Bakit may mga nagugumon pa rin sa droga?

HINDI ko mahanapan ng dahilan para magumon sa droga ang iba nating kababayan.  Lahat naman yan nagsimula sa patikim-tikim, pambubuyo ng barkada at pagka-curious sa epekto ng droga.

Pero bago ka napasok sa isang simpleng patikim, tiyak na marami ka nang nabasa, napanood at nakitang actual na mga taong nabuwang dahil sa paggamit ng illegal drugs.

Nakita mo nang walang kinahinatnan, nasaksihan mo na kung gaano naging miserable ang kanilang buhay at paano nawasak ang pamilya at pagkatao.

Ang pinaka-worst, nakita mo rin na tinanghal na siyang isang malamig na bangkay or nakakulong na parang hayup sa bilangguan dahil sa pagkagumon.

Ang itatanong ko ngayon, hindi pa ba sapat ang mga buhay na testimonya, hindi ka pa rin ba kumbinsido sa masamang epekto ng illegal drugs? Ano pa ba ang kulang para maintindihan mo na ang shabu,  cocaine, marijuana, ecstasy, heroin at ang iba pang illegal drugs ay hindi angkop sa utak at katawan ng tao?

Natutuwa ka ba sa iyong nakikita na maya’t maya ay parang basura na lang ang tingin ng lipunan sa mga taong nagumon sa droga?

Hindi ka recyclable, hindi ka plastic dahil ikaw, bilang gumon sa illegal drugs ay nabubulok!

Hindi ko matatanggap ang katwirang marami kang problema kaya ka nasa droga, hindi ko rin tatanggapin na mahirap ka kaya nagbebenta ng droga, hindi ko rin kayang tanggapin na wala kayong makain kaya kailangan kang magdroga.

Hangga’t ang estado ng iyong pag-iisip ay wala kang pagmamahal sa iyong sarili, sa iyong pamilya at sa iyong bansa, magpapatuloy ang iyong pagkagumon. Karamihan sa  mga napapasok sa illegal drugs ay wala nang kinikilalang Diyos dahil ang tingin nila sa kanilang sarili ay walang pagpapahalaga.

Huwag nating kalilimutan na ang ating katawan ay templo ng Diyos na kailangan mo ring alagaan at mahalin. Kahit anong pagkilos ang gawin ng gobyerno, ng komunidad at ng iyong pamilya para ilayo ka sa bisyo ay hindi mangyayari kung ikaw mismo ay ayaw magbago.

Kung alam mo na nga lahat ng masamang epekto ng droga sa iyong isip, sa iyong katawan at sa kabuuan ng iyong pagkatao pero ginagawa mo pa rin, masisisi mo ba ang mundo kung latak lang ang tingin sa iyo?

Huwag na tayong magpalusot na ang pagkagumon sa droga ay isa lamang health problem ng bansa. Ang totoo, mauubos ang pondo ng gobyerno kung hindi matitigil ang problema sa illegal drugs.

Hindi man lang ba kayo nangangarap nagkakape sa inyong balkonahe at pinagmamasdan ang inyong mga anak na naglalaro sa mapayapa at maayos na komunidad na walang mga drug addict sa paligid?

Ito lang ang palaging tatandaan ng mga gumon sa droga at sa mga nagbabalak pang tumikim ng illegal drugs, sarili nyo lang ang kalaban nyo at hindi ang mundo o ang taong nakapaligid sa inyo.

Tulungan nyo ang inyong sarili bago kayo humingi ng tulong sa lipunan.

May forever sa pag-iwas sa illegal drugs.

Say no to drugs.

allanpunglo@gmail.com