Comm. Jagger, masakit na rin ang ulo

BAGO ang lahat, isang sinserong pakikiramay ang ipinararating natin sa mga pamilya at kaibigan ng mga kasamahan natin sa media na pumanaw sa iba’t-ibang sakit ngayong panahon ng pandemya.

Pinakahuli sa kanila ay si kapatid na Estrella ‘Esther’ Gallardo, na binawian ng buhay dahil sa atake sa puso noong Martes ng gabi.

Isang mabait at masipag na opisyal ng media si Esther na bukod sa pagiging miyembro ng National Press Club (NPC) ay kasama nating ‘representative’ sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) bilang isa sa mga opisyal ng Publishers Association of the Philippines (PAPI).

Samantala, tinatawagan natin ang mga awtoridad sa Cavite PPO na magbanat naman ng buto upang maaresto ang walanghiyang driver na naka-hit and run noong Linggo, Hunyo 8, kay Tempo editorial cartoonist, Norman Isaac sa Dasmariñas.

Nakamotorsiklo si Norman, na isang multi-awardee sa kanyang larangan, nang “matumbok” nang hindi pa rin kilalang suspek at pumanaw noong Miyerkules.

Kilala naman natin ang “kalibre” ni P/Col. Marlon Santos, na ‘na-cover’ natin noong nasa CIDG pa siya kaya gusto nating maniwala na mabibigyan niya ng hustisya si Norman. Abangan!

***

Bagaman matagal na kaming walang “huntahan” ni Customs Commissioner Jagger Guerrero, naniniwala tayo na ngayong panahon ng pandemya, sadyang “masakit” na rin ang kanyang “ulo.”

Bukod kasi sa paniwala ng mga miron na muling “lumulusot” ang mga shabu sa pantalan— patunay ang na-recover na higit P5 bilyon shabu sa Marilao, Bulacan, noong isang linggo— patuloy ang “pananalasa” nitong COVID-19 pandemic.

Sa naibigay na ‘summary list’ sa atin, boss Bobot Sison, 45 opisyal at mga empleyado ng Aduana ang “positibo” sa COVID-19, ‘as of June 5, 2020,’ susmariosep!

At “tumpak” ang mga miron na “pinakamarami” sa kanila ay mula sa NAIA collection district na may 33 biktima, sa pangunguna ni port collector, Mimel Talusan.

Hindi na rin tayo nagtataka kung bakit mistulang ‘disappearing act’ si Comm. Jagger ngayon dahil sa 9 na biktima, pangalawa ang ‘OCCOM’ (Office of the Commissioner of Customs) sa listahan. Mahirap na nga naman na pati siya ay “mahawahan” nitong perwisyong COVID, hehehe.

May tig-isang kaso naman sa MICP, POM at Clark kung saan ang nabiktima sa POM ay isang opisyal na matagal na rin nating kaibigan. Magpagaling ka madam and always keep the faith!

Sadyang malaking pewisyo, mga kabayan, sa transaksyon sa pantalan itong COVID-19, na nagresulta pa nga sa ‘total lockdown’ ng MICP noong Marso matapos dalawa sa mga empleyado dito ay mag positibo (isa sa kanila ay namatay).

Pansin pa nga ng mga miron, hindi ang 45 na opisyal at empleyado ng BOC sa ngayon ang “tunay” na batayan sa naging epekto ng COVID dahil wala na rito ang mga pangalan nung mga naunang “tinamaan” (positive) subalit ‘naka-recover’ at mga “pinaghihinalaan” (person under monitoring/investigation).

Ang halimbawa dito ay ang tatlong miyembro ng ESS/Customs Police na ‘naka-recover’ sa sakit, anila pa.
Sa ganito kalawak na ‘disruption’ bunga ng COVID sa ‘workforce’ ng Aduana at sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga maysakit, paano bang hindi sasakit ang ulo nitong boss ni assistant commissioner at BOC spokesman, Jett Maronilla, aber?

Ang tanong nga kasi, kailangan bang ‘mag-lockdown’ ang malalaking puwerto ng Aduana na siyang pinagkukunan ng gobyerno ng bilyones na buwis katulad nitong NAIA?

At saan naman ililipat pansamantala ang transaksyon aber?

Noong Marso, matapos ma-lockdown ang MICP, inilipat ang transaksyon sa POM, bagay na hindi nakapagtataka dahil nga pareho silang pantalan at “magkatabi” pa.

Eh, puwede bang gawin yan sa NAIA na “kakaiba” dahil isa itong “paliparan” (airport) at hindi naman “pantalan” (seaport).

At saan ba puwedeng ilipat ang transaksyon? Sa Cebu? Sa Clark? At paano ang mga “bodega?”
Bukod dito, “kakaiba” ang NAIA dahil kasama sa mandato nito ang pagiging ‘frontliner’ sa ating international airport kasama na ang inspeksyon ng mga dumarating na pasahero at kanilang mga bagahe.

Ang ganitong ‘complexity of the problem’ ang alam nating isa sa mga problema ngayon ni Comm. Jagger dahil hindi rin tayo magtataka kung nakarating na sa kanya na dumarami ang bilang ng mga empleyado at ‘stakeholders’ sa BOC na “natatakot” na baka sila naman ang mabiktima nitong COVID.

Translation? Wala ka raw bang balak mag-lockdown, Comm. Jagger, ahahay!

Panukala naman natin, bakit hindi tingnan ang posibilidad ng ‘phase lockdown?’ ‘Yung bang… ‘stage by stage’ ang pagsasara ng mga opisina habang isinasagawa ang ‘disinfection.’

At dapat gawing mas madalas itong disinfection, mga kabayan! Sa National Press Club building kasi, dalawang beses isang linggo ang ginagawa naming ‘disinfection’ sa buong gusali, partikular sa aming ‘working area.’
Ang resulta? Maraming nalalasing pero walang nagkakasakit, hihihi!