Back to basic: Magtanim!

SA GITNA ng umiiral na enhanced community quarantine, iba't ibang bagay ang pinaglilibangan ng ating mga kababayan.

May iba na abala sa pagluluto, pagkain, panonood ng TV (movie marathon man o series), may iba busy sa paglalaro ng online or computer games habang ang iba ay todo na sa general cleaning sa kanilang mga tahanan.

Pero ang iba sa atin, nagsimula na sa kanilang home gardening o ang pagtatanim, hindi lamang mga ornamental plants kundi mismong mga gulay at iba pang kapaki-pakinabang na pananim.

Kaya naman maganda rin naman ang naging hakbangin ni Senador Cynthia Villar na isama sa kanyang relief efforts ang pamimigay ng mga binhi ng gulay upang hikayatin ang publiko sa pagtatanim.

Sinimulan na ni Villar, chair ng Committee on Agriculture and Food, ang pamimigay ng 'packed seeds' ng kamatis, talong, kalabasa, ampalaya, sweet pepper, hot pepper, mais, sitaw at mungbean sa 61 barangays sa Las Pinas, Cavite at Bulacan.

Ayon sa senator, maaaring mag-home gardening kahit sa kapirasong lupa, bakanteng lote o anumang lalagyan kaya mahihikayat nito ang mga pamilyang nakatira sa urban areas.

Sinabi pa niya na binibigyan diin ang kahalagahan ng home garden kapag may bagyo, pagputok ng bulkan, frost at ngayon, ang COVID-19 pandemic, kung kailan nagkakaroon tayo ng problema sa suplay ng prutas at gulay.

Makikita rin sa pakete kung papaano ang pagtatanim at pangangalaga sa mga halaman.

Nais ko ring bigyang-puri ang hakbangin ng ating kasamahan sa industriya na si Mer Layson o ang tinatawag na Magsasakang Reporter.

Aba bukod sa adbokasiya niya ng pagtulong sa mga nangangailangan, isinusulong din ni Layson ang pagtuturo ng mga pagtatanim ng mga gulay sa tahanan nang wala o minimum lang ang gastusin.

Ginagamit ni Pareng Mer ang mga recycled plastic bottles bilang paso at ang mga binhi ay mula rin naman sa mga gulay o prutas na kinain ng kanyang pamilya.

Nabanggit din ng ating kasama na minsan ay hinihingi niya sa palengke ang mga nabubulok nang gulay tulad ng talbos ng kamote, kangkong, sili o iba pang itatapon na lamang ng mga tindera at siyang gagamitin sa pagtatanim.

Sa iba ay parang napakababaw na panawagan itong home gardening pero kung ating iisipin, malaki rin ang maitutulong nito hindi lamang bawas gastos sa pagkain ng ating pamilya kapag namunga ang mga pananim kundi tulong din sa kalikasan.

Aba, sa panahon ng lockdown, mistula ngang back to basic ang nangyayari, kaya't subukan din nating bumalik sa panahong pipitasin mo lang sa bakuran ang iyong ilulutong gulay.