Ang ‘sabwatan’ laban kay Atty. Mangaoang, bow!

February 14, 2019

BAGO ang lahat, mainit munang pagbati kay ex-NPC president, Benny Antiporda, sa kanyang kaarawan bukas at sa pahayagang ‘Remate’ sa kanilang ika-28 anibersaryo ngayong linggo.

At siyempre, ‘belated happy birthday’ na rin kay ex-Senate President Juan Ponce Enrile na ‘Birthday Boy’ noong Pebrero 14. Ipinapaabot na rin natin sa kanyang pamilya at mga kaibigan ang ating taos-pusong pakikiramay sa pagpanaw ng kanyang kapatid at “haligi” ng ating sining at kultura, Armida Siguion-Reyna.

At bago natin makalimutan, dear readers at DoT secretary, Berna Romulo-Puyat, nananawagan ang mga empleyado sa iyong ahensiya na “baka” puwede mo raw boldyakin, agh, tanungin, ang isa sa iyong mga ‘undersecretary’ kung ginagampanan ba nito ng maayos ang kanyang trabaho at mga obligasyon o palagi siyang “tulog sa pansitan,” aguy!

Dangan kasi, hindi maintindihan ng mga empleyado, sampu ng mga kontratista, partikular na dyan sa TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority) kung bakit “tamad” umano itong nasabing opisyal na pirmahan at aprubahan ang mga papeles sa kanyang tanggapan?

Kasama umano sa “inuupuan” nitong si Mr. DoT undersecretary ay ang suweldo ng mga kawani at iba pang mga bayarin ng kagawaran. Eh, “bosing,” may mga pamilya rin po na umaasa sa kanilang kakarampot na suweldo ang mga tauhan na pinahihirapan mo umano, hane? And yes, ‘yang ganyang panis na estilo ang isa sa mga “kinamumuhian” ni PDU30, eh, ikaw din, hehehe!

“Nakahanda” umano sa isang ‘dialogue’ kay Sec. Berna ang mga nagrereklamo kaya abangan na lang natin, hindi ba, kasamang Bambi Purisima?

* * *

Natatawa na lang tayo, dear readers, sa ilang mga banat at pagpuna dito kay Atty. Lourdes Mangaoang ng Bureau of Customs.

Dangan kasi, halata namang ‘motivated by spite and anger’ ang mga upak sa kanya at ang mas “masaklap” pa, ‘anlayo sa katotohanan at sa termino sa media, ang tawag dito ay ‘intellectual dishonesty.’

Dangan kasi, palaging binabanggit ng kanyang mga kritiko -- na pulos “sopla” at “kahihiyan” sa publiko ang inaabot sa kanyang mga “resbak” -- na “tinanggal” siya ni Customs Commissioner Jagger Guerrero bilang “hepe” ng BOC-XIP (X-Ray Inspection Project).

Oops! Malinaw na “panis” ang impormasyon at talagang “sablay” ang paninirang-puri na ito sa kanya dahil, HINDI nakaupo si Atty. Dess sa XIP bagaman nga inirekomenda siya dito ni Comm. Jagger.

Translation? How can Atty. Mangaoang “resign” from a post that she never has the chance to assume to begin with?

Ayon pa sa ilang miron, “matindi” ang “galit” kay Atty. Mangaoang ng ‘remnant’ sa Aduana na mga “naiwan” doon ni Comm. Sid Lapeña dahil nga ang kanyang naging testimonya sa Senado noong isang taon hinggil sa matagumpay na pagpasok ng iligal na droga sa MICP ang ‘nagbisto” ng kanilang “sabwatan” upang “pagtakpan” ang nasabing eskandalo.

Kumbaga, Pang. Rody at DoF Secretary Sonny Dominguez, sa halip na tingnan ng grupong ito na ang testimonya ni Atty. Dess ay bilang pagtupad sa kanyang responsibilidad bilang isang opisyal ng gobyerno na sabihin ang katotohanan at pawang katotohanan sa isang pormal na pagdinig ng Senado, “masama” ang kanilang loob na hindi siya naging ‘team player’ at “nakisama” sa kanilang pagtatakip sa katotohanan.

Uulitin natin dito na sa ganang atin, “biktima” si Comm. Sid Lapeña ng PDEA-BoC drug syndicate kaya nakalusot ang mga nasabing shabu.

‘Yun nga lang, lalo pa siyang “nakanal” nang “kampihan” niya itong kanyang mga ‘appointees’ at ‘inner circle’ na kung susuriing mabuti, ang “habol” lang din siyempre ay “isalba” ang kanilang mga pagkukulang, pagiging ganid (sa tinatanggap nilang mga tara) at higit sa lahat, ang kanilang mga “katangahan” (incompentence, ayon kay SBRC Chairman Richard Gordon).

Aber, kung titingnan pa nga, ang ginawang ‘warning’ ni Atty. Dess kay Comm. Sid na posible ngang may nakalusot na mga shabu kaya dapat agaran itong imbestigahan ni Comm. Sid ay pagpapakita ng “tunay na malasakit” ni Atty. Dess sa kanya, kumpara sa ginawa ng iba pang mga opisyales ng Aduana sa kanilang pagpipilit na “walang laman” ang mga kontrobersiyal na ‘magnetic lifters,’ tama ba, Atty. Dino Austria?

At alam na natin ang naging “ultimo resulta” hindi ba dear readers? Sa dakong huli, “nilunok” ni Comm. Sid ang kanyang unang posisyon (walang nakapasok na shabu) at sa dakong huli ay inamin na “meron nga!” ahahay!

Sa nangyari naman na ‘no choice’ si Comm. Jagger na “bawiin” ang ‘appointment’ ni Atty. Dess sa XIP, nauunawaan natin siya, dear readers.

Isa kasing malaking “block of influence,” partikular sa mga hanay ng mga ‘director’ at ‘customs district collectors’ sa ahensiya itong mga “nasupalpal” ni Atty. Dess, hehehe, ayy, huhuhu!

At sa reyalidad na ito, harinawang maisip din ni Comm. Jagger na kung dahil sa kanilang mga sabwatan at kapalpakan, “nakanal” at “napalusutan” nila si Comm. Sid, eh, bakit hindi rin nila ito puwedeng gawin sa kanya?

“Patunay” dito, ayon sa ilang miron, ay yung isang opisyal na labis din ang naging pagtitiwala ni Comm. Sid na kailan lang ay inireklamo ng ‘currency smuggling’ sa isang paliparan.

Samantala, isa pa rin opisyal na nagawang “paikutin” si Comm. Sid ay sinasabing maraming ginawa -- at ginagawang ‘hocus pocus’ d’yan sa Informal Entry Division (IED) katulad ng paglalabas ng mga ‘container’ na bukod sa pulos ‘smuggled rice’ ang laman, hindi rin umano nagbabayad ng buwis, sanamagan, hindi ba, kasamang Rey Domingo?

Ayon pa sa ilang miron na nagmamalasakit sa ahensiya, ang mga ganitong “kabalbalan” ang isa sa mga dahilan kung bakit malakas ang panawagan ng ilang opisyal sa loob at labas ng Aduana na “huwag” kailanman ipuwesto sa XIP si Atty. Dess. Dangan kasi, siguradong matitimbog sila, ahahay!

Eh, baka gustong paimbestigahan ni DCI Raniel Ramiro ang operasyong ito?

At isama na rin niya ang walang humpay na ismagling dyan sa IBR (Interline Baggage Release) sa NAIA na ilang dekada nang nangyayari subalit patuloy pa rin hanggang ngayon.

Abangan!