At sa kanilang dalawa, masasabing “angat na angat” sa mga kuwalipikasyon si Rep. Romualdez, kung karanasan, liderato at “impluwensiya” ang pag-uusapan.

Bagaman may magandang reputasyon si Cong. Velasco bilang anak ni ex-Supreme Court Associate Justice, Presbiterio Velasco at isa ring abugado, isa siyang “bagong sibol” na mambabatas sa Kongreso.`

Unang nahalal noong 2010, “natagalan” ang kanyang pag-upo bilang ‘re-electionist’ noong 2013 dahil dumaan pa sa ‘electoral protest’ laban sa kanyang naging kalaban na si Regina Reyes, anak ni noon ay Gov. Carmencita Reyes. Nakaupo lang (ulit) sa Kongreso si Rep. Velasco noong 2016.

Ang Marinduque ay isa sa apat na ‘island provinces’ sa Mimaropa (Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque at Romblon -- inilipat ang Palawan sa Western Visayas noong 2005) at bagaman nga talagang “mababait” ang mga tao dito, ang kabuuang boto nito -- at kahit ang buong Mimaropa -- ay hindi sapat upang “dalhin” ang isang kandidatong pangulo sa Malakanyang.

Sa rekord kasi ng Comelec, noong 2016, bagaman higit 1.5 milyon ang botante sa buong Mimaropa, aabot lang sa higit 136,000 ang botante sa Marinduque, na “balwarte” ngayon ng mga Velasco.

Sa termino ni PGMA, miyembro rin ng Lakas-CMD si Cong. Allan -- kung saan naging ‘party president’ naman si Rep. Martin hanggang ngayon.

Bukod naman sa edad -- mas nakatatanda si Rep. Martin (born 1963) kumpara kay Cong. Allan (born 1977) at tulad ng alam ng lahat -- maging sa karanasan ay “lamang” siya dahil mula siya sa angkan ng mga Romualdez na pahahon pa lang ng mga Amerikano (colonial period) ay nasa mundo na ng negosyo at pulitika.

Tatlong termino na ring naging kongresista si Rep. Martin, mula 2007 hanggang 2016 subalit, katulad ng kanyang pinsan na si Bongbong Marcos, ay kasama sa mga nabiktima ng “hocus-PCOS” nang tumakbo siyang senador noong 2016 election.

Dahil na rin sa kanyang mga katangian, sa kanya “ipinagkatiwala” ni PGMA ang “trono” bilang presidente ng Lakas-CMD, isang posisyon na nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang mapalawak ang kanyang ‘network’ sa hanay ng mga mambabatas hindi lang sa Kabisayaan, bagkus, sa lahat ng panig ng bansa.

At kung naging pangulo ng IBP-Marinduque si Cong. Allan na nagtapos ng abugasya eh, mas “hebigat” ang naging posisyon ni Rep. Martin, bilang presidente ng ‘Philconsa’ (Philippine Constitutional Association).

Sa usapin naman ng boto, noong 2016, ayon sa Comelec, may higit 2.6 milyon botante ang Eastern Visayas (Region 8) kung saan halos kalahati nito, 1.1 milyon, ay mga botante sa Leyte, ang “balwarte” ng mga Romualdez.

At siyempre, dapat pa ring isama rito ang boto mula sa Ilocos Region na may higit 2.9 milyon boto, dahil na rin sa ‘family connection’ ng mga Romualdez sa pamilya Marcos.

Kung ang mga nabanggit ay bahagi ng “konsiderasyon” ni Mayor Sara at Pang. Rody sa “pagpili” ng bagong Speaker of House bilang paghahanda sa 2022 presidential election, eh, wala tayong masasabi kundi, “alam na this,” hehehe!

Abangan!