Bahagi ng Philippine history ang Aristocrat

February 04, 2019

SINO ba naman sa karaniwang Pilipino ang hindi naging bahagi ng Aristocrat?

Walang henerasyon ang hindi dumaan sa hapag ng Aristocrat  restaurant mula sa lower class, middle class hanggang sa upper class ay naging parte na ng kanilang hapag.

Bukambibig ng mga graduates na gusto nilang magdiwang kahit munting piging sa Aristocrat, lalo na iyong nasa Roxas Blvd. sa Maynila na nasa tabi ng Raja Sulayman at katapat ng Manila Bay.

Ang totoo, mas nauna pa ang Aristocrat kaysa sa fountain at estatwa ni Raja Sulayman dahil noong mga kamusmusan namin habang kami’y pumapangos ng chicken barbecue ay wala namang taong bato doon.

Sigurado ako na nauna ang Aristocrat dahil 1939 pa lamang ay nakilala na ito sa area na bilang rolling jeep na nagtitinda ng mga meryenda. Ang estatwa naman ni Raja Sulayman ay 1976 itinayo.

Katunayan, kinilala na ang Aristocrat ng National Historical Institute bilang bahagi ng ating kasaysayan dahil nga sa tagal nila sa Roxas Blvd. kaya nalagyan sila ng marker.

Ibig sabihin, bago pa ang giyera ay naroon na sila. Kamuntik na pala nilang maunahan ang famous sunset ng Manila Bay!

Nasa mga balita ang Aristocrat nitong mga nakaraang araw dahil nabigyan ito ng notice ng DENR at LLDA bilang bahagi ng agresibong kampanya ni Pangulong Duterte na linisin ang Manila Bay.

Notice lang ito para ayusin ang kanilang waste water disposal treatment facilities kaya hindi naman sila sarado. Gusto nating tulungan ang mga empleyado ng Aristocrat na apektado ng mga naglalabasang balita.

Huwag na nating dagdagan ang problema ng gobyerno sa unemployment kaya dapat maging malinaw ang isyu na hindi naman nagsara ang Aristocrat.

Isang leakage lang sa Grease Trap ng Aristocrat ang naging problema pero ang huling balita natin sa kanilang Pollution Control Officer ay inaayos na at posibleng matapos sa linggong ito.

Gusto natin ang ginagawa ng DENR at LLDA dahil para sa bayan naman talaga ang cleanup drive. Ngayon lamang nangyari ito sa panahon ni Pangulong Duterte kaya dapat suportahan nating lahat.

Alam natin na responsableng kompanya ang Aristocrat dahil ang lahat ng branches nila sa buong bansa ay may maayos na pasilidad. Gusto nating magbalik-sigla ang negosyo ng Aristocrat para magpatuloy na makapagtrabaho ang mga service crew, mga chef at ang lahat ng kawaning nagpapatakbo nito.

Umaasa  tayo na DENR at LLDA rin ang maghahayag ng compliance ng Aristocrat kapag natapos na ang pasilidad na ipinagagawa ng kompanya.

Sugod mga kapatid, tuloy ang pagkain natin ng goto, pansit bihon at lumpiang sariwa ng Aristocrat!
allanpunglo@gmail.com