Bureau of Customs-X-Ray Inspection Project, balik sa kamay ng eksperto, Atty. Mangaoang!

January 13, 2019

MARAMI ang nangangarap na magtrabaho sa Bureau of Customs (BoC).

Akala siguro nila ay malaking “gold mine” ang Aduana.

Pero ang hindi alam ng publiko, ibang-iba na ang magtrabaho sa Aduana ngayon.

Noong mga nakaraang panahon ay nanggagaling daw sa Aduana ang pondo ng ilang politiko tuwing may eleksyon.

Ang BoC kasi ang dating tapunan ng “political protegees.”

Sa kanila nanggagaling ang campaign fund ng kani-kanilang mga  ninong at ninang na politiko.

Pero katulad nga nang nabanggit natin, ibang-iba na ang sitwasyon sa Aduana.

Pahirapan nang kumita ang mga mandurugas. Bantay sarado na kasi ang mga pantalan.

Bukod sa mga nagkalat na CCTV, nandiyan pa ang mga “eagle-eyed” na taga-diyaryo, radyo at telebisyon.

Nandiyan rin ang mga high-tech na mobile phone na puwedeng makapag-record ng lihim sa mga transaksyön.

At ang mga district collector ay tanggal kaagad kapag hindi na-meet ang buwanang collection target.

Ang ibig sabihin nito ay hindi ganun kadali ang trabaho ngayon  sa pantalan.

Kung gusto mong magtagal sa Aduana, dapat tutok ka sa trabaho mo, hindi sa pagkakaperahan.
Oo me mga mangilan-ngilan pang opisyal at empleyado ang ayaw tumigil sa kanilang nakagawiang masamang trabaho pero sigurado, timbog sila sa darating na mga araw!

Tama ba kami, Commissioner Rey “Jagger” Guerrero at IG chief Depcom Raniel Ramiro?

Abangan!

***

Mabuti naman at balik-X-Ray Inspection Project (XIP) na si Atty. Lourdes Mangaoang.

Naging celebrity si Mangaoang noong kasagsagan ng Congress investigation sa drug  smuggling.

Sa totoo lang, naging “household name” ang dating deputy collector for passenger services sa NAIA nang panahon ng imbestigasyon.

Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nagsimula ang XIP.

At si Mangaoang ang unang hepe nito.

Nagpakadalubhasa pa siya sa paggamit ng X-Ray machine sa iba’t ibang bansa.

Dahil eksperto tungkol sa X-Ray, siya ang pinaniwalaan ng mga taga-Kongreso, lalo na ng Blue Ribbon Committee na ang. chairman ay si Senador Richard Gordon.

Sa pagbabalik ni Mangaoang sa XIP ay inaasahang gaganda pa ang serbisyo sa nasabing unit.

Mahalaga ang papel ng mga X-Ray machines sa anti-smuggling drive ng BoC.

Napapabilis pa ang paglabas ng mga kargamento sa pantalan.

Congrats ang Good Luck,                 Ma’am Lourdes!

***

Dahil election period na, nagkalat na naman ang COMELEC-PNP checkpoint sa buong bansa.

Tama lang ito para masiguro ang  kaayusan at katahimikan habang nangangampanya ang mga kandidato.

Dapat sumunod ang mga motorista sa mga patakaran ng checkpoint.

Pero kailangang magalang naman ang mga taga-COMELEC at PNP.

Dapat respetuhin ng dalawang panig ang karapatan ng isat-isa para walang hindi pagkaka-unawaan.

Para naman sa kabutihan ng lahat ang pagkakaroon ng checkpoint sa mga lansangan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)