Bakit ba “hot” si Sec. Puyat “hot” sa P10B ‘tourism recovery fund’

August 14, 2020

MARAMI ang nakakapansin, dear readers, sa naging postura ni Department of Tourism secretary, Berna Romulo Puyat, para matulungan ang muling pagbangon ng lugmok nating industriya ng turismo dahil pa rin sa “pananalasa” nitong COVID-19.

Anang mga miron, “naubusan” na kaya ng inisyatiba at ‘creativity’ ang DOT at mistula, anila, na ‘talking parrot’ ng pribadong Tourism Congress of the Philippines ang mga sinasabi ngayon ng magandang kalihim.

Napansin kasi na nang sabihin ni TCP president, Jose Clemente III, na bigyan ng direktang tulong (read: “dole out’) ang mga pribadong ‘tour operators’ ganito rin ang linya ni Sec. Berna-Puyat—kahit may “problema” sa proseso ng batas.

Nang sabihin din ni Clemente na “dapat” ibalik ng Kongreso ang P10 bilyon pondo para sa pautang at tulong sa industriya ng turismo, ganito rin ang posisyon ni Sec. Berna.

May P10 bilyon kasi na inilaan ang Senado para sa turismo sa panukalang ‘Bayanihan Law’ (Bayanihan to Recover as One Act 2) na sa halip ilaan bilang pondo para sa ‘tourism infrastructure,’ mukhang nakumbinsi na sila ng TCP na gawin na lang itong direktang ayuda sa mga tour operators.

Katwiran naman ng Kamara, wasto lang na ang P10 bilyon ay ilaan sa mga ‘infra projects’ ng turismo sa ilalim ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority's (TIEZA).

Samantala, ang hirit na ‘dole out’ ni Sec. Berna at Clemente ay dapat kunin sa P51 bilyon na ipapasok na kapital sa government financial institutions (GFIs).

Ang mga GFIs naman ang magpapautang sa iba’t ibang negosyong napeste ng COVID-19, kasama na diyan ang tourism industry.

Ayon pa sa mga miron, ang posisyon ng Kongreso ang “tama at ligal na paraan” para matulungan ang mga pribadong negosyo sa tourism sector.

Kumbaga, hindi pupuwede ang sinasabi nina Puyat at Clemente na mga programa diumano ng Department of Tourism (DOT) para pondohan ang mga negosyo sa tourism industry.

Tulad nga ng sinabi ni Deputy Speaker LRay Villafuerte, bawal ang pagbibigay ng dole out sa mga pribadong kumpanya, na siya namang gustong mangyari nina Sec. Puyat at Clemente.

Take note, ito palang ‘Rajah Tours,’ isa sa mga sikat na ‘private tour operators’ sa bansa, “pag-aari” pala ni Clemente? Oh yes, Jose, may ganern.

Para maging maayos at matulungan ang mga karapat-dapat, ang tamang proseso ay padaanin ang pagbibigay ng mga pautang sa tourism industry sa mga GFIs tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines.

Ang mga bangko ang mas nakakaalam kung sino ba ang dapat tulungan, magkano ang dapat ipautang, at paano ito mababayaran. Walang kakayahan ang DOT na gawin ito dahil hindi naman nila trabaho ang magpautang.

Kaya nakakapagtaka kung bakit ba tila atat na atat si Puyat na makuha ng DOT ang P9.5 bilyon, kasama na ang natitirang P500 milyon para naman sa “support programs” sa tourism industry o ang “suma-total” na P10 bilyon?

Nakakapagtaka rin kung bakit ba bigla na lang sumang-ayon si Puyat sa linya ni Clemente na hindi raw kailangan ng tourism industry ngayon ang imprastraktura gayong noon lang Marso ay  pinagmamalaki ni Puyat na may P14 bilyon ang TIEZA para sa infrastructure projects na siyang makakatulong para maiahon ang sektor ng turismo mula sa krisis ng COVID-19.

Hmm. “Nakalimutan na ba ni Sec. Berna na kaya nga naglunsad ng “Build, Build, Build” infrastructure program ang Pangulong Duterte at pinagpatuloy pa rin ito kahit sa gitna ng pandemya, ay dahil ang imprastraktura ang makakalikha ng maraming trabaho para sa mga displaced workers?

At kasama na rito ang mga nawalan ng trabaho sa tourism industry.

Sa pananaw pa ng mga miron, ang infrastructure program ng gobyerno ang “bubuhay” sa ekonomiya at “magsasalba” sa maraming sektor, kasama na diyan ang turismo.

Bukas ang pitak na ito sa inyong paliwanag, madam secretary.

Abangan!