
COVID-19 British Plan
AYON sa WHO, ang COVID-19 ay isa ng pandemic. Mahigit 100,000 na ang mga nasalinan nito na nagkalat sa tatlong kontinente: Asya, Europa at North America. Tinuturing ni UK Prime Minister Boris Johnson ang pandemic ng COVID-19 na pinakamasamang krisis sa pambalanang kalusugan sa henerasyong ito .
Ang COVID-19 ay isang malagim na salot na kasalukuyang kumikitil ng buhay, sumisira ng ekonomiya, at kayang magwasak ng popularidad at karera ng sino mang bantog na dakilang pinuno.
Lagapak ang mga stock exchange sa buong mundo. Bagsak ang presyo ng gasolina. Sarado ang NBA season na ito at maaring kanselado pati Tokyo Olympics. Ang industriya ng turismo ay bugbog sa kanselasyon ng mga biyahe ng turista. Maraming trabaho ang maglalaho at kailangan paghandaan ng mga pamahalaan sa buong daigdig paano tutulungan ang mga mahihirap, mga nawalan ng trabaho at naluging negosyo. Sabi ni Prof Ian Goldin ng Oxford University sa kanyang panayam sa BBC, kailangan paghandaan ang global recession na tiyak mangyayari. Bagamat may pondong inilaan ang mga pamahalaan para sa pagtuklas ng bakuna, test kits at gamot para sa COVID-19, kapiranggot ang halagang ito kung ikukumpara sa laki ng pondong inubos para maisalba ang mga bangko sa financial crisis. Panahon na para maunawaan ng bawat bansa na tayo ay “interdependent” sa isa’t-isa at kailangan kumilos ng tama palagi at magtulungan para sa mga paparating pa na pandemic, financial crisis, climate change at iba pang mga isyu.
Sa panahon ng mga nakalipas na krisis, kalamidad at matinding delubyo ,ang mga politikong hindi naawat mag-grandstanding para mapangibabawan ang mga karibal ay tumatak sa isipan ng taong bayan at inani nila ang mapait na bunga nito sa halalan. Ang 1997 Financial Crisis, Bagyong Ondoy at Yolanda ay nakaapekto sa halalan ng Presidente ng 1998, 2010 at 2016.
Sa press conference ni Johnson noong Marso 13,2020 (oras sa Pilipinas) dalawa ang kanyang layunin: magpabatid at magpasigla sa kanyang mga kababayan na hiningan niya ng tulong at kooperasyon. Kanyang pinagdiinan na ang British Plan ay batay sa agham. Tapos na sila sa “containment phase” at papasok na sa “delay the spread phase”. Sunod din ito sa utos na “ love thy neighbor” na maipapakita sa paghuhugas ng kamay, pananatili sa bahay at pagkukulong sa kuwarto ng 7 araw kung may sintomas ng trangkaso at ang lagnat ay nasa 37.8 degrees pataas, at ang pangangamusta ng kapitbahay sa kalagayan ng may sakit na ito ay mahalaga. Dinagdag ni Johnson na hindi na muna papayagan ang pagsama sa mga “luxury cruises” ng mga may edad 70 na may umiiral na karamdaman tulad ng sakit sa puso, high blood, at diabetes. Pinapatigil din ang mga excursion ng mga bata sa labas ng Inglatera.
Ang COVID-19 ay mabalasik dahil madaling masalinan nito ang sinoman. Walang taong ‘di tinatablan nito sapagkat wala pa tayong “anti-bodies “ para dito. Uubos ng panahon para mapatunayan ang bisa ng mga bagong bakuna, test kits at gamot. Kaya nga sabi ni Johnson “ang pagpuksa sa COVID-19 ay isang marathon, hindi isang sprint”. Ang mga hakbang ng pamahalaan ay lubhang sisira ng mga nakagawiang kilos ng tao.Tinapat ni Johnson ang kanyang mga kababayan at sinabi na maraming pamilya ang mawawalan ng mahal sa buhay ng wala pa sa panahon. Subalit pinaalala niya na marami ng krisis at kalamidad ang pinagdaanan ng mga Ingles at napagtiisan nila ang mga ito. Kailangan lang magtulong-tulong ang lahat.
Kung bakit hindi pa ginagawa ng UK ang mga marahas na hakbang ng ibang bansa tulad ng lockdown at pagpapasuspinde ng mga klase, sinabi ni Johnson na ang mga hakbang na ito ay maaaring ipatupad sa tamang panahon at hindi ito dapat agarin. Ayon sa komentaryo ni Nick Triggle ng BBC, ang mga marahas na hakbang na ito ay maaaring makapagpabagal sa paglaganap ng COVID-19 ngunit ang tanong ay kung hanggang kailan ito pananatiliin. Mahahapo lang ang taong bayan sa maagang pagpapatupad nito at hindi kayang pagtiisan ito ng pamayanan sa mahabang panahon. Mapipilitan lang alisin ito at biglang dadami na naman ang mga masasalinan ng COVID-19 at tiyak na mabibilaukan ang mga ospital sa pag-aalaga sa mga may sakit.
Tinataya ni Johnson na sa buwan ng Mayo ang taluktok ng mga magkakasakit ng COVID-19 sa kanilang bansa. Tamang-tama lang ito sa paghupa ng bilang ng mga may sakit ng “seasonal winter flu” at magkakaroon ng espasyo sa mga ospital para sa mga pasyente ng COVID-19.
Kasama ni Johnson sa press conference sina Chris Whitty, Chief Medical Officer at si Sir Patrick Vallance, Chief Scientific Officer. Parehong tumulong ang dalawa na magpabatid ng British Plan. Hinihikayat nila ang social distancing sa pamamagitan ng pagkansela ng mga pagtitipon sa loob ng gusali, kung mahigit 100 tao ang dadalo, at sa labas ng gusali, kung mahigit 500 ang dadalo. Hanga ako sa mga paliwanag ng tatlo. Madaling makabuo ng hinuha na alam ng pamahalaan ang kanilang ginagawa at magtitiwala ka sa kanila. Nakakaalis ito ng sindak. Sinabi ni Vallance na sa kanilang karanasan kapag may pandemic, ang kadalasan nilang nakikita ay hindi ang pagsiklab ng pagkasindak o “panic” bagkus ay ang pagsiklab ng “altruism” o pagmamahal sa kapwa higit sa sarili. Batay sa pananalita nila Sec Duque at Pangulong Duterte tungkol sa COVID-19, ganito din ba ang nabuong kaisipan ng mga Pilipino sa ating pamahalaan?