Apurahin na ang mungkahi ni Sen.  Bong Go!

April 26, 2020

NGAYONG panahon ng COVID-19, mahalagang makipagtulungan  ang publiko sa mga programa ng gobyerno.

Walang mangyayari sa atin kung hindi tayo susunod sa nga otoridad.

Hindi puwedeng gobyerno lang ang gumalaw sa panahon ng krisis na kagaya ng COVID-19 pandemic.

Kailangang sundin natin ang mga batas na ipinatutupad ng gobyerno upang mapabagal natin ang pagkalat ng nakamamatay na virus hanggat wala pang natutuklasang bakuna na panlaban dito.

Habang patuloy na sinusuway ng mga pasaway ang "stay at home" ay lalong tatagal ang Enhanced Community Quarantine" na pinapairal sa Region 3,4, 4A, NCR at sa iba pang piling lugar.

Iyan ang masaklap na katotohanan.

Hindi matatapos ang ECQ dahil sa mga pasaway at walang disiplina.

Hindi naman sa minamaliit natin, marami sa nga pasaway ay mga informal settler. Sana maging aral na sa mga lokal na opisyal na huwag ng itolerate ang pagdami ng informal settlers sa kanilang lugar.

Kung maari nga ay apurahin na ang mungkahi ni Senador Bong Go na iuwi o pabalikin na sila sa kanilang mga probinsiya.

Tama na ang paggamit sa kanila tuwing eleksiyon.

Tama ba kami DILG Sec. Ed Año?

***

Pagkatapos ng COVID-19 pandemic, maraming kababayan natin ang mawawalan ng trabaho.

Pati na ang mga pinauwing Overseas Worker o OFW.

Baka may mga kompanyang hindi  kaagad makapagbubukas dahil sa kakulangan ng pera dahil matagal silang nawalan ng kita.

Sana pautangin sila ng gobyerno para muling makapagsimula.

Naniniwala tayo na maraming kompanya ang makakabangon kung tutulungan sila ng pamahalaan.

Maliban sa pautang, puwede rin silang bigyan ng konsiderasyon sa pagbabayad ng buwis.

Tulungan natin ang mga kompanya para matulungan natin ang mga manggagawang makapagtrabaho muli.

***

Kagaya ng iligal na droga, mahirap talagang patigilin ang katiwalian at korapsyon sa bansa.

Sa katunayan, mayroon na lang 26 na buwan ang natitira sa anim na taong panunungkulan ni Pangulong Rody Duterte pero nandiyan pa rin ang korapsyon.

Ito ay sa kabila ng kampanya ng gobyerno na tanggalin ang lahat ng mga magnanakaw sa gobyerno.

Hindi kasi basta makapagtatanggal ng mga opisyal at kawani dahil mayroong tinatawag na security of tenure.

Ang mga may civil service eligibility ay kailangang dumaan sa due process dahil nasa ilalim tayo ng demokrasya.

Ganun pa man, may nakikita tayong liwanag sa kampanya laban sa graft and corruption na alam naman nating galit si Pangulong Duterte.

Ngayon, takot na ang mga lokal at barangay official dahil sa social media.

Halimbawa na lang dito ang pamimigay ng ayuda sa mga biktima ng COVID-19 pandemic.

Ginagamit ng taumbayan ang social media para ireklamo ang hindi patas na pagpili sa mga benepisaryo ng cash assistance.

Napapahiya ang mga opisyal ng barangay, lalo na ang mga chairman, dahil nabubulgar sa social media na ang ilan sa kanila ay mga kamag-anak at kapartido ang binigyan ng ayuda.

Ang dapat gawin ni Pangulong Duterte ay ipamonitor ang mga lumalabas na kalokohan ng mga opisyal sa social media.

Maraming malalakas ang loob ang nagbubulgar  ng mga katarantaduhan sa mga barangay.

Gising na ang taumbayan at sila na mismo ang bumabanat sa mga tiwaling lingkod bayan.

Ang kailangan lang ay patuloy na gamitin ang social media para ibulgar ang mga alingasngas sa gobyerno.

Pero maging maingat, huwag gamitin ang social media para lang sirain ang isang tao.

Dapat maging responsible tayong social media practitioner para matulungan natin si Pangulong Duterte sa kanyang anti-corruption campaign.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)