AOs, LOAs huwag abusuhin

February 26, 2020

KUNG hindi inaabuso ng ilang opisyal, talaga namang nakatutulong  ang “alert orders” (AOs) at “letters of authority” (LOAs) sa kampanya ng Bureau of Customs (BoC) laban sa ismagling.

Noong isang taon nga ay nakasakote ang mga taga-BoC ng mga kontrabando na nagkakahalaga ng P20.6 bilyon dahil sa mga “AOs” at “LOAs.”

Ayon sa rekord, nag-isyu ang BoC ng 929 “AOs” at 68 “LOAs” noong nakaraang taon.

Ang isang shipment na may “AO” ay obligadong dumaan sa 100 percent examination.

Samantalang ang “LOA” naman ay nagbibigay kapangyarihan sa mga taga-BoC na inspeksyunin ang mga lugar na pinagsususpetsahang pinaglalagakan ng mga kontrabando.  

Sana lang ay mabantayang maige ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero at Depcom Raniel Ramiro ang mga opisyal na binigyan ng karapatan na mag-isyu ng AOs. May mga opisyal kasi ng BoC na kaya nag-aalert ng shipment ay para masulot ng mga alaga nilang ismagler ang kargamento ng na-alert na importer/broker.

Alam mo ba ‘yan Finance Secretary Carlos Dominguez?

***

Tinapos na din ng BoC, na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang isyu na nagiging basurahan ng  “foreign garbage” ang bansa.

Lahat ng mga basurang itinambak sa bansa ay naibalik na lahat sa South Korea, Canada at Hong Kong.

Ang 102 container vans na pinabalik sa tatlong bansa ay naglalaman ng industrial, toxic at household wastes.

Dahil sa smuggling-related cases, 21 licensed customs brokers ang kinasuhan sa Department of Justice.  

Kinansela din ng ahensya ang BoC  accreditation ng mga broker na ito.

Hindi lang yan. Ipinapakansela pa ng ahensya ang Professiönal Regulation Commission (PRC) license ng 11 sa 21 brokers.

Ang aksyon ng BoC ay babala sa mga tiwaling broker na nakikipagsabwatan sa mga bugok na taga-BoC.

Sa Aduana, kawawa ang mga maliliit na broker at importer.

Sila ang laging punching bag ng mga taga-BoC na kasabwat ng mga tigasing importer at broker.

Pero sa tingin ng marami ay bilang na ang maliligayang araw ng mga bugok na ito.

Seryoso si BoC Chief Jagger Guerrero na linisin ang Aduana.

Kaunting panahon na lang at masasakote din ang mga mandurugas sa mga pantalan.

Bago matapos ang panunungkulan ni Pangulong Duterte sa 2022 ay maraming mandurugas sa Aduana ang makakasuhan.

Hindi papayag si Pangulong Duterte na kung sinu-sino lang ang sasabotahe sa kanyang mga programa.

Mawawala si Duterte pero mawawala rin kayo sa Aduana.

At malamang maghimas kayo ng malamig na rehas dahil sa mga katarantaduhan ninyo.

***

Sa kasalukuyan, dalawang sakit ang nagpapahirap sa bansa.

Ito ang nakakatakot at nakamamatay na Covid-19 at African Swine Fever o ASF.

Marami na ang namatay na tinamaan ng Covid-19 sa ibat-ibang bansa.

Mabilis ang pagdami ng mga taong dinadapuan ng sakit na nagmula pa sa Wuhan City, Hubei, China.

Ang masakit nito, maraming events at activities ang kinansela dahit sa takot sa nasabing sakit.

Kapag pinagsuspetsahang may Covid-19 ang isang tao ay kailangang i-quarantine siya ng 14 araw.

Kapag nag-iisang nagtatrabaho ang kailangang i-quarantine ay kawawa ang kanyang pamilya.

Saan kukuha ng pambili ng pagkain at ulam ang kanyang asawa at mga anak?

Dalawang linggong magugutom ang kanyang pamilya.

Kailangang magtulungan ang lahat para matigil na ang pagkalat ng sakit na ito na nagmula daw sa mga wild animals sa Tsina.

Huwag tayong pasaway dahil hindi biro ang Covid-19 na ito.  

Tayo’y sumunod sa mga utos at alituntunin na pinalalabas ng mga ahensiya ng gobyerno.

Ang African Swine Fever naman ay naglulugmok sa ating hog industry kapag hindi tayo nagtulungan.

Mabuti na lang at hindi namamatay ang taong nakakain ng karneng may ASF.

Mabilis ding kumalat ang sakit na ito.

Ang nakakaawa ay ang mga mahihirap na nagaalaga ng mangilan-ngilang baboy para maitustos sa pangangailangan at pag-aaral ng kanilang mga anak.

Hindi biro ang pinagdaraanan nila ngayon.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )