Comm. Guerrero, napanatili ang ‘growth momentum’

February 06, 2019

NANG maupo  si General Rey “Jagger” Guerrero bilang commissioner ng Bureau of Customs (BoC) ay kabado ang mga opisyal at kawani ng ahensya.

Hindi lang kasi dating heneral ng militar si Jagger kundi kilala pa itong istrikto at disciplinarian.

Kung hindi man sila mahirapan ay baka matanggal din sila sa serbisyo pagpasok ng 2020 sakaling ipatutupad ang Lateral Attrition Law o LAL.

Sa ilalim ng LAL, pwedeng matanggal sa serbisyo ang mga tauhan ng isang ahensya na bigong maabot ang taunang collection target.

Sa tingin nila ay mahihirapan ang ahensya sa pamumuno ni Guerrero na abutin ang target.

Pero unti-unting nawala ang agam-agam ng mga taga-BoC nang manatiling maganda ang collection performance ng BoC hanggang matapos ang 2018.

At pagdating nga ng Pebrero ay napa ‘wow’ na sila dahil nahigitan ng BoC ang assigned tax take noong nakaraang buwan.

Pati nga kritiko ni Jagger ay lihim na napahanga sa dating hepe ng AFP.

Ang inaakala nilang “mabagsik” na opisyal ay isa palang “gentle” at “highly-effective executive.”

Ayon sa rekord, umabot ng P48.15 bilyon ang koleksyon ng BoC noong Enero.

Ito’y lampas ng P2.52 bilyon sa target na P45.63 bilyon.

Kumpara sa tax collection noong Enero 2018 na umabot lamang ng P40.83 bilyon, ang koleksyon noong Enero 2019 ay tumaas ng 17.9 percent.

Sa isang kalatas, sinabi ng BoC na napanatili ang “growth momentum” na nagsimula nang maupo si Jagger bilang BoC chief.

Pinaigting pa ni Guerrero ang pagbabantay sa mga parating na importasyon, lalo na ang halaga ng mga kargamento para masiguro na tama ang ibinabayad na buwis at taripa.

Para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis, may mga importer at broker na binababaan ang halaga ng kargamento.

Ang iba naman ay gumagamit ng ibang paraan maliban sa underevaluation.

Nandiyan ang misdeclaration at misclassification.

Sa taong ito ay tumataginting na P677 bilyon ang collection target ng BoC.

Ito ay mas malaki ng P74.1 bilyon kumpara sa target na P592.9 bilyon noong nakaraang taon.

* * *

Dino-double check na pala ngayon ng Bureau of Customs kung nagbabayad ng tamang buwis ang  mga motor vehicle importer.

Gustong malaman ng BoC kung talagang nagbabayad ng tamang higher excise taxes na ipinataw ng Train Law sa mga motor vehicle.

Kinumpirma ni BoC chief Rey “Jagger” Guerrero ang audit sa vehicle importers’ tax compliance sa isang House public hearing.

Gustong malaman ng House Ways and Means Committee ang nangyari sa unang taon ng implementasyon ng Train Law.

Sinabi naman ni BoC spokesman Erastus Sandino Austria,  nagpadala na  sila ng audit notification sa siyam na car importers.

Ang mga sulat ay ipinadala ng BoC Post Clearance  Audit Group (PCAG) noong Enero 22-23.

“It’s a compliance audit. We are not saying outright that they violated,” dagdag ni Austria.

“It is only to check if they are complying with customs regulations relative to correct declaration and payment of duties,” sabi niya.

Tama lang na i-monitor ng gobyerno ang pagbabayad ng buwis ng lahat.

Katungkulan nating lahat na magbayad ng tamang buwis.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)