Ang mga mapagsamantala sa panahon ng pandemya

August 12, 2020

UMANI ng batikos ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mabagal na aksiyon para protektahan ang mga consumers laban sa mga negosyanteng nagsasamantala sa pagbebenta ng mga gamit bilang proteksiyon laban sa COVID-19.

Kapag kasi mataas ang demand ng isang produkto, doble hanggang triple kung patungan ng mga negosyante ang presyo nito kaya’t dito kinakailangang kumilos ang DTI upang masupil ang kanilang pagsasamantala sa pamamagitan ng paglalagay ng SRP o ang suggested retail price.

May katapat na parusa o multang ipinapataw ang DTI sa mga mahuhuling nagsasamantala sa pagtataas ng presyo ng mga mabentang produkto kaya naman umaasa ang mga mamamayan sa mabilis na pagkilos ng ahensiya ngayong panahon ng pandemya.

Pero taliwas sa inaasahan, mukhang naging makupad ang ahensiya na masupil ang mga mapagsamantala nang biglang lumobo ang presyo ng face shield na hindi lamang doble kundi triple o higit pa sa dating halaga.

Ang dati kasing P25 kada isang piraso ng isang ordinaryong face shield ay ibinebenta ngayon ng mula P50 hanggang P100 mula nang ipahayag ng Inter-Agency Task Force na gagawin ng mandatory ang pagsusuot nito sa mga sasakay ng pampublikong sasakyan.

Hindi naman sa face shield lang nagsimula ang pagsasamantala ng mga negosyante kundi noong unang pumutok ang paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19, bigla ring nagmahal ang face mask, lalo na ang surgical mask na dati’y mabibili lamang ng mula P40 hanggang P50 kada kahon ay lumobo sa P150 hanggang P200 kada kahon habang ang N95 mask na tig-P40 kada piraso ay ibinebenta ng P120 ang isa kaya napilitang kumilos laban dito ang DTI.

Ang iba nga ay itinago at hindi kaagad ibinenta ang stock na produkto dahil nag-abang sila ng buyer na handang bumili ng maramihan sa napakataas na halaga.

Maging ang motorcycle barrier na mabili rin ngayong panahon ng pandemya ay hindi na rin nasusuri ng DTI kung pasok sa pumasang disenyong isinumite sa National Task Force at kung magkano ang dapat na maging presyo nito.

Totoong mataas ang presyo ng isang produkto, maging ito’y pagkain, gamot o kagamitan kapag malaki ang demand, pero sana, sa ganitong panahon ng pandemya, umiral naman ang malasakit sa kapuwa at kumilos din ng mabilis ang kinauukulang ahensiya.

Kawalan ng disiplina

ANG nangyayaring mga pagbaha sa tuwing tag-ulan, pagsisikip ng daloy ng trapiko, paglobo ng bilang ng krimen at marami pang iba ay resulta lang ng kawalan ng disiplina ng mamamayan.

Hanggang ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19 ay patuloy ang kawalan ng disiplina ng marami dahil sa kabila ng walang tigil na paalala at abiso ng gobyerno sa pagsusuot ng face mask, pagbibigay ng distansiya sa bawa’t isa, hindi paglabas ng tirahan at pagpapanatili ng kalinisan ay hindi tuwirang nasusunod kaya’t lumobo ng husto ang bilang ng mga tinatamaan ng virus.

Ang nakapagtataka, lahat naman ay nangangamba at takot na dapuan ng nakamamatay na sakit pero patuloy pa rin ang kawalan ng disiplina at hindi pagtalima sa ipinaiiral na panuntunan ng pamahalaan sa ilalim ng “new normal”.

Makikita ang kawalan ng disiplina ng marami sa mga palengke, pinipilahang remittance center, sangay ng utility companies na tumatanggap ng bayarin at iba pang lugar na tinutungo ng mga tao para mamili, kumuha ng matatanggap na salapi o magbayad ng tubig o kuryente kung saan na kumpol-kumpol at nagsisiksikan ang mga tao.

Kung tutuusin, hindi lang naman talaga kasalanan ng mamimili ang hindi maiwasang pagsisiksikan kundi kasalanan din ito ng mga nagtitinda na sa kagustuhang mapalaki ang kanilang puwesto ay sinasakop maging ang daan na dapat ay nilalakaran ng mamimili.

Dito lang sa Antipolo St. na extension ng Obrero Market sa Blumentritt, umayos ang mga manininda nang ideklara ng gobyerno ang lockdown sa buong Luzon dahil nailagay sa ayos ang kani-kanilang puwesto para mabigyan ng sapat na daang malalakaran ang mamimili upang hindi sila magkabungguan at magsiksikan.

Pero mula nang ilagay sa general community quarantine ang Metro Manila noong June 1, unti-unti na ring bumalik sa dati nilang inookupang lansangan sa Antipolo Street ang mga vendors kaya’t muling sumikip ang lugar at hindi maiwasan ang pagkakabungguan ng mga mamimili, pati na ang pagsisiksikan.

Malapit lang sa Sub-Station ng pulisya ang extension ng Obrero Market sa Blumentritt at kung tutuusin ay tanaw na tanaw ng mga pulis mula sa likuran ng kanilang tanggapan ang pagsakop na muli sa malaking bahagi ng lansangan ng mga vendors pero wala silang aksiyong ginagawa rito at kasehodang magkabunggo-bunggo at magsiksikan ang mga mamimili, pati na rin ang mga vendors.

Lalo tuloy lumalaki ang hinala na baka totoo ang napaulat na nilakihan daw ang kota ng lingguhang tong sa mga vendors sa naturang lugar sa kabila ng umiiral na pandemya.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363