‘Appointee’ ni President Duterte ‘sabit’ sa ‘money laundering?’

January 14, 2019

IPINAGYAYABANG, err, gustong ipaalam sa publiko ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), na “dinagdagan” pa ni Pang. Rody ang “awtoridad” nito sa paglabas ng EO 73 noong isang linggo.

Sa ilalim ng EO 43 na lumikha sa PACC ‘for referral’ lang nitong tanggapan ni VACC founding chairman, Dante Jimenez, sa Ombudsman, para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, ang ano mang reklamo laban sa mga ‘presidential appointee’ na natatanggap nito, kasama na ang lahat ng opisyal sa Ehekutibo na nasa ‘Salary Grade 26 or higher.’

Sa ilalim naman ng EO 73, ang PACC na ang mag-iimbestiga nang ano mang reklamo laban sa mga nabanggit at “ipapasa” naman sa Ombudsman para pormal nitong dinggin ang nabanggit na reklamo.

Sa ilalim pa rin ng EO 73, “kasama” na sa puwedeng imbestigahan ng PACC ang sino mang opisyal sa Ehekutibo na isusumbong bilang “dahilan” ng ‘red tape’ sa burukrasya.

Masasabing ‘new creation’ ni PDU30 ang PACC dahil noon lang Oktubre 4, 2017, niya nalagdaan ang EO 43. At kung babalikan, ang “pagkapikon” ng Palasyo sa Ombudsman ni Conchita Carpio Morales, na kilalang ‘Dilawan,’ ang isa sa mga dahilan kung bakit nilikha ni PDU30 ang PACC.

Bagaman nga hindi natin tinatawaran ang sinseridad ng PACC na tulungan si Tatay Digong na hubaran, ibisto at parusahan ang mga korap sa kanyang mga ‘appointees,’ ilang beses na rin itong “sumalto,” pansin pa ng mga miron sa bintang na ‘gross excess of jurisdiction.’

Noon kasing nakaraang taon, bilang ‘Oplan Pakilala’ sa publiko na hindi dapat “minemenos” ang PACC, limang empleyado ng BIR ang “hinuli” ng PACC dahil umano sa kasong ‘direct bribery’ at ‘robbery extortion’ sa tulong ng NBI at CIDG.

Nangyari ang operasyon noong Hunyo 21, 2018, kung saan tatlong ‘BIR examiners’ ang hinuli sa isang ‘entrapment operation’ sa Makati City.

Dalawa pang empleyado ng BIR ang hinuli naman ng PACC/CIDG sa isa pang ‘entrapment operation’ noong Disyembre 7, 2018 sa parehas ding reklamo.

Hindi natin alam ang resulta sa naunang operasyon ng PACC subalit sa ikalawang insidente, totoo kaya ang bulong ng mga miron na “nalabarda” (translation: sinupalpal) ng ‘attending prosecutor’ ang PACC dahil sa paglabag nito sa sarili nitong mga regulasyon?

At dahil dito, sa kabila ng kanilang ‘press release’ hinggil sa “tagumpay” ng kanilang operasyon, totoo rin ba na sa “basurahan ng kahihiyan” bumagsak ang reklamo ng PACC?

Bukod nga kasi sa paglabag (daw) sa sarili nitong mga regulasyon at proseso sa paghabol sa mga korap, “malinaw pa sa liwanag ng buwan” na hindi naman kasama sa mandato ng PACC ang paghabol sa mga hamak na kawani ng BIR dahil, una, hindi sila mga ‘presidential appointee’ at ikalawa, ‘below Salary Grade 26’ din sila, ahahay!

Oops! Hindi natin ipinagtatanggol dito ang mga pobreng BIR examiners, dear readers. Ang gusto lang ipunto ng mga miron, may mga pagkakataon na tila “inaabuso” nitong PACC ang pagtitiwalang ibinigay dito ni Pang. Digong -- na kahit “labas na sa kanilang mandato, “umeepal” pa rin ang PACC, ahahay!

Bago ito, nagsagawa rin ng ‘entrapment operation’ sa NAIA ang PACC hinggil sa umano’y isang “sindikato” na sabit sa ‘gold smuggling.’

Bagaman nga kapuri-puri ang operasyon, walang sangkot na ‘presidential appointees’ dito at ‘yung “isinabit” nila sa kontrobersiya -- kaya napilitang ‘mag-leave’sa trabaho sa BoC -- inosente at walang kinalaman sa nasabing sindikato, ayon pa sa mga miron.

At ngayon ngang “nadagdagan” pa ang “pangil” nitong PACC, hindi kaya madagdagan din ang bintang dito ng “pang-aabuso” o ‘gross excess of jurisdiction?’

Take note, kahit nga si DOLE secretary, Bebot Bello, hindi ba “pumalag” na rin sa estilong ‘conviction by press release’ nitong PACC hinggil sa reklamo laban sa kanya?

Kumbaga, ‘asan nga kasi ang ‘compliance on due process’ na “paalala” ni Pang. Digong sa ahensiya, o pagbibigay ng pagkakataon sa mga inireklamo na ibigay ang kanilang panig?

Kung sa halip na basahin ang kanilang paliwanag at depensa, sa ‘media’ nila mababasa ang ‘one-sided’ na pahayag ng PACC? Oo nga naman, hihihi, ayy, huhuhu!

* * *

Wala tayong “masamang tinapay” dito sa PACC, mga kabayan. Ang gusto pa nga natin ay manatili itong tapat sa mandato nila sa ilalim ng EO 43 at EO 73 at higit sa lahat, sa mataas na pagtitiwala sa kanila ng ating mahal na pangulo.

Kaya nga para hindi “makanal” sa kanilang trabaho, mas makabubuti sa PACC na ‘motu propio,’ ay imbestigahan agad itong isang ‘presidential appointee’ na umano’y “ginagamit” ang Cebu International Airport sa ‘money laundering,’ sanamagan!

Alam kaya kasi ni Pang. Digong at PACC commissioner, Greco Belgica na sa ngayon ay nasa sirkulasyon na ang isang reklamo ng mga ‘Concerned Airport Security Personnel’ sa Cebu airport hinggil sa “hinala” nilang regular na “pagpupuslit” ng kuwarta nitong nasabing presidential appointee?

Ang hinala pa, regular na “iniluluwas” papuntang Maynila ng nasabing opisyal ang hindi pa rin matukoy na halaga ng salapi.

Hindi matukoy ang halaga ng pera na “iniuuwi” nitong nabanggit na opisyal dahil hindi niya pinapayagang dumaan sa customs x-ray ang kanyang mga bagahe.

Hindi rin naman nagtataka ang mga miron kung bakit tila palaging maraming kuwarta ang nasabing opisyal dahil nga nasa sensitibo itong posisyon sa isa ring sensitibong ahensiya ng gobyerno sa lalawigan ng Cebu.

Ang reklamo ng mga nasabing ‘airport personnel’ ay nakarating na rin umano sa ‘head of agency’ kung saan kabilang itong ‘suspected money launderer’ subalit hindi masasayang ang oras at panahon ng PACC kung agaran silang “makikialam” sa eskandalong ito.

“Gusto” mo bang “makahuli” ng ‘big fish’ na presidential appointee,’ PACC chairman, Dante Jimenez? Ito na ang pagkakataon mo, Bosing!

Abangan!