Bakit manhid si Secretary Duque?

August 05, 2020

KUNG mayroon mang mali sa paglaban ng gobyerno sa COVID-19, iyon ay ang pananatili sa posisyon ni Dr. Francisco Duque bilang secretary ng Departmen of Health.

Aminin man o hindi ng palasyo ng Malacanang, si Duque lang ang weakest link sa patuloy na pagtaas ng covid cases na nagsimula lamang sa tatlong Chinese na turista noong January.

Maraming programa at mga pahayag si Pangulong Duterte na suportado natin mula pa sa unang araw ng kanyang Presidency noong June 30, 2016 dahil naniniwala tayo sa kanyang sinsiridad na ayusin ang bayan.

Pero dito sa patuloy niyang pagkupkop kay Duque sa kabila ng kahinaan at maraming kapalpakan bilang Health Chief ng bansa, mukhang magkasalungat kami rito ng Pangulo.

Totoo ang sinabi ni Pangulo, hindi siya duktor para malaman ang peligro ng virus mula pa noong una. Kaya nga may Health secretary, siya dapat ang pinakamalakas na frontliner ng bansa at nakakaalam ng unang dapat gawin mula pa nang pumutok ang virus noong November 2019 sa Wuhan, China.

Kung maganda ang presentasyon ni Duque sa Cabinet cluster on health and security ng mga hakbang na dapat gawin sa unang putok ng virus, sa tingin ko makukumbinsi ang Pangulo at ang mga opisyal ng gobyerno na nag-lockdown na ng mga airport at seaports noong January 2020 pa lang.

Pati ang kawalan ng PPE ng mga medical frontliners at epektibong mass testing ay huli na rin nang matugunan ng Health department. Ang problema natin na tatlong tulo sa bubong ng bahay noong January ay hindi natin natugunan ng tama kaya halos matuklap na ang lahat ng bubungan.

Basang-basa ang lahat ng gamit at mga taong nasa loob ng bahay, wala pa ring epektibong aksiyon si Duque. Ang dahilan, hindi siya nababasa kasi pinapayungan siya ni Pangulong Duterte.

Ngayon balik tayong lahat sa MECQ, sarado na naman ang maraming negosyo, wala na namang public transport, wala na namang trabaho ng maraming kababayan natin sa National Capital Region at ang nasa Calabarzon.

Habang marami na naman ng nawalan ng trabaho, si Duque, may trabaho pa rin!

Ang problema natin, hindi tinatablan si Duque ng panawagan ng bayan na siya'y mag-resign. Dahil ayaw siyang sibakin ni President, ayaw din naman niyang mag-resign.

Mabuti pa iyong South Korean Health Minister, pagputok ng ilang kaso ng covid sa kanilang bansa noong early January, nagbitiw na siya agad noong Pebrero. Resulta, ang South Korea ang isa sa bansang may lowest cases. May 14, 389 confirmed cases sila pero ang recoveries nila ay 13,280 at may 301 deaths.

Sa ilalim ng Duque Health leadership, ang Pilipinas ay No. 2 na  sa Southeast   Asia na may  106, 330 cases, kasunod ng Indonesia na may 111, 455.

Mahigit 2,000 na rin ang namatay dito sa atin dahil sa COVID.

Bago ang huling pagsasalita sa bayan ni Pangulong Duterte, binanggit nila PCOO chief, Sec Martin Andanar at Spox Harry Roque na may ilalatag na bagong paraan ng paglaban sa COVID ang Pangulo.

Ang akala natin, pagsibak na kay Duque ang ihahayag ng Pangulo pero hindi pala iyon kasama sa agenda. Hindi natin alam kung anong agimat mayroon si Secetary para hindi makita ni Presidente ang kanyang mga kahinaan.

Ang problema, walang bisa sa buong bayan ang agimat ni Duque dahil kitang-kita ng mamamayan ang kawalan niya ng kakayahan na sagipin ang bansa laban sa pandemyang ito.

Anong klase kaya ng pampahid ang naiturok kay Secretary Duque at bakit hindi siya tinablan ng sigaw ng bayan?

allanpunglo@gmail.com