Bayani ang mga sumundo sa epicenter ng virus

February 10, 2020

ENDANGERED species na rin talaga ang mga Pilipino na kayang magmahal sa kanyang  kapwa Pilipino.

Hindi ko inaasahang marinig sa bise alkalde ng Capas, Tarlac ang literal na pagtaboy sa mga kababayan nating ililikas mula sa epicenter ng corona virus sa Hubei, China.
    Hindi lang pala si bise alkalde, kasama ng kanyang buong Sangguniang Bayan at ang ibang mamamayan nila ang tumatangging dalhin sa Athlete’s Village ang mga OFWs para isailalim sa 14 days quarrantine.

Nagpasa pa sila ng isang resolusyon para ipahayag ang mariin nilang pagtutol sa plano ng DoH at national government. Kung walang pagbabago, nitong Linggo, February 9, dumating ang mga OFWs.

Hindi natin alam kung saan nakarating ang paghihimagsik ng mga taga-Capas pero ang huling balita, bukod sa resolusyon, balak pa nilang magsampa ng petisyon sa korte para pigilan ang pagdadala sa kanilang bayan ng mga manggagawang Pinoy na tinagurian nating mga bagong bayani.

Napuntahan ko naman ang Athlete’s Village na ito sa New Clark City. Isa itong isolated area na malayo sa main Clark area sa Angeles. Malayo rin ito sa populated area. Mistula itong desserted territory bago isinagawa ang development.

Pero hindi naman isyu rito kung malayo o malapit sa populated area. Mas gusto nating puntusan ang ugali ng ibang taga-Capas. Ganoon pala ang kanilang asal sa mga panahong kailangang magsakripisyo para sa bayan.

Natatandaan ko, noong sinsimulan ang New Clark City at kalaunan ay doon dinala ang 2019 SEA Games, all praises ang lokal na pamahalaan ng Capas. Lahat ng pasalamat sa national government at sa BCDA ay ginawa.

Halos malula sila sa biyaya ng gobyerno dahil nag-akyat ng turismo at kabuhayan sa kanilang bayan ang SEA Games. Tumaas din ang presyo ng property sa kanilng lugar na noon ay barya-barya lang.

Sa pinakahuling balita, pumayag na rin ang Capas sa pamamagitan nj Mayor Rey Catacutan na i-quarantine sa Athlete’s Village ang mga kababayan natin na repatriated mula sa China.

Wala naman sanang isyu rito kung sa una pa lamang ay hindi na nagpakita ng angas ang bise alkalde.

Kung tutuusin, dapat mahiya si vice mayor at ang buong sambayanang Pilipino sa mga DoH staff, DFA staff at sa airlines crew na handang ilagay sa panganib ang mga buhay masagip lamang ang mga OFWs natin.

Mga bayani ang mga taong ito na dapat ipagpatayo ng monumento sa bakuran ng DoH.

Para lang sa mga taga-Capas, huwag nyong kakalimutan ang nakasaad sa Banal na Kasulatan na kapag may tiyansa kang tumulong, huwag mo itong palalagpasin dahil ginamit ka ng Diyos patungo sa mga nangangailangan.

Ngayong maayos na ang lahat, idinadalangin natin na walang magkasakit sa mga OFWs at sa mga sumundo para mabawasan ang problema ng bansa at mawala na rin ang agam-agam ng mga taga-Capas.

Mabuhay ang mga medical staff, DFA personnel, airline crew at airline company na sumundo sa ating mga kababayan sa ground zero ng virus!

allanpunglo@gmail.com