Centralized na basurahan sa mga gamit na face mask!

GUSTO ko ‘tong panawagan ni Caloocan City Councilor Orvince Howard A. Hernandez na magkaroon ng partikular na basurahan para sa mga gamit na face masks, face shields at iba pang personal protective equipment (PPE).

Ang panawagan ay ginawa ni Hernandez sa gitna ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 sa bansa. Lalo na ngayong inoobliga ang lahat na bukod sa face mask, dapat ay magsuot na rin ng face shields ang ating mga kababayan na nasa pampublikong lugar at sakayan.

Direktang pinakiusapan ni Hernandez ang lahat ng barangay officials sa lungsod na sana pangunahan nila ang paghihigpit at pagpapatupad ng tamang lagayan para sa mga gamit na face mask, face shields at PPEs.

Ani Hernandez, matagal nang pinagtibay ang Republic Act No. 9003 na lalong kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o iyong batas sa paghihiwalay ng mga basurang nabubulok, hindi nabubulok at mga ‘hazardous waste.’

Ngayong panahon ng pandemiko, mahalagang sundin ang nasabing batas na may  layuning hindi lamang sa pagpapanatili sa kalinisan, kaayusan at magandang kapaligiran kundi para na rin maiwasan ang problema na naman sa baha ngayong tag-ulan.

Si Hernandez, ConVinced kung tawagin ng taga-District 1, ang presidente ng Sangguniang Kabataan Federation of Caloocan City at concurrent chairman ng Caloocan Youth Development Council.

Nananawagan si Hernandez sa mga kapwa kabataan na maging aktibo rin sa pagbabantay sa mga kapasaway sa komunidad. Puwede aniyang i-post sila sa social media, ngunit maganda ring i-like at i-share ang mga kapitbahay namang disiplinado at marunong sumunod sa itinatadhana ng batas.

“One hard lesson that should be learned from this pandemic is that walang superman dito na mag-isang gagawa ng paraan. Ang kailangan dito ay super friends, meaning, tayong lahat ay dapat magkakasama para sa kaligtasan,” dagdag pa ni ConVinced.

Sa kasalukuyan, gumagawa na ng paraan ang tanggapan ni Konsehal upang makalikom ng ilang drums na puwedeng ipamigay sa bawat barangay.

Maganda aniyang sa loob ng bahay pa lang, may hiwalay nang ‘trash bins’ para sa mga gamit na face mask at may ‘centralized’ na tapunan na rin sa bawat kalsada o barangay. 

Sa ganang akin, maganda ang ideyang ito dahil kahit nga naman nakasuot tayo ng face mask, face shields at iba pang PPE’s kung wala namang tamang tapunan para sa kanila ay balewala rin ang ginagawa nating pag-iingat kontra COVID-19. Good job, ConVinced!

Pagpupugay kay Mayor Fred Lim!

ISA tayo sa nalungkot sa pagkawala ni dating Manila Mayor Alfredo Lim. mga iilang okasyon lamang kami kung magkita at magkausap ng tinaguriang Dirty Harry ng bansa.
Hindi pa uso ang malabruskong sistema ng Pangulong Duterte, si Mayor Lim na ang kauna-unahang nagpauso ng kamay na bakal laban sa mga suspected drug pushers at kriminal.

Ngunit sa kabila ng pagiging disiplinado at ‘berdugo’ laban sa mga masasamang loob, si Mayor Lim  ay  may mabuting puso at tunay na may taglay na katalinuhan at malasakit  para sa ating mga kababayan.

Ang hindi ko malilimutan sa kanya ay ang 100 percent na ibinigay na suporta niya sa inyong lingkod nang opisyal pa tayo sa National Press Club (NPC).

Dahil kay Mayor Lim, daang bilang ng government employees at mediamen na mga hindi tapos sa kolehiyo ang nakakuha ng Bachelor’s Degree on Public Administration (BPA), ganundin ang Master’s Degree on Government Management (MGM).

Bahagi ito ng Off-Campus Program ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na siya ring naging kurso ng kasalukuyang yorme na si Mayor Isko Moreno.

Magandang legasiya ito para sa buong NPC dahil maraming mediamen ang nagkaroon ng diploma nang muli silang magbalik paaralan. Ilan sa mga ‘napa-graduate’ ni Mayor Lim ay mga kilalang reporter ngayon sa radyo at pahayagan, samantalang ang iba naman ay mga desk men.

Ilan pa nga sa kanila ay may mahahalagang puwesto ngayon sa Gabinete ng Pangulong Duterte.

Sa mga nakapagtapos na government employees naman, karamihan sa kanila ay na-promote at nagkaroon ng sariling ‘item’ sa pamahalaan.

Malaking bagay ang ginawang programa ni Mayor Lim para ma-professionalized ang mga ‘undergraduate’ na mediamen at government employees na lalo pang nagbigay kumpiyansa sa kanila upang pagbutihan ang mga trabahong kanilang pinagsisilbihan.

Muli, mula po sa pamilya ng inyong lingkod, sampu ng mga alumni members ng NPC-PLM Off Campus Pogram, maraming salamat po sa inyo, Mayor Lim.

Nais din nating ipaabot ang pakikiramay sa mga naulilang pamilya, kaanak at kasamahan sa trabaho ni Mayor Lim.

Nawala man ang kanyang pisikal na katawan,  si Mayor Lim ay nananatiling bayani at huwaran sa aming mga puso at isipan.

Isang matikas na pagsaludo po sa inyo Mayor Lim!

Hanggang sa muli, Yorme at paalam!