Bravo DoH

UMANI kamakailan ang Department of Health (DoH) ng papuri kaugnay ng pagharap nito sa hamon ng Coronavirus Disease 2019 (Covid-19) sa bansa.

Kumpara kasi sa ibang mga bansa na tinamaan ng Covid-19, lumabas na mas ligtas ang Pilipinas dahil na rin sa mahigpit na mga  hakbang na ginawa ng DoH upang hindi lumaganap ang nakamamatay na sakit sa ating bansa.

Dapat nating palakpakan ang DoH dahil zero ang confirmed cases ng Covid-19 sa bansa.  Na-trauma man sa tuligsa si Francisco Duque bilang Health secretary, kahanga-hanga pa rin  ang kanyang pamumuno sa departamento na nagsagawa ng mga karampatang aksiyon laban sa Covid-19.

Ayos ka Health Secretary Duque.

***

Nangiwi ang aking mukha nang mabalitaan ko na may balak ang Maynilad na kumuha ng tubig sa Manila Bay upang magamit ng mga taga-Metro Manila.

Hindi ko na siguro kailangang ipaliwanag pa kung anong klaseng tubig ang napupunta sa Manila Bay dahil sa Baywalk pa lang ay malalanghap mo na ang kasulasulasok na amoy nito.

Pero sa kabila nga ng estado ng tubig sa Manila Bay ay kinukunsidera ito ng Maynilad bilang source ng tubig para sa Metro Manila.

May proseso naman siguro ang Maynilad upang gawing malinis ang tubig sa Manila Bay ngunit kailangan malaman ng publiko ang ditalye nito.

***

Wake-up call ang naganap na barilan sa Makati na kinasangkutan ng mga dayuhang Intsik.

Ayon sa balita, kapwa mga Instik ang nasangkot sa insidente kabilang na rito ang isang Chinese POGO worker na namatay at tatlong hinihinalaang miyembro ng Peoples’ Liberation  Army ng Tsina.

Nakakabahala na sila-sila mismo ay nagpapatayan. Pero nakakatakot ang posibilidad na pati tayong mga Pinoy  ay madamay sa kanilang mga katarantaduhan.

Palala nang palala ang perwisyong idinudulot ng mga dayuhang Intsik. Una ay pa-jingle-jingle lang sila sa kalye. Sumunod ay dumudumi na sila sa ating mga parke.  Hindi nagtagal ay nasangkot na sila sa kidnapping ng kanilang mga kababayan at kapwa dayuhan.

Hindi na dapat natutulog sa pansitan ang ating mga kapulisan ngayong nagbabarilan na ang mga dayuhang Intsik.

***

Maraming hamon ang haharapin ng mga Pilipino sa mga susunod na araw. Tulad ng dati, naniniwala ako na malalagpasan natin ang mga ito dahil matitibay at wais ang mga Pinoy.

Huwag lang natin pairalin ang pagiging makasarili at sa halip ay isabuhay natin ang bayanihan.

Higit sa lahat, patuloy tayong humingi ng gabay sa Diyos na siyang ating tunay na tagapagligtas.

Mabuhay ang mga Pilipino.

***

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com