‘CBWs’ ‘sabit’ (na naman) sa smuggling?

February 04, 2020

BAGO ang lahat, “kudos” kay BoC Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero, sa magandang resulta kahapon ng kanyang ‘public presentation’ para sa “bagong” ’10-Point Reform Program’ na “tatahakin” ng Aduana ngayong taon.

Dangan nga kasi, “pabigat nang pabigat” ang itinatakda ng ating mga ‘fiscal managers’ na dapat makolektang buwis ng Aduana kaya kailangang makasabay dito ang mga kinakailangang reporma ng ahensiya.

Para ngayong taon, aabot sa P731 bilyones ang ‘target collection’ ng Aduana, mas mataas ng higit P70 bilyon kumpara noong nakaraang taon na higit P662 bilyon kung saan “kinapos” ng higit P30 bilyon ang nakolektang buwis.

‘But ever optimistic,’ wika nga, “kumpiyansa” pa rin si Comm. Jagger na sa “dakong huli,” hindi mapapahiya ang Aduana—kasehodang “kinapos” (ulit) ngayong Enero ng may P2 bilyon ang koleksyon nito—kaya… tingnan natin, hindi ba, dear readers?

***

Na seryoso sa kanyang trabaho si Comm. Jagger at binibigyan niya ng pansin ang mga naging “kahinaan” ng Aduana ay makikita natin sa kanyang mga prayoridad ngayong taon.

At sa naging ‘presentation’ ni BoC spokesman at assistant commissioner, Atty. Jett Maronilla, napansin natin na isa sa mga “gagamutin” ng ahensiya ay ang ‘manual lodging’ ng mga ‘customs entries’ sa ‘Informal Entry Division’ (IED).

Kung babalikan, mga kabayan, ang ‘manual system’ sa IED na nagresulta sa ‘diversion’ ng may 641 container vans kung saan tinatayang higit kalahating bilyon (P500 plus million) ang “nadugas” na buwis sa gobyerno ay naging ‘special report’ pa nga ng ‘People’s Tonight’ na ating isinulat, noong nakaraang taon.

At sa nalaman pa natin, bagaman agarang ipinag-utos ni Comm. Jagger sa MISTG na “gawan ng paraan” na ‘ma-computerize’ ang sistema sa IED, mukhang hindi ito nangyari ‘due to technical reasons.’

Harinawang mabigyan na ito ng solusyon ngayong taon, hindi ba mga kabayan?

Nalaman din natin na agad nirekomenda ni Comm. Jagger na kahit man lang sa ‘floating status’ ay mailagay ang mga “sumabit” na opisyales habang may imbestigasyon subalit, “hinarang” ito ng ilang mga “bosing” sa Department of Finance!

Kung totoo nga ito, Pang. Rody, aba eh, dapat siguro “linawin” mo ang mga ganitong insidente kay DoF Secretary Sonny Dominguez at kay Comm. Jagger, mismo, dahil sa kanyang mga ‘pronouncements,’ mukhang hindi alam ni PDU30 ang ‘real score’ kung kampanya laban sa katiwalian sa Aduana ang pag-uusapan?

Sa mga nababanggit kasi ni PDU30, “lumalabas” na si Comm. Jagger ang “ayaw” kumilos laban sa mga tiwali sa ahensiya samantalang ang mga “kontra” naman pala ay ang ilang matataas na opisyal sa DoF, aguy,aguy,aguy.    

***

Sa nangyari pa rin na ‘open forum’ kahapon, marahil naman ay naging “malinaw” na rin sa mga ‘operator’ ng ‘customs bonded warehouse’ (CBWs) kung bakit “walang gumagalaw” na aplikasyon para sa CBWs, na naitanong ng isang opisyal mula sa nasabing grupo.

`“Diretso” kasi ang naging pagsagot sa naturang tanong ni deputy commissioner for assessment and operations (AOCG) Edward Dy Buco na ‘under investigation’ at ‘under review’ ang mga nasabing aplikasyon dahil sa isyu ng “paggamit” ng mga CBWs sa mga ‘smuggling activities.’

Oh yes, dear readers, muling “bubuksan” sa susunod na linggo ng Kongreso ang nasabing isyu na sa ating pagkakaalam ay palagi na lang “iniimbestigahan” ng ating mga mambabatas sa bawat nagdaan na Kongreso, hehehe!

Aber, “panahon” pa yata ni “Mahoma” palagi nang isyu ang ‘involvement’ ng mga CBWs hindi lang sa smuggling ng tela (garment), plastic resin at “GM” (general merchandize) at ngayon naman ay sa sigarilyo at langis, subalit, bakit nga ba tila wala nang katapusan ang problemang ito?

Eh, may alam nga tayo na isang kilalang negosyante na ang nasa likod ng pagyaman ng pamilya – at ginamit ng mga anak sa kanilang matagumpay na pagpasok sa pulitika— ay ang “kinita” ng kanilang “erpat” mula sa ‘smuggling’ ng mga ‘plastic resins’ gamit ang mga CBWs.

At ano ba ang “laro” dito ng ating mga mambabatas na ang ilan ay “notoryus” din naman basta pakikialam, ehek, pag-iimbestiga sa Aduana ang pag-uusapan, hehehe!

Naitanong natin ito dahil sa napakatagal na pag-iimbestiga sa korapsyon sa mga CBWs, wala naman naging resulta, ahahay! At teka pala, malayo pa naman, sa 2022 pa ang halalan, hindi ba, dear readers eh, “bakit” parang “atat” na ang ating mga kongresista na muling “talupan” itong mga CBWs, hihihi!

At natandaan pa natin na hindi lang ang mga CBWs bilang ‘smuggling center’ ang naging paksa ng mga imbestigasyon noon bagkus, kahit ang raket sa mga BoC ‘tax credits’ kung saan “dinadaya” ang ‘computation’ upang lumabas na mas malaki ang ‘tax credit’ ng mga aplikante.

Ang bagay na ito ay dapat ding “silipin” ni Comm. Jagger.

At nabanggit na rin lang si Comm. Jagger, “palaisipan” din (daw) kung “sa wakas” ay “magpapakita” na siya sa ating mga mambabatas sa pagdinig sa susunod na linggo?

Eh, “siguro,” kailangan na niyang “magpakita” dahil malapit nang “maubusan” ng palusot, ehek, paliwanag, si Atty. Jett Maronilla, hehehe!

Ngayong linggo kasi ay “tinanggap” ng mga mambabatas ang “palusot,” ehek, “paliwanag, ni Atty. Jett na kaya muling ‘no-show’ si Comm. Jagger ay dahil nga ‘anniversary week’ ng Aduana ngayon at marami na itong mga ‘prior commitments.’

Eh, sa susunod na linggo, paano na? Hindi naman siguro papayag ang mga mambabatas na kaya ‘no-show’ pa rin si Comm. Jagger sa kanila ay dahil “extended” ang ‘BoC anniversary celebration,’ hahaha!

Abangan!