Consistent na kasipagan

MULING itinaas ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘quarantine protocol’ sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kasabay ng maigting na panawagan ng medical community na dapat ibalik sa ECQ ang buong Metro Manila at kalapit na lalawigan dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.

At tulad ng inaasahan,  nagdulot ito ng matinding kalituhan at panibagong dagdag sakripisyo sa mamamayan – lalo na ang mga manggagawang pumapasok sa kanilang trabaho na walang sariling sasakyan.

Umpugan ito ng usapin kung ano ang prayoridad – buhay ba ng mamamayang Pilipino o kabuhayan ng bansa.

Sabi ng medical community, pagod na silang mga ‘frontliner.’ Higit na nakapapagod anila ay ang makitang sa halip bumaba ang bilang ng mga positibo sa COVID-19 ay patuloy pa itong tumataas dahil sa pagbaba ng quarantine protocol.

At tulad ng mga bayani nating health workers, nakararamdam na rin ng pagod ang mga frontliner naman mula sa hanay ng pulis at kapulisan.

Pagbalik pa lamang ng MECQ kamakalawa, sunud-sunod uli ang paliwanag, babala at pakiusap sa ating mga kababayan ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Kung hindi tayo nagkakamali, mula nang isailalim sa matinding ‘quarantine protocol’ ang ating bansa noong nagdaang Marso 15, umaabot sa 15 hanggang 30 tv at radio interviews ang ginagawa ni Eleazar araw-araw.

Labas pa rito ang panayam sa telepono ng print media at social media. Lahat halos na rin ng bayan na may mataas na bilang ng COVID-19 cases ay personal na pinupuntahan ni Guillor.

Hindi po biro ang ginagawang ito ni Eleazar dahil kahit madaling-araw o hatinggabi, walang pinipiling oras ang pagpapa-interview nito sa media labas pa ang katotohanang ‘hands on’ sa pagbibigay kumpas para mapangalagaan ang lahat ng ipinatutupad na ‘check point’ ng ating pulisya.

Wala tayong nakikitang pagod sa kanya sa tuwing kinakapanayam ng media. Ganito rin ang sitwasyon sa tuwing kinakausap sa ‘ground’ ang ating mga pulis na nagpapataas lalo sa moral ng ating mga alagad ng batas.

Humahanga tayo sa patience, energy at stamina ng heneral.

Ang tanong ko nga, natutulog pa ba si Guillor?

Good luck lagi, Gen. Eleazar, Sir! Sana po hindi kayo magkasakit sa mala-24-7 ninyong pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan.

Arrest warrant

MAY natisod akong balita tungkol sa arrest warrant laban kay dating congressman Seth Frederick Jalosjos hinggil sa umano’y  kasong kidnapping.

Diumano, may kidnapping case na kinakaharap ang dating mambabatas na kung uugatin ang kuwento, nagsimula sa away sa pulitika noong 2019 midterm elections.

After reading the circumstances, napakamot tayo ng ulo. Tiyahin daw kasi ng mambabatas ang kinidnap. At ang anak mismo nito ang co-accused.

Duda tayo sa ganitong uri ng kaso dahil open secret sa Zamboanga Del Norte kung bakit nagtangkang tumakbo ang tiyahing Rosita Jalosjos noon na may palayaw din daw na Bullet.

Sabi ng mga mambabasa natin sa Zamboanga, pambasag sa boto ni Seth ang biglang pagpapalabas sa palayaw na Bullet. Dinesenyo raw ito para guluhin ang balota.

May petition for review na inihain na ang kampo ni Bullet Jalosjos sa DOJ at sa tingin ko dapat na tugunan ito sa lalong madaling panahon lalo pa't mismong yung Rosita ang nagsasabing hindi siya kinidnap kundi sinundo lamang siya ng anak niyang si Allan.

At ang insidenteng ito ay alam mismo sa Mandaue Police kaya nagtataka ang mga sumusubaybay sa istoryang ito kung pano nagkaroon ng kidnapping.

Makapangyarihang pamilya ang mga Jalosjos pero may mas makapangyarihan pa sa kanila sa Zamboanga Del Norte.

Ang political persecution ay walang pinipili. Sa kasong ito, mukhang malinaw ang target.

May urgent petition sa DOJ, aabangan natin ang 'telenobelang' ito.