Choosy na netizen at pasaway sa ECQ sa Valenzuela

April 29, 2020

BAKIT kaya may mga taong hindi makuntento sa tulong na ipinagkakaloob sa kanila ng kanilang mga lokal na opisyal na sa halip na magpasalamat ay pinupuna pa ang mga natatanggap na biyaya?

Sa ganitong panahon na ang lahat ay dumaranas, hindi lamang ng matinding pangamba dulot ng epidemya ng COVID-19, kundi ang kahirapan ng buhay dahil tigil ang lahat ng uri ng paghahanap-buhay, may mga hindi makuntento sa biyayang kanilang tinatanggap.

Dito lang sa Valenzuela City, hindi na nga halos tumitigil si Mayor Rex Gatchalian sa paghahanap ng paraan upang mapagaan kahit papaano ang paghihirap ng mga mamamayan ng lungsod sa pamamagitan ng pamamahagi ng bigas at grocery items na sapat para masuportahan ang isang pamilya.

Sa katunayan, marami siyang papuring natanggap sa social media, partikular sa facebook, hindi lang mula sa kanyang mga kababayan kundi sa iba pang mga taong nakakasaksi sa kanyang pagsisikap na maipagkaloob ang tamang serbisyo sa kanyang mamamayan.

Pero eto ang nakakatuwa o sabihin na nating nakakabanas dahil sa dami ng mga papuring nabasa ng alkalde, isang netizen sa Valenzuela ang nag-post na kumukuwestiyon pa sa natanggap na biyaya mula sa lokal na pamahalaan.

Sabi ng babaing netizen, bakit daw yung produktong hindi pa niya gusto ang ipinamahagi ni Mayor Rex? Dapat daw ay sinamahan na ng (binanggit ang mga imported na produktong canned goods, pati na ang mga kilalang noodles) at dapat ay samahan pa raw ng pine-apple juice.

Tanong pa niya sa alkalde, paano raw niya makakain ang mga ipinamahagi ng lokal na pamahalaan eh hindi naman niya gusto ang mga ito? Oh, di ba nakakatuwa at nakakabanas?

Akala siguro ng netizen, palalagpasin ni Mayor Rex ang kanyang puna pero sinagot siya ng alkalde at tinanong kung saan ang address niya sa Valenzuela at personal niyang dadalhin ang mga hinihinging mamahaling mga produktong pagkain.

Ang resulta, hindi na sumagot ang netizen at inalis na ang kanyang account sa facebook ng alkalde kaya hindi na niya matitikman ang ipagkakaloob sana sa kanya ni Mayor.

Bukod nga pala sa “choosy” na netizen, may mga pasaway namang mga bikers na nag-post pa sa facebook page ni Mayor Rex para ipagmalaki ang ginagawa nilang pagbibisikleta sa lungsod na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Hinamon pa ng mga bikers ang alkalde na hanapin na lang sila kung bawal ang pagbibisikleta kaya sa inis ni Mayor Rex, ipinahanap niya sa mga pulis ang mga pasaway na bikers hanggang isuko ang isa ng kanyang magulang nang malaman ang utos ni Mayor.

Bilang parusa, ipina-impound muna ni Mayor ang bisikleta ng biker at inatasang tumulong sa pagre-repack ng grocery items na ipamamahagi sa mga residente ng lungsod.

Binigyan niya pa ng ultimatum ang hindi susuko na kanyang ipakukulong, bukod sa kukumpiskahin pa ng tuluyan at hindi na ibabalik ang kanilng bisikleta kahit tapos na ang ECQ.

Hindi mapag-patol si Mayor Rex sa mga patutsada dahil bahagi ito ng demokrasya pero sa panahong ito na lahat ay kanyang ginagawa upang maibsan ang paghihirap ng mga kababayan, nakakapikon talaga ang ganitong uri ng pag-uugali ng mga pasaway at mapaghanap.

Tao rin lang si Mayor Rex na napipikon din sa ganitong pasaring pero hindi isang uri ng paghihiganti ang kanyang tugon sa mga pasaway kundi pagtuturo lamang ng wastong pag-uugali para kung matapos na ang dinaranas nating paghihirap ngayon, may aral silang natutuhan mula sa butihing alkalde.

Pasalamat sa mga may mabuting kalooban

Hindi naman siguro maikakaila na kabilang ang mga miyembro ng media sa maituturing na mga frontliners lalo na ang mga photojournalist na kinakailangan talagang lumantad sa mga lugar na may inaasahang balita na maihahatid sa publiko.

Hindi naman ito lingid sa mga halal na opisyal ng pambansa o lokal na pamahalaan,  kaya’t may mga pulitiko na kahit hindi mo kalabitin o paringgan para magpadala ng ayuda ay kusa talagang tumutulong para mapabilang sa kanilang ipinagkakaloob na ayuda sa kanilang mamamayan ang mga miyembro ng media.

Nakakataba naman talaga ng puso kung bigla na lamang malalaman ng ilang mga miyembro ng media na mayroong pinadalang tulong sa kanila ang isang halal na opisyal na kahit na abala sila sa pagkakaloob ng mga kinakailangang pagkain sa kani-kanilang mga constituents ay hindi nakalimot sa mga kaibigang nangangailangan.

Kung sabagay, hindi lang naman mga pulitiko at opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan ang may ganitong uri ng kabutihan sa kapuwa dahil may miyembro rin naman ng media, tulad na lang ng magsasakang reporter na si Mer Layson, na nagpursige pang i-deliver sa iba’t-ibang press office ang kanyang ayudang isang tray na itlog sa kanyang mga kasamahan sa hanapbuhay. Mabuhay ka kasamang Mer Layson, dumami pa sana ang iyong lahi.

Sa isang banda naman, may ilan talagang pulitiko na sa unang taon ng pag-upo sa puwesto lang magaling at kung malapit na ang halalan pero sa ganitong panahon ng pangangailangan, matigas ang leeg at hindi marunong lumingon sa mga tapat na kaibigan. Sana, hanggang diyan na lang ang inyong lahi at bato-bato sa langit, ang tamaan, mabubukulan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363