Bayanihan ni Juan panalo sa Wuhan

February 04, 2020

NASA mahigit 400 na ang patay sa Tsina dahil sa novel coronavirus outbreak. Lagpas 2,000 na rin ang kaso ng naturang sakit, karamihan dito ay sa lungsod ng Wuhan.

Malaki ang atraso ng Tsina sa Pilipinas sa usapin ng teritoryo ngunit hindi ito dahilan upang talikuran ang mga Intsik sa oras ng kanilang kagipitan.

Bukod sa likas sa tao ang tumulong sa nangangailangan, namamayani sa dugo ng mga Pilipino ang diwa ng bayanihan.

Patunay dito ang nag-uumapaw na suporta na ating ibinigay sa mga kababayan natin na sinalanta ng Taal Volcano eruption.

Naniniwala ako na kaya ni Juan ipamalas ang bayanihan sa labas ng Pilipinas partikular sa Wuhan.

Mabuhay ang mga Pilipino!

***

Isa na ang patay sa Pilipinas dahil sa coronavirus at ito ay hindi Pilipino kundi isang Intsik na galing sa Wuhan.

May 80 pa katao kabilang ang mga Pilipino ang inoobserbahan sa mga pagamutan sa bansa kung sila nga ay may naturang karamdaman.
 
Sa kabila nito, umaasa tayo na hindi kakalat sa bansa ang sakit. Higit sa lahat, ipinapanalangin natin na walang Pilipinong masasawi kaugnay ng naturang karamdaman.

Buo ang loob ng gobyerno sa pagharap sa hamon ng coronavirus. Sa tulong ng paghahanda at pag-iingat ng publiko, malaki ang laban natin sa pagsubok na ito.

Gamit ang mga makatotohanang impormasyon, edukasyon ang pinakamalaki nating kakampi sa pagpapanatili ng maayos na kalusugan.

Samantalang mapalad din ang mga Pilipino dahil ang Pilipinas ay nasa mainit na bahagi ng mundo kung saan malaki ang posibilidad na hindi kumalat ang sakit. Mabilis umanong mamatay ang novel coronavirus sa maiinit na lugar

‘Yun nga lang, medyo malamig ang panahon ngayon sa Pilipinas dahil sa hangin mula sa lugar ng may mga natutunaw na yelo.

Bagama’t masarap ang tinatamasa nating kalamigan ng panahon, kinakailangan ang dobleng pag-iingat laban sa nakakahawang karamdaman.

Kabilang sa pag-iingat na ito ang pagsuot ng facemask, pag-iwas sa matataong lugar, paghugas lagi ng kamay at pag-iwas sa mga hayup.

***

Mapapagtagumpayan natin ang pagsubok ng coronavirus sa pagkakaisa at pagtutulungan hindi lamang sa ating bansa kundi sa labas ng ating mahal na bayan.

Gamitin natin ang pagkakataon na ito na ang Pilipinas ay bayan ng mga bayani.

***

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com