Construction sa PH ituloy na

OO NGA . Dapat sigurong payagan ang construction sa bansa sa gitna ng Enhanced Community Quarantine o ECQ para kahit papaano ay tumakbo ang ekonomiya.

Ito  ang paniwala ng ilang mga negosyante na nakatakdang maghain ng kanilang mga panukala sa Malacanang.

Kabado ang mga negosyante na posibleng bumagsak ng tuluyan ang ekonomiya kapag nanatiling tulog ang lahat ng negosyo sa Pilipinas.

Anila, maaari itong maiwasan kung may mga piling business sector tulad ng construction ang papayagan na tumakbo.

Libu-libong mga construction worker na napapabilang sa mga mahihirap na pamilya ang makikinabang sa naturang panukala.

Sa kasalukuyan, sakit ng ulo ni Pangulong Duterte ang mga dukhang pamilya o ang mga ‘isang kahig-isang tuka’ dahil sila ang pinakasapul ng ECQ.

Sa ilalim ng ECQ, tigil ang operasyon ng mga establisiyimento at walang pasok ang mga empleyado at manggagawa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Lagpas 5,000 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan mahigit 300 na ang namatay dahil sa naturang sakit. Kailan lang ay ipinalawig ni Duterte ang ECQ mula April14 hanggang April 30, 2020.

Ngunit dahil patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso at namamatay na Pilipino bunsod ng pandemic, may mga haka-hakang tatagal pa ang ECQ.

Sa tingin ng mga negosyante, hindi na kakayanin pa ng ekonomiya ang mas mahabang ECQ. Mas maraming negosyo ang magsasara, mas maraming manggagawa ang matetengga  at maraming Pilipino ang magugutom.

Pero ayon nga sa mga negosyante, posibleng makatulong ang pagsisimula ng construction sa bansa partikular ang programa ng gobyerno na Build Build Build program o BBB.

Daan-daang proyekto ang nasa ilalim ng BBB at pinakikinabangan ito ng libu-libong construction workers. Kung itutuloy ang mga ito kasabay pa ng mga proyekto ng pribadong sektor, mas maraming manggagawa ang makakaiwas sa napipintong kagutuman.

Hindi naman daw delikado kung papayagan tumakbo ang construction sa bansa dahil hindi  dikit-dikit ang mga construction worker kung nagtatrabaho.

Isa pa anila, ito ang perpektong panahon para gumawa ng mga kalsada, tulay at iba pang mga imprastraktura dahil karamihan sa ating mga kababayan ay ipinapanatili ng mga otoridad sa kani-kanilang mga tahanan alinsunod na rin sa ECQ.

May punto nga. Sa katunayan, pwede pang sumakay dito ang mga proyekto ng mga utility firms tulad ng Maynilad na may mga nakakaabalang proyekto sa mga lansangan. Payagan na ang Maynilad na gawin ang kanilang mga proyekto para matapos na ang mga ito at hindi na tayo mabwusit pagbalik natin sa ating mga trabaho.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com