Anong “meron” sa Cebu BoC at MISLATEL arangkada na

BAGO ang lahat, sinserong pakikiramay ang ating pinaabot sa pamilya at mga kaibigan ni Senate Sergeant-At-Arms, retired MGen. Jose Balajadia Jr., na naglingkod sa Senado sa higit 19 taon. Pakikiramay din sa pamilya at mga kaibigan ni Pareng Virgilio Conde. May you rest in peace, pare!

***

Marami ang nagugulat sa ipinapakitang tigas ng ulo, ehek, “paninindigan,” ni Atty. Elvira Cruz, na ‘not once, but twice,’ na tinanggal sa puwesto ni BoC chief, Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero, bilang ‘district collector’ sa Port of Cebu.

Una nang itinalaga ni Comm. Jagger si Lemuel Romero bilang “OIC” sa Cebu kapalit ni Cruz noong Enero subalit nailabas pala ito noong Abril; agad namang “tumakbo” si Cruz sa CSC upang ireklamo ang paggamit ni Comm. Jagger (at DoF secretary Sonny Dominguez) ng kanilang “werpa” na magpalit ng mga opisyales ng ahensiya.

Noong isang linggo, mga elemento na umano ng Phil. Coast Guard (PCG) ang “humarang” kay Cruz papasok sa BOC-Cebu para naman “matiwasay” na makapagsimula ng trabaho si collector Charlito Martin Mendoza. Ang “pag-upo” ni Mendoza, sabihin pa ay “kinontra” pa rin ni Cruz.

Ayon  kasi sa kanyang kampo, naglabas ang CSC ng posisyon nito noong Hunyo 7, 2019, hinggil sa kanyang kaso kung saan sinabi ni CSC Director IV Editha D. Luzano, na puwedeng kuwestyunin sa CSC ang isang ‘reassignment order,’ 15-araw matapos itong ilabas.

Ayon pa sa dokumento— “The employee may appeal the reassignment order within 15 days upon receipt thereof to the Commission or CSC RO (regional office) with jurisdiction as provided under specific law, if he/she believes there is no jurisdiction for the reassignment. Pending appeal, the reassignment shall not be executory…”

Sa kanyang mga press release, palaging “dinidiinan” ng kampo ni Cruz ang huling bahagi ng paliwanag ng CSC (pending appeal, the reassignment shall not be executory), na siya ring binigyang diin sa mga ulat sa media.

Pero, yung sinabi ng CSC na puwede lang umapela kung sa paniwala ay ‘no jurisdiction’ si Comm. Jagger at Sec. Sonny D na palitan si Cruz, hindi nababanggit, ahahay!

Kaya ang tanong, wala ba sa kapangyarihan ng customs commissioner at ng finance secretary ang magtanggal at magpalit ng sino mang empleyado at opisyal sa Aduana?

Aber, hindi naman siguro kailangan ang bar topnotcher para masagot ang tanong na ‘yan hindi ba, mga kabayan?

Tanong pa rin ng mga miron, “ano ba  ang meron” sa Cebu port at ayaw umalis doon ni Cruz? May “prangkisa” ba raw kaya siya sa puwesto na kailangan munang ‘mag-expire’ bago siya puwedeng alisin sa Cebu BoC?

Noong isang linggo at ngayong linggo, nagkaroon ulit ng “rigodon” sa Aduana na “tinamaan” ang MICP, POM, San Fernando at Limay, SUBALIT, lahat ng pinalitan, hindi naman nagreklamo! Anila kasi, ‘prerogative’ ito ni Comm. Jagger at Sec. Sonny D.

Sa ganang atin naman, kung inaakala ni Coll. Cruz na may ibubungang maganda ang kanyang ‘defiance of a lawful order’ (ayon sa ating mga nakausap), eh, malaking pagkakamali siguro ito?

Tandaan na dating lider ng militar si Comm. Jagger. At sa lahat ng ayaw ng isang opisyal ng Hukbong Sandatahan (AFP) eh, yung ‘subordinate’ na walang galang sa ‘chain of command.’

At “saan” daw kaya, Mr. Philip Salvador at Sen. Bong Go, “humuhugot” ng “tapang” at “lakas ng loob” si Cruz, para hayagang “suwagin” si Comm. Jagger? Saan at kanino nga kaya, dear readers, hi hi hi! Abangan!

***

BINABASA ninyo ito, mga kabayan, “naibigay” na kahapon sa isang seremonya sa Malacanang ang “prangkisa” (certificate of public convenience and necessity, CPCN) para sa ikatlong “Telco” sa bansa, ang Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. (MISLATEL).

Ang ‘awarding ceremony’ ay sinaksihan mismo ni PDU30, DICT secretary Gringo Honasan, National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba, at iba pang mga matataas na opisyal ng gobyerno at MISLATEL.

“President Duterte’s third telco initiative coupled with the implementation of the mandatory unlocking of phones, the mobile number portability act, the implementation of the Common Tower Policy, the removal of text and call interconnection charges, and the implementation of the National Broadband Plan will greatly benefit the Filipino consumers,” ani Cordoba.

Batay na rin sa ‘commitment’ ng MISLATEL, sa unang taon nila (2020), aabot sa higit 37 porsiyento ang kanilang ‘national coverage’ sa bilis na 27 Mbps; higit 84 porsiyento naman sa isa-5 taon sa bilis na 55 Mbps, kaya… puwede na ‘yan!  Hindi ba, dear readers?

Kung ating matatandaan, ang third telco player ay isa sa mga “ipinangako” ni PDU30 noong 2016 at sa seremonya kahapon sa Palasyo, malinaw na HINDI “pangakong napako” ang...

....kanyang tinuran noon.

Bago ang pagpasok ng MISLATEL bilang isang ganap na telco player, pinangunahan din ng NTC ang pagsusulong ng isang batas ukol sa mobile number portability ang RA 11202 o ang “Mobile Number Portability Act,” na ang mga benepisyo ay natalakay na rin natin sa nakaraang kolum.

Kaya wala na tayong masasabi, kasamang Nats Taboy kundi, ‘continue bringing in the good news, NTC at DICT!

Mabuhay kayo, mga Bosing!