Comm. Guerrero at DCI Ramiro parehong matinik sa intelligence work

January 20, 2019

TAHIMIK pero epektibo ang kampanya ni Bureau of Customs Commissioner Rey “Jagger” Guerrero.

Napatunayan ito nang arestuhin sa isang entrapment operation ang may-ari ng isang BoC-accredited condemnation facility sa Guiguinto, Bulacan.

Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng BoC at NBI si Francis Lesaca dahil umano sa “reselling” ng ukay-ukay.

Ang mga ukay-ukay ay dapat sinira sa “Epy Eco Condemnation Facility” na pagmamay-ari ni Lesaca.

Ayon sa intelligence report na nakarating kay Guerrero, ipinagbibili daw ni Lesaca ang mga ukay-ukay na dapat sinisira.

Ang importasyon ng mga used clothing o ukay-ukay ay bawal  sa ating bansa.

Kaya ang mga ito ay kinukumpiska ng mga otoridad at ipinapasira sa mga BoC-accredited condemnation facility.

Nang maupo si Guerrero sa Aduana ay pinatigil niya ang pagpapadala ng BoC representative kapag may sisiraing kumpiskadong produkto.

Wala ngang BoC representative pero sa galing ng mga intelligence operative ni Guerrero ay hindi umubra ang kalokohan sa Aduana.

Huwag natin kalimutan na ang BoC Deputy Commissioner for Intelligence Group ay si dating Gen. Raniel Ramiro.

Sina Guerrero at Ramiro ay parehong miyembro ng  PMA Class 1984.

At pareho pa silang matinik sa intelligence work.

Double whammy ito sa mga kawatan sa Aduana.

Nakahanap na ng katapat ang mga tiwali sa  Aduana.

Ayos ba, Pangulong Rody Duterte at Finance Sec. Carlos Dominguez?

* * *

Bantay sarado ng mga quarantine official ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para hindi makapasok sa bansa ang African Swine Flu o ASF.

Sa totoo lang, nakakumpiska na ang mga tauhan ni NAIA district collector Mimel S. Manahan-Talusan ng 1,151 kilong karne  sa mga arriving tourist mula China.

Nakuha ito sa mga bagahe ng mga turista, ang mga karne ay walang sanitary at phytosanitary clearance mula sa Bureau of Food and Drugs.

Kasama ang China sa mga bansang may ASF outbreak.

Ang iba pang bansa ay ang Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czec Republic, Moldova, South Africa at Zambia.

Sinabi ni Talusan na pati hand carried luggage ay kailangang dumaan sa X-Ray screening.

Ito ay para hindi lumusot ang mga karne galing sa mga bansang apektado ng ASF.

Ayos yan, Ma’am Mimel.

* * *

Dalawang bagong barkong gawa sa France ang gagamitin ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs para sa anti-smuggling operations.  

Pinangalanang BRP Malamawi at BRP Kalanggaman, ang dalawang patrol boats ay mago-operate sa Mindanao.

Sinabi ni PCG Spokesman Capt. Armand Balilo na kasama ang BRP Malamawi at BRP Malanggaman sa mga pinakamabibilis na barko ng PCG.

Kayang-kaya ng mga itong habulin ang mga barkong gamit ng mga ismagler.

Mga tauhan ng PCG at BoC ang mago-operate ng dalawang barko.

Napipilitan ngayon ang mga ismagler na magpasok ng kontrabando gamit ang mga sasakyang pandagat.

Nabubuking na kasi ngayon ang mga kontrabando na dinadaan sa technical smuggling.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)