Basura sa katubigan at kalupaan

January 13, 2019

Basura kahit saan. Basura nang Pasko, Bagong Taon,  Undas, Semana Santa, Traslacion, at marami pang okasyon bukod pa sa araw-araw na paglikha ng basura.

May basura rin mula sa ibang bansa, sa Manila Bay, Laguna Lake at mga ilog.

Ang basura sa mga pailaw at paputok tuwing Bagong Taon na may dalang carbon na sinusunog at pagkaraan ay babagsak din sa lupa at magiging basura ay nasaksihan pa rin nitong nakaraang 2018 Bagong Taon.

Basura sa Manila Bay at sa kabuuan nito ang dapat tingnan mabuti ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu. Nakita ng grupo nila ang Manila Zoo na pinagmumulan ng mga basura mula sa mga kulungan ng mga hayop. Nakita rin nila ang mga maralitang taga-lunsod na nakatira sa malapit sa ilog sa dalawang barangay sa lunsod ng Paranaque na nagtatapon ng basura sa ilog na dumadaloy sa Manila Bay.

Ngunit tila hindi nakita ni Sec. Cimatu ang mga tambakan ng basura sa Maynila at Navotas na halos nasa dagat na!

Minsan ay ininspeksyon ni Cimatu noong 2018 ang mga tambakan ng basurang ito na nasa tabi ng Manila Bay at nakitang may paglabag ang mga namamahala nito sa mga batas pangkalikasan. Anyare?

Sana’y maging tapat at makatotohanan ang rehabilitasyon ng Manila Bay. Sana’y tumingin sila sa kaliwa at kanan, gitna at likod. ‘Ika nga’y tingnan ang buong kagubatan at hindi lang ang mga puno.

Nasa balita rin ang rehabilitasyon ng Laguna Lake. Sana’y matuloy na rin ito nang totohanan.

Pagkaraan ang pagsisiwalat noong nakaraang taon hinggil sa ginawang tambakan ng basura ang isang bahagi ng Lawa ng Laguna, katahimikan na ang sumunod. Nawala ang dating nagpupuyos na galit nang mga nagbunyag ng krimeng pangkalikasang ito.

Naibalik na ang mga basura ng North Korea pabalik sa bansang ito. Puslit ang mga basura mula sa NoKor papunta sa ating bansa. Nagalit ang mga organisasyong pangkalikasan. Ngunit anila’y mahigit sa limang tonelada pa ang natitirang basura ng NoKor ang nasa Pilipinas. Hindi ba kaya ng NoKor na makuha ang lahat ng basura? Bakit nakayang ipuslit ang lahat ng basura sa bansa natin nang isang bagsak lang?

Maraming kasalaulaan ang matagal nang nagaganap sa bayang Pilipinas.
May maliit na tagumpay na naganap sa pagsalaula sa Boracay. Binuksan muli ito sa mga turista lokal at dayuhan. Hanggang kailan naman mananatili “itong malinis.”  Maraming dekadang sinalaula, nilinis lamang ng anim na buwan at binuksan ulit. Malungkot na sa mga unang araw pa lang ng pagbubukas ay may mga napaulat na agad sa media nang pagsasalaula muli sa magandang isla.

Hanggang walang pagmamahal sa bayan at Inang Kalikasan, hindi magaganap ang matapat at makatotohanang pagtatanggol sa Inang Kalikasan.

Ang mga bulung-bulungan ng mga kababayan nating Pilipino;
Harinawang hindi naman maging “it’s all for show man” sabi sa wikang Ingles.

It’s all for funding man! Harinawang hindi naman.

It’s all for media mileage man! Harinawang hindi naman.

It’s all for pogi points man! Harinawang hindi naman.

Tulungan si Secretary Roy Cimatu laban sa polusyon ng Manila Bay!         (bangonkalikasan@yahoo.com)