Comelec ang gumigipit sa mga mahihirap na kandidato

February 20, 2019

ANTI-MAHIRAP candidates ang Comelec.

Hindi natin alam kung ano ang pumasok sa kanilang isip para isama ang online platforms  sa kuwenta ng gastos at kuwenta ng oras ang mga appearance ng mga kandidato sa social media.

Sa social media na lamang sana makakatabla ang mga kandidatong walang daan-daang milyong piso, hinaharang pa ng Comelec.

Kung ikukumpara sa television na mahigit P1 million ang kada 30 segundo at radio na halos P27,000 ang 30s, ang social media ay libre. Ang binabayaran lamang sa karaniwang pagkakataon ay internet connection, concept at mga web administrator.

Sa social media, hindi mo kailangan ng malaking produksiyon, wala kang kailangang maraming setup, makakapag-live ka na. Kung ayaw mo naman ng live, puwede rin namang recorded video ang i-post.

Kaya mong iparating ang mensahe mo sa target market kahit isang oras kang magdadaldal sa social media. Mas magkakaroon ng tamang desisyon ang mga botante kapag naiintindihan ang mensahe.

Mas nakikita at mas nararamdaman ng nakakakita ang sinasabi ng kandidato sa social media hindi tulad sa TV at radio na limitado ang oras dahil nga mahal.

Palaging binabalaan ng Comelec ang magastos na kandidato gayong kung tutuusin ay social media na nga ang sagot para sa mas murang kampanya.

Nagkaroon ako ng planong magsimula ng online shows dahil gusto kong bigyan ng bagong konsepto ang isang talk show. Pero naka-hold muna dahil sa babala ng Comelec.

Natapos ko na ang buong production concept na talagang kakaiba sa mga nakikita nyong TV show ngunit kailangan kong suspendihin muna dahil 30 minutes iyon.

Isipin nating mabuti kung i-charge ng Comelec sa oras ng kandidato ang 30 minutes. Umaasa tayong makikita ng Comelec ang logic na magkaroon ng parehas na labanan sa pagitan ng mayaman at mahirap na kandidato sa tulong ng social media.

Kung gusto nating makapag-produce ng matino at hindi magnanakaw na kandidato, hayaan sana ng Comelec na maging free market ang social media.

Walang babawiin para magnakaw ang kandidato kapag nanalo dahil hindi siya gumastos ng daang milyong sa advertisement dahil social media lang ang kanyang ginamit.
allanpunglo@gmail.com