BoC Chief Guerrero, pinuri ni DoF Sec Dominguez

August 26, 2020

 MULI na namang naungkat ang mga kalokohan sa aduana noong nakaraang Lunes.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naghayag ng ilang kabalbalan sa Bureau of Customs (BoC).

Sa isang taped meeting sa mga miyembro ng Gabinete, inatasan ni Duterte si Justice Secretary Menardo Guevarra na imbestigahan ang mga anomalya sa pantalan.

Iniutos ni Duterte ang imbestigasyon pagkatapos na sipain ni BoC Chief Rey Leonardo Guevarra ang kanyang Chief of Staff.

Matagal na palang pinatatanggal ni Pangulong Duterte si Atty. Teodoro Jumamil dahil umano sa korapsyon.

Ikinalungkot ni Duterte ang matagal na pagsipa ni Guerrero kay Jumamil, isang law graduate ng San Beda College na kagaya ni DU30.

"I told him to fire Jumamil but it took him quite a lot of seasons to do it," sabi ni Duterte.

Sinabi pa ni Duterte na hindi niya basta "ma-ignore how Jumamil thought he would be let off the hook"  dahil sa kanyang tulong noong 2016 polls.

Sabay na naging opisyal ng DBP at BoC si Jumamil.

Marami ang umaasa na isasama ni Secretary Guevarra sa kanyang imbestigahan  sa patuloy na pamamayagpag ng mga kilalang ismagler sa aduana.

Isama na rin ang mga taga-BoC na kasabwat ng mga "player" na ito.

Parang mga "ipu-ipo" kung manalasa ang mga "pinagpalang player" sa BoC.

Wasak ang revenue collection efforts ng ahensiya.

Ibang magtrabaho ang mga player na ito.

Nandiyan din ang mga buwayang taga-BoC na nagbo-broker din.

Inaagawan nila ng kita ang mga maliliit na broker.

Ang mga player at mga tiwaling lingkod-bayan sa pantalan ang mga salot sa bansa.

Sa totoo lang sila ang kinatatakutan sa aduana, hindi ang COVID-19.

Tama ba kami, Finance Secretary Carlos "Sonny" Dominguez at Senator Bong Go?

***

Pinuri ni Department of Finance Seretary Dominguez si Bureau of Customs Chief Rey Leonardo "Jagger" Guerrero.

Nang tanungin ni Pangulong Duterte si Dominguez tungkol kay Guerrero, mabilis na tugon ng kalihim,  "Maganda ang ginagawa ni Jagger sa BoC."

Ayon pa kay Dominguez, makikita daw sa ginawang pagmo-monitor ni Jagger ang transaksyon sa iba’t-ibang puerto ng bansa.

Bagamat hindi perpekto, siniguro din ni Dominguez na nasa ayos at patuloy pang pinapaganda ni Guerrero ang pamamalakad at serbisyo sa BoC upang matuldukan na ang mga katiwalian sa nasabing ahensiya.

***

Tatlong toneladang "unsafe goods" ang sinira ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA) noong Lunes.

Ang pagsira ay ginawa sa Trece Martires, Cavite.

Sinabi ni BoC-NAIA District Collector  Mimel S. Manahan-Talusan na kabilang sa mga sinira ay mga expired na pagkain.

Ayon pa kay Collector Talusan, pati expired na gamot at dietary supplements ay kasama sa sinirang produkto.

Ang  mga produkto ay dumating sa bansa na walang mga permiso mula sa Food and Drug Administration.

Mayroong mga segunda manong cellular phones din ang sinunog dahil wala ring papeles galing naman sa National Telecommunications Commission.

Ang pagsira sa mga unsafe goods ay isa mga utos ni Commissioner Guerrero para pangalagaan ang kalusugan ng publiko.

Puspusan din ang inspeksyon sa mga overstaying at abandonadong kargamento sa mga bodega at pantalan. 

Gusto rin ni Sir Jagger na maiwasan ang pagsisikip ng mga kargamento sa mga pantalan para mapabilis ang paglabas ng mga kargamento at hindi maperhuwisyo ang mga importer at broker.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765439/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)