Congratulations DICT Sec. Gringo Honasan!

ISA tayo sa natuwa sa pagkakahirang kay dating Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan bilang sekretaryo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa mahigit isang dekada’t kalahati nating nagko-cover sa Senado, isa si Honasan sa mga mambabatas na magaling, matalino, masipag, mapagkumbaba at talagang kapupulutan  ng aral.

Kahit sa tuwing nagtatalamputi ito – sa plenaryo o iba pang speaking engagement – o kahit pa kinakapanayam ng media, alam mo kaagad na may ‘laman’ at may kabalbalan ang mga pinagsasabi nito.

Hindi siya iyong tipong ‘public figure’ na ‘mema’ lang o may masabi lang ay sasagot ito sa bawat tanong ng media. Hindi siya basta umaangkas sa ibat ibang isyu kundi sasagot ito ng ayon sa kanyang nalalaman, kakayahan, paniniwala at paninindigan.

Si Honasan – mula sa pagiging bayani ng Edsa 1 na binigo ang tunay na diwa ng dalawang nagdaang Aquino administration – ay naging rebeldeng sundalo hanggang sa isang naging magaling na mambabatas.

Noong Hunyo 30 ay nagtapos na ang termino ni Gringo bilang senador ng bansa at sinamantala ito ng Pangulong Duterte upang kunin niya ang magiting na senador para ihanay sa mga tinaguriang ‘the best and the brightest’ na miyembro ng kanyang Gabinete.

Tigilan na sana ng mga nang-iintriga na hindi kuwalipikado si Honasan bilang  DICT secretary dahil kung ako ang tatanungin, swak na swak siya sa bagong trabaho sa pamahalaan.

Tama ang linya ng kampo ni Honasan na kinuha siya bilang DICT secretary hindi dahil sa ‘techi’ siya kundi kinuha ang mistah ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson dahil na rin kakayahan nito bilang maging ‘manager’ o ‘administrator.’

Oo’t tungkol sa makabagong teknolohiya ng komuniskasyon ang mandato ng DICT, ngunit sa lahat ng organisasyon, mapa-private sector o  government agencies, lamang sa namumuno nito kung may kaalaman tungkol sa tama at wastong pamamahala.

May Masteral Degree on Business Management si Honasan. Tinapos niya ito noong taong 1981 sa Asian Institute of Management (AIM) – 10 taon ang nakalipas matapos silang maka-graduate ni Lacson sa Philipiine Military Academy (PMA) ‘Matatag Class’ of 1971.

Ang bagong DICT secretary ang ‘Class Baron’ sa kanilang klase na pinakamataas na ‘leadership award’ sa mga nagtatapos na PMA cadets. Kaya kung ipinagmamalaki lagi ni Presidente na puro ‘cum laude’ at ‘valedictorian’ ang kanyang Gabinete, hindi papahuli sa katalinuhan si Manong Greg.

Hindi lang sa kudeta sa mapang-abusong pamahalaan beterano si Honasan. May kakaiba rin itong tapang, lakas dahil taong 1973, muntik siyang maputulan ng paa nang masugatan sa engkuwentro dahilan para tumanggap ito ng Wounded Personnel Medals. Bukod pa riyan ang mga natatanging medalya ng katapangan na Distinguished Conduct Stars at Gold Cross medals.

Bilang senador, si Gringo ang principal author at co-author ng mga pangunahing batas na ipinatutupad na ngayon, kabilang ang Clean Air Act of 1999, Clean Water Act, National Security Policy, Disaster Risk Reduction Management Act of 2009, the Solid Waste Management Act of 2000 at ang Comprehensive Agrarian Reform Progam Extension with Reform Law, Freedom of Information Act na kung tawagin ay POGI (People’s Ownership of Government Information) Bill at marami pang iba.

Para sa ‘best friend’ niyang si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, walang dapat ikuwestiyon sa kuwalipikasyon ni ‘Greg’ dahil malalim ang naging background nito sa ‘intelligence communication.’

Sa panahon ngayon na palaging nakaumang ang banta ng terorismo, importante’t mahalaga ang papel ng DICT upang magamit ito sa ‘intel gathering,’ gayundin ang problema sa West Philippine Sea sanhi ng kinatatakutang pananakop ng China sa Pinas.

At sa puntong ito, hayaan n’yo po akong bumati kay Senator Honasan na Congratulations po, Secretary.

Alam kong kayang-kaya mo iyan at malaki ang maitutulong mo sa ating bayan!
Kudos Boss!