Ayuda sa Tagaytay panalo

MAPALAD ang mga taga-Tagaytay dahil sapat at kagyat ang tulong na ibinibigay ng kanilang local government.

Nakarating sa inyong lingkod na 10 kilong bigas kada linggo ang ipinapamahagi ng Tagaytay City Government sa bawat pamilya na nakatira sa naturang lugar.

Bukod pa dito ay nakakarating din sa mga pamilya ang mga de lata at tinapay na Gardenia mula sa LGU na pinamumnuan ni Mayor Agnes Tolentino.

Ang nakakatuwa kay Tolentino ay namamahagi din siya ng tig-dalawang manok na buhay (opo buhay na manok) kada pamilya.

Apat na linggo nang nagsasagawa ng relief operation ang pamahalaan ng Tagaytay. Sa ika-apat na pagkakataon ay dressed chicken na ang natanggap ng mga pamilya.

Buhay na manok o dressed chicken man ang ipamigay ni mayora, masayang-masaya ang mga pamilya—mahirap man o mayaman—dahil ramdam nila ang pagtugon ng kanilang LGU sa kanilang pangangailangan sa gitna ng COVID-19 crisis.

Si Mayor Agnes Tolentino ay asawa ni Tagaytay Congressman Bambol Tolentino na kapatid ni Sen. Francis Tolentino.

Matatandaan na bago naghasik ng lagim ang COVID-19 ay sinalanta ang Tagaytay ng pagsabog ng bulkang Taal.

Daan-daang pamilya ang nawalan ng tahanan at maraming establisiyimento ang nagsara dahil sa Taal volcano eruption.

Sa kabila nito, naging matibay ang local government ng Tagaytay. Agad nitong binuhay ang komersiyo sa syudad upang maiwasan ang tuluyang paghihingalo ng lokal na ekonomiya.

**

Hindi siguro maitatanggi ng ating kaibigan sa Tagaytay Council na si Konsi ‘Kap” Marsing na ang maagap at sapat na pag-ayuda sa mga mamamayan sa oras ng peligro ay tanda ng isang gobyerno na tumatalima sa pinakamataas na antas ng pamamahala.

Sa panahon ng krisis nasusubukan ang kahandaan at katapatan ng mga halal na opisyal ng bayan na sumagot sa tawag ng tungkulin.

Ito ang mangungunang batayan ng ating mga kababayan sa pagpili ng kanilang tagapaglingkod sa susunod na halalan.

**

Bagamat kahanga-hanga ang mga lider na umaaksiyon para sa kapakanan ng mga mamamayan, mahalaga rin na may naitutulong ang taumbayan sa giyera kontra  COVID-19.

Hindi sapat na umasa tayo sa gobyerno. Dapat may maiambag ang mga mamamayan sa pagsusulong ng kaligtasan.

Bukod sa pananatili sa ating mga tahanan, mainam kung malabanan natin ang pagkalat ng mga balitang walang katotohanan.

Makatutulong din ang pagsusulong ng mga makabago at ligtas na sistema ng mga mahahalagang gawain tulad ng pamimili ng mga pangangailangan.

Pasok dito ang online at community transactions kung saan ang pamimili ay ginagawa sa internet at maramihan tulad ng kayang gawin ng mga organisadong residente na may homeowners’ association.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com.