Basura, Manila Bay, baha, trapik atbp

June 30, 2019

Hindi ko na nga isinama ang isyu ng maraming lubak sa mga kalsada ngayon saan ka man magpunta. Naturalna raw ito at tag-ulan na  naman.

Huwag pang idagdag ang maraming “bungkalan” sa mga lansangan bago pa man mag-tag-ulan.

Ngayong tag-ulan na, dadami pa ang lubak at sana’y matigil na ang pagbubungkal ng mga lupa. Pero matitigil  pa nga kaya?

Bata pa ako ay tila naging tradisyon na ng mga kinauukulan ang pagbubungkal ng mga kalsada. Lagi akong lumulundag sa mga dinadaanan kong mga hukay sa kalsada pag-uwi ko galing ng paaralan. Lagi kaming nakikipag-luksong tinik ng mga kamag-aral ko sa mga hukay sa kalsada.

Ngayong nagkapamilya na ako, higit na dumami ang pagbubungkal sa mga kalsada. Alam naman  nila ang problema- kawalan daw ng koordinasyon ng mga -mambubungkal!

Mambubungkal mula sa mga telco, mula sa water companies, mula sa lokal na pamahalaan atbp. Hanggang ngayon wala pa ring koordinasyon?

Dumating na ang pagbaha. Naungkat muli ang matagal nang alam na problema- ang sandamakmak na basura.

Lumutang na muli ang mga basura sa Manila Bay. Matagal na ring alam kung saan galing ang mga basurang nagpupunta sa Manila Bay. Saan pa kundi sa mga bahay sa mga barangay!

Kakasuhan daw. Magpapakulong daw ng mga barangay chairman. Wala pa rin. Matagal na ring alam ang na pamamahala ng basura ay tungkulin ng mga pamahalaang barangay. Wala pa ring nangyayari.

Malulutas pa ba ang trapik? Nakupoooo!!

Umulan lang ng ilang minuto nitong nakaraang linggo, nagbaha na sa may Main Avenue sa Edsa at natuklasan ang dahilan-- sandamakmak na basurang nakabara sa mga drainage. Ang resulta – dagdag na krisis trapik!

Basura, baha, basura sa Manila Bay, trapik, pagbubungkal ng kalsada, ang lahat ng ito ay pabigat sa sambayanang Pilipino. Idagdag pa ang kakulangan ngayon sa tubig at linggo-linggong pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel. Anak ng putakti, sigaw ng bayan!

Matiisin pa rin ang mga Pinoy. Ngunit hanggang kalian ang pagtitiis na ito?

Natutuwa ang mga nagpapabigat sa buhay ng  mga Pilipino dahil mabilis humanap ang Pinoy ng mga bagay na pampagaan ng dinadalang bigat ng buhay. Madali silang magkuwento at magpatawa na kung  minsan ay kahit mag-isang nagsasalita na lang na maaaring mapagkamalang nawawala tuloy sa katinuan ang isip o kaya’y dinadaan sa pagkanta.

Isang paraan ng mga Pinoy ang pakikipag-usap kahit hindi kakilala ang katabi sa upuan sa dyip o tindahan upang malibang lamang ang sarili sa mabubuong huntahan o kuwentuhan na maaaring humaba. Sa paraang ito ay nakapaglalabas ng sama ng loob, maihihinga ang dinadalang pasakit na dinadala o kaya’y ang pagpunta sa mga kaibigan sa kanto at pakikinig ng mga biruan na kahit pansamantala’y naiibsan ang dinadalang problema sa buhay.

Ngunit kailangan bang laging ganito ang buhay ng mga Pilipino?         (bangonkalikasan@yahoo.com)