Ang halimaw ng korupsyon sa Philhealth

August 08, 2020

ANG bisyon ng PhilHealth ay makabagbag damdamin:  Bawat Pilipino, Miyembro; Bawat Miyembro, Protektado; Kalusugan Natin, Segurado. Subalit ang malaking tanong : protekdo kaya ang kontribusyon natin sa korupsyon?

Mahalaga ang kalusugan, mayaman ka man o mahirap. Kanya naman noon ako ay Kinatawan pa, malaking bahagi ng pondo ng distrito ay nakalagak sa mga DOH Hospitals para ang mga mahihirap kong kababayan ay wala ng iintindihin bayarin sa ospital. Mas matimbang na  bagay ito para sa mahihirap, higit pa sa mga pa iskolar sa distrito. Ang puso ko ay pinataba ng mga taong lubos ang  pasalamat na niloob ng Diyos na matulungan natin mabayaran ang obligasyon nila sa ospital, o pambili ng gamot o pambayad sa doktor at mga diagnostic  at laboratory procedures na kailangan gawin sa pasyente.

Kapag may sakit ang isang kapamilya, aligaga ang lahat.  Nagkukumahog maghanap ng pambili ng gamot, at pambayad sa ospital. Mas mabigat ang problema kapag ang may sakit ay ang padre de pamilya, gutom ang aabutin ng buong pamilya, apektado ang kanilang kita at madudurog ang puso mo o mapapasuntok ka na lang sa pader kung wala kang matakbuhan para hingan ng tulong. Iyan marahil ang dahilan kung bakit itinatag ang Medicare sa panahon ng Administrasyong Marcos.

Agosto 4, 1969  ng aprubahan ang Philippine Medical Care Act of 1969 o RA 6111 upang magbigay ng ayuda sa lahat ng Pilipino upang makatawid sa gastusin ng gamutan. Ang kontribusyon ng   mga miyembro ng SSS at GSIS  ay nag-uumpisa sa P.60  sentimos hanggang P7.50. 

Ang mga mahihirap na hindi miyembro ng SSS at GSIS ay may ayuda rin tatanggapin at sila ay ililista narin para  maging miyembro. Mainam na paraan ito upang ang mga  mahirap ay matulungan ng  mayamang miyembro ng SSS at GSIS  na hindi pa naghahabol ng benepisyo.  Ang ibang pondo naman ay gagamitin bilang hospital loan na maaaring ipautang sa mga pribadong ospital na may patong na 6% interes para magamit nilang pangpalawak, pangpalaki  at pangpahusay pa ng kanilang serbisyo medikal.

Dahil walang sariling mga tauhan at tanggapan ang Medicare, nakikisakay lang ito  sa mga tao at opisina ng SSS.  Si Dr. Pacifico Marcos ang naglingkod bilang Chairman ng Medicare mula 1969 hanggang 1986. Walang anomalya ang napabalita sa pangangasiwa ni Dr. Marcos sa Medicare.

Nuong 1986, sinakop na ng Kalihim ng DOH ang Medicare at  hindi na ito pinakawalan. Noon 1995, isinabatas ang RA 7875 na nagtatag ng isang bagong government owned corporation, ang PhilHealth, para pangasiwaan nito ang lahat ng pondo ng Medicare. Ang Kalihim ng DOH ang  ginawang Chairman of the  Board ng PhilHealth. Inalis ng batas na ito ang hospital loans na dati’y bahagi ng mandato ng Medicare sa RA 6111.

Ginawa ang hakbang na ito sa kabila ng pagtutol ng SSS sapagkat sa nakalipas na 25 taon mula 1969,  hindi nagkaproblema ang Medicare kahit pa ito ay nakikisakay lang sa imprastruktura ng SSS at sayang na sayang lang ang perang gagastusin sa bagong korporasyon; ang perang  pangpasweldo ng mga bagong tauhan, operasyon ng mga opisina at iba pang gampanin ay mas mainam gamitin  na lang na pambayad sa mga benepisyong mga miyembro. Hindi pinakinggan ito ng mga nasa poder noon.

Ang RA 7875 ay inamyendahan ng RA 9241 (2004) at RA 10606 (2013) at ng RA 11123 (Universal Health Care Act of 2018) noon Pebrero 20,2019.

Dahil sa iskandalosong laki ng sweldo ng mga opisyales ng mga GOCC, ginawa ang RA 10149 (GOCC Governance Act of 2011) upang rendahan ang kasibaan ng mga ito. Isang taon lang ang termino ng lahat ng opisyales na ito at hindi sila maaaring manombrahan ulit kung hindi papasa sa Governance Commission on GOCC (GCG) na magrerepaso ng annual report ng mga GOCC. Dahil dito, ang dating anim na taong termino ng Presidente ng PhilHealth ay umikli sa isang taon na lang, ngunit maaaring manombrahan muli kung maayos ang serbisyo batay sa repaso ng GCG.

Maliban sa pinaikling isang taon termino ng President ng PhilHealth, kailangan siya ay Filipino at may pitong taon karanasan sa public health, management, finance, at health economics o kombinasyon  ng alin man sa mga ito (Sec 14, RA 11123).

Hindi na napatid ang iskandalo sa Philhealth mula pa 2017 kay dating Presidente Celestina dela Serna at  Dr. Roy B. Ferrer  noon 2018 at ngayon ay Ricardo Morales na ang pangunahing misyon ay linisin ang Philhealth sa korupsyon. Ang mga maluhong travel allowances ng mga opisyales nito, ghost claims, overpricing ng mga IT systems ay ilan  lang sa mga umaalingasaw na korupsyon sa ahensiyang ito.  At ang balita, batay sa imbestigasyon ng Senado, ay namimiligro ang kapasidad ng ahensiya na magbayad ng benepisyo para sa mahigit 104 Milyon miyembro at mga dependents nito.

Pinayuhan ni Freidrich Nietzsche  ang mga lalaban sa halimaw na  mag-ingat  ng maigi  sa proseso ng labanan upang sa huli ay hindi maging halimaw din. Ang halimaw ng korupsyon sa Philhealth ay  malakas at mabangis. Marami na ang  lumaban dito,  ngunit mukhang hindi nakinig sa payo ni  Nietzsche.