Ang HB 2476 at HB 1987, bow!

February 03, 2020

BAGO ang lahat, binabati natin ang Bureau of Customs (BoC) sa pagdiriwang nito ng ika-118 anibersaryo ngayong linggo.

Kahapon, sa ‘social media post’ ni kasamang Dexter Gatoc (na “empleyado” na pala ng BoC, congrats, brod), nakita natin na kasama pa niya sa larawan si Comm. Jagger Guerrero—na “maaliwalas” ang mukha, hehehe!

Dangan nga kasi, bukod sa “nalampasan” niya ang ‘one-year jinx’ sa mga itinalagang ‘customs chief’ ni PDU30 sa Aduana noong Oktubre 2019 (inabot lang kasi ng tig-isang taon sina Comm. Nick Faeldon at Comm. Sid Lapeña sa puwesto), “nilinaw” na rin ni PDU30, mismo, na hindi siya aalisin sa puwesto— “sa ngayon,” ayon naman sa ilan pang mga miron dahil “abangan” daw pagpasok ng Marso, hehehe!

At kasehodang “kinapos” ng higit P30 bilyon ang koleksyon ng Aduana noong isang taon, kumpara sa ‘total collection target’ nito na P662 bilyon, ang nakolektang higit P631 bilyon ay “pinakamataas” pa rin naman sa 118 taon na kasaysayan ng ahensiya.

“Maganda” rin ang “pasok” ng 2020 para sa Aduana dahil “nalampasan” pala ng MICP, sa pangunguna ni Coll. Jay Francia ang ‘target collection’ ng kanyang distrito ngayong Enero, kasama na ang ilan pang mga distrito ng BoC.

Translation? “Nagbubunga” na nga kaya ang mga “reporma” ni Comm. Jagger kaya kahit “matumal” ang negosyo noong nakaraang buwan, dahil na rin sa “maagang pagpasok” ng Chinese New Year (at may problema pa ngayon sa nCoV), ay naging “maganda” ang ‘peformance’ ng ilang mga distrito?

Marahil pa, “masaya” ngayon si Comm. Jagger dahil taliwas sa inaasahan, mukhang wala nang balak si PDU30 na magpunta sa BoC kung saan, marami ang “kabado” dahil baka katulad nang magpunta siya noong 2018, sa ika-116 anibersaryo nito, eh, muli siyang mag-anunsiyo kung sinong mga opisyal ng Aduana ang mga wala nang trabaho, ahahay!

Kumbaga, “nabawasan” ng ‘no-show’ ni PDU30 ang ‘stress’ at ‘tension’ na bumabalot sa pantalan, yeheyy!

Ngayong araw naman ay ihahayag ni Comm. Jagger ang “bago” niyang “posam points” (sa lengguwahe ni Mayor Kois Moreno) para sa Aduana o ang ‘10-point program’ ng ahensiya ngayong 2020 na inaasahan natin ay makatutulong sa kanya upang makuha naman ang P731 bilyon target ngayong taon.

Tingnan na lang natin kaya… abangan!

***

May dalawang makabuluhang panukala ngayon sa Kongreso na sa ganang atin ay dapat suportahan, una, nang hanay ng midya at ikalawa, nating lahat.

Ang una sa mga ito ay ang HB 2476 na panukala ang ating “kapatid” sa National Press Club (NPC) na si Rep. Niña Taduran ng ACT-CIS partylist.

Sa totoo lang, kung hindi “nasabak” sa pulitika si kapatid na Niña, aba’y hindi malayong opisyal na siya ng NPC; “nakabuti” naman para sa sektor ng midya na nasa Kongreso na siya dahil may “siguradong kakampi” ang mga mamamahayag sa hanay ng ating mga mambabatas katulad ng ginawa niyang paghahain ng HB 2476.

Ang panukala ay masasabing isang “kumprehensibong batas” na tutugon sa pangangailangan ng midya mula sa seguridad hanggang sa usapin ng suweldo at benepisyo.

At alam natin na magiging “madugo” ang pagtalakay sa panukala dahil na rin sa katotohanan na ang ‘mass media’ sa ating bansa ay kontrolado hindi lang ng mga oligarkiya at mga naghaharing uri bagkus, kahit ng mga “trapo” (‘traditional politician’) na sandamakmak pa rin sa Kongreso.

Bagaman, hinikayat natin ang iba pang mga samahan o organisasyon sa hanay ng midya, partikular na ang mga “kaalyado” ng National Press Club (NPC) na “bigkisin” ang ating buong hanay sa pagsuporta sa panukalang ito.

Ang  ikalawang panukala na nakatawag sa ating pansin ay ang HB 1987 na inihain ni Iligan City representative, Frederick W. Siao.

Hindi natin personal na kilala si Cong. Siao subalit, natutuwa tayo na may isang mambabatas na nakahandang “ituwid” ang matagal nang “maling kalakaran” sa ating batas trapiko kung saan palaging ang mga nagmamaneho (driver/drayber) ng mga sasakyan ang “may kasalanan” sa tuwing magkakaroon ng ‘vehicular accident’—kahit ang malinaw na may “kasalanan” ay ang “biktima.”

Sakaling maging batas ang HB 1987, tatawagin itong ‘Philippine Responsible Driving and Accountability Act.’

Bagaman “pahapyaw” pa lang nating nabasa ang panukala ni Cong. Siao, natutuwa tayong malaman na sa ilalim nito, hindi na basta puwedeng “ibintang” sa isang drayber ang “kasalanan” at agad siyang ipasok sa karsel kahit (partikular kung namatay o malubhang nasugatan ang “biktima”) kung “malinaw” sa imbestigasyon na wala siyang kasalanan.

Halimbawa na rito ay ang mga nagmomotorsiklo na walang pakundangan kung “sumingit,” mga nagmamaneho ng lasing, mga ‘pedestrians’ na tumatawid sa hindi naman ‘pedestrian lane,’ mga sasakyan na ibinibiyahe kahit depektibo ang mga ‘tail light’/headlight’ at mga “bata” na ginagawang ‘playground’ ang mga kalsada (na kinukunsinti naman ng kanilang mga magulang at kaanak).

Aber, ilang ‘driver’ na ba ang bumagsak sa kulungan dahil kahit anong pag-iingat ang gawin nila sa pagmamaneho ay nag reresulta pa rin sa aksidente dahil naman sa mga kababayan natin na walang pakundangan at disiplina sa katawan, hindi ba?

Sa atin pa ngang personal na karanasan, kung hindi talaga mag-iingat nang husto, mauuwi sa aksidente dahil ang mga “kasalamuha” natin sa kalsada, walang pakialam sa ginagawa nilang perwisyo katulad ng mga traysikel na ibinibiyahe kahit sa mga ‘national roads’ (sa Maynila, pagsapit ng gabi at madaling araw kahit mga “kuliglig” nasa mga main roads).

O kaya naman, mga nagmo-motor at mga tumatawid sa kalsada na naka ‘earphone’ kaya kahit bumusina ka, wala silang pakialam.

At kung magka-aksidente, ang kawawa ay ang maingat na drayber dahil agad na kakasuhan ng ‘reckless imprudence’ (kapabayaan)—kahit nga wala naman talaga siyang kasalanan,

Harinawang mayroon sa hanay ng ating mga senador na “magkusa” rin na ‘mag-file’ ng katulad nitong HB 1987 para maging mabilis ang proseso sa pagsasabatas nito.

Abangan!