Buwis sa Chinese workers!

SUPORTADO ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang plano ng pamahalaan na buwisan ang lahat ng Chinese workers sa bansa.

Isa ito aniya sa tamang paraan upang matugunan ang hinahanap na dagdag pondo ng pamahalaan para sa ambisyosong ‘build, build, build projects’ ng Duterte administration.

“That’s the right approach. Before you badger Congress to levy new taxes or raise rates, kindly plug the leaks first,” ani Recto sa isang pahayag na ipinalabas noong nagdaang Biyernes.

Ayon sa senador, kaya nagdagsaan ang mga Chinese workers sa Pilipinas, partikular na ang mga nagtatrabaho sa ‘online gambling’ ay dahil na rin sa maluwag na polisiya sa foreign labor, gayundin ang malamyang panuntunan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Labor and Employment (DoLE) at Bureau of Immigration.

“The BIR can’t be strict on Filipinos when it comes to paying taxes, by withholding these at source, while allowing foreign nationals a free pass,” sabi pa ni Recto kasabay ng pagbibigay-diin na hindi dapat magkaroon ng malaking pader para makaligtas ang mga Chinese worker sa pagbabayad ng karampatang buwis.

“Dehado na nga sa West Philippine Sea, pati ba naman sa singilan ng buwis e dehado pa rin ang Pilipinas?

Bukod sa  Chinese workers na nasa online gambling, dapat ay puntiryahin din ang iba pang manggagawa mula sa China, partikular na ang mga nagtatrabaho sa konstraksiyon.

Noong nakalipas na taong 2017, nakalikom ang pamahalaan ng P360 billion mula sa income tax ng manggagawang Pilipino at  Pinoy ‘professionals.’

Inihayag ng Department of Finance (DoF) kamakailan na target ng pamahalaan na makalikom ng P22 billion para sa annual income taxes ng manggagawang Chinese at iba pang foreign nationals na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operations.

Sa inisiyal na datus na nakalap ng BIR, may 33,000 foreign workers ang nagtatrabaho mula sa 64 offshore gaming operations na nasa bansa.

Sinabi ni Recto na may mahigit pang 200 service providers ng offshore gaming operations ang nasa Pilipinas. Kung magiging maayos lamang ang pagpapataw sa kanila ng buwis, malaking tulong ito para sa bansa.

Sa ganang akin, maganda ang planong ito ng DoF na dapat ipatupad sa lalong madaling panahon.

Maganda rin ang ginawang aksiyon ni Recto upang susugan ang naturang plano dahil kung hindi ito ipatutupad ng BIR, maaari silang ipatawag ng Kongreso para magpaliwag sa taumbayan.

Suportado ng mamamayang Pilipino ang build, build, build program ng Duterte administration at kung Chinese workers naman ang kukunan ng tamang buwis, malaking bagay ito hindi lamang sa pamahalaan kundi sa taumbayan mismo na lumpo na halos sa kabi-kabilang buwis na ipinapataw ng gobyerno.

Ang maayos na pagkolekta sa buwis – mapa-Pilipino o dayuhang manggagawa man iyan ang tamang sagot upang ‘pansamantala’ ay itigil muna ang planong dagdag buwis sa mga kababayan upang kahit papano’y makahinga naman tayo  sa matinding kahirapan na tinatamasa ng ating bansa.

Mataas na ang presyo ng bilihin, kakarampot na nga ang kita, eto’t kabi-kabilang taxes pa ang planong isagawa ng pamahalaan sa mga manggagawang Pilipino, samantalang mayroon pang higit na dapat pagkunan ng pondo kundi ang  nagdagsaang Chinese workers mismo.