Bakit 5 pulis ang bantay ni Mayor?

HINDI naman ata makatarungang sinibak agad ang limang pulis-San Juan dahil lang sa paglusot sa checkpoint at paglabag sa quarantine protocol sa Baguio City.

Ang dapat muna sigurong sinibak ay iyong patron nila na binabantayan na si San Juan Mayor Francis Zamora dahil kung mayroon mang dapat tumutol o pumigil sa ginawa ng mga pulis, si alkalde na iyon.

Unang-una, mismong si Zamora ang nagpaalala sa mga taga-San Juan na hindi dapat nilalabag ang health protocol sa kanyang lungsod. Hindi ko naman narinig na sinabi ni Mayor Zamora na kung bawal sa San Juan, puwede sa Baguio City ni Mayor Magalong.

Si Jinggoy nga pinaaresto pa ni Zamora dahil namimigay ng matinik na bangus sa kalagitnaan ng ECQ. Si Jinggoy naman kasi, hindi pa pina-deboned ang bangus!

Para kay Zamora, illegal at paglabag sa health protocol ang ginawa ni Jinggoy dahil hindi naman daw siya Person Authorized Outside Of Residence.

Tanong, si Zamora ba ay awtorisadong kumaripas nang takbo kapag dumaraan sa checkpoint? Mas matindi pa ang paglabag ni Zamora at ng kanyang convoy kaysa sa ginawa ni Jinggoy.

Bakit ganoon, ang Mayor ang may kasalanan, tapos ang pulis ang mananagot?

Pero teka nga muna, may memorandum ang DILG at ang Napolcom na ang sinumang VIP ay dapat may maximum na dalawang pulis lamang na bodyguard. Anong magic mayroon si Mayor Zamora para magkaroon siya ng limang pulis samantalang ang ibang pulitiko ay dalawa lang? Hindi ba't pang-aabuso ito?

Alam kaya ni Zamora ang tinatawag na police-population ratio? Puwes, kung hindi mo alam Mayor, gusto kong sabihin sa iyo na 1 is to 700 na ang police-population ratio ngayon. Ibig sabihin, ang isang pulis ay may obligasyong bantayan ang 700 na katao.

Magaling naman kayo sa math, kung 5 cops ang bodyguard ni Zamora, ibig sabihin, iyong pulis na dapat ay nagbabantay sa 3,500 na katao, ginawa lang bantay ng isang alkalde!

Mayor, sa laki mong yan na parang higante, kailangan mo pa ng 5 pulis na bantay? Hindi ba masyadong malakas ang dating nyan?

Ginoong Alkalde pinapasahod ng publiko ang limang pulis ng tig-P35,000 bawat isa, ikaw lang ang binabantayan!

Kaya nga hindi ko rin matanggap ang katwiran ni Mayor Zamora na tulog siya kaya hindi niya alam ang paglusot  sa Baguio City.

Kitam, gusto mo pang limang pulis ang nagbabantay sa iyo gayong matutulog ka lang naman pala. Bakit hindi ka na lang kumuha ng limang yaya para ipaghele ka maya't maya?

Paging DILG Secretary Ano, huwag nyo namang hayaang gawing mutsatso ng mga pulitiko ang ating mga pulis na nagpakadalubhasa sa anti-crime tapos bigla na lang magiging caregiver!

]At siya nga pala, masyado naman yata ang  pagsasalaula sa ating justice system kung sisibakin at kakasuhan ang mga pulis tapos iyong boss nilang alkalde ay iduduyan pa natin?

Attention Ombudsman Samuel Martires, baka naman hindi kayo masyadong busy, pakihataw nga ng kaso sa Sandigan si Mayor Zamora!

allanpunglo@gmail.com