‘Credible’ ang NBI vs Philhealth scam!

‘BUTI ‘credible’ ang pamunuan nI National Bureau of Investigation (NBI) Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor at kahit papano’y may nakikitang pag-asa ang taumbayan upang mahubaran ng maskara, makasuhan at makulong ang buong mafia sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Mismong sina Senate President Tito Sotto at Senador Panfilo Lacson ay suko na sa ‘tsubibo ng kasinungalingan’ ng mga tiwali sa Philhealth kaya tinapos na rin ang ‘Committee of the Whole investigation in aide of legislation’ at ipinauubaya na sa NBI, sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at sa Office of the Ombudsman  para kasuhan ang buong mafia sa Philhealth.

Ani Lacson, hindi sapat ang sinabi ni Department of Health Secretary at Philhealth Chairman of the Board Francisco Duque na i-rectify o itama na lamang ang kamaliang ginawa tungkol sa pamamahagi ng P1.49 billion Interim Reimbursement Mechanism (IRM) sa mga pinaborang hospital sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi ni Ping na sa prinsipyo ng ‘accountablity,’ dapat ay may makulong dito dahil multibillion peso ng taumbayan ang kinulimbat ng mga tiwali sa naturang ahensiya. Na naganap sa mismong panahon kung kalian nananalanta ang pandemya ng COVID-19.

Kamakalawa, sumambulat ang balitang tumulo ang kisame ng Philhealth office sa Region 1 dahilan para mabasa ang ilang mahahalagang dokumento at computer.

Agad nagpasaklolo sina Lacsn at PACC Commissioner Greco Belgica kina Justice Secretary Menardo Guevarra at Director Distor para paimbestigahan ang naturang leak na sanhi umano ng malakas na buhos ng ulan.

“Tinatawagan ko ng pansin ang pamunuan ng Philhealth. Ang laki-laki ng pondo ninyo, tapos hindi n’yo mapagawa ang bubong ng isang opisina n’yo,” galit na pahayag naman ni Senador Bong Go.

Sa text message sa ‘UNCOVERED,’ sinabi ni Distor na sabotahe ang isa sa tinitingnan nilang anggulo kaya nagkaroon ng leak at tumagas ang tubig sa kisame sa Philhealth office.

Mate-trace nila ang anggulong ito at maaari rin nilang mahuli kung sino ang mga salarin.

“SOJ Guevarra and (Office of the Special Assistant to the President) Usec. Jesus Melchor Quitain orders NBI to guard all Philhealth regional and district offices to stop the unauthorized removal or destruction of public records. Alerted na po ang all NBI regional and district guarding Philhealth offices,” ani Distor sa inyong lingkod.

Sa puntong ito, nakakita tayo ng liwanag na may patutunguhan ang imbestigasyon laban sa Philhealth mafia.

Kilala natin ang pamunuan ni Distor na kahit matataas na opisyal – retired generals man o hindi – ay hindi sinisino ng NBI.

Kaya ‘nga paulit-ulit din nating sinasabi na tama lang na hindi retired general ang namumuno sa NBI ngayon kasi kung nahaluan ito nang mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi malayong magkaroon ng bias sa tuwing may malalaking kasong hinahawakan ang kagawaran.

Alam naman natin ang salitang ‘mistah’ sa PNP at AFP na halos ‘bibliya’ ng kapatiran ng matataas na opisyal ng pulis at militar. At kung retired generals ang hepe ng NBI ngayon, tiyak  maraming magdududa sa kanilang kredibilidad.

Hindi nagkamali ang Pangulong Rodrigo Duterte na italaga si Distor para pamunuan ng NBI dahil ito lamang ang isa sa mga ahensiyang may ‘kredibilidad’ ngayon sa pagpapanagot, pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa ilang tiwaling opisyales sa pamahalaan.

Speaking of Distor, nasabi rin sa atin ng opisyal na pinakilos din niya ang mga tauhan hinggil naman sa inilapit na sumbong ni Manila Mayor Isko Moreno laban sa ilang negosyanteng Chinese na pasimuno sa paglalagay ng ‘label’ sa itinitindang produkto na ‘Manila, province of Republic of China.’

Sa labis na pagkadismaya, ipinasara ni Isko ang dalawang tindahan nito at pinakakasuhan na sila sa NBI at posible pang ipa-deport papalabas ng bansa dahil nakipag-ugnayan na rin ang alkalde sa Bureau of Immigration (BI).

“Request of Mayor Isko is assigned to International Operations Division (IOD - Interpol) and coordinated already to BI, FDA, DTI and LGU. We will file criminal and administrative charges to those found violating the law, foreign and local subjects, including those working in the government,” text message pa ni Distor sa ‘UNCOVERED.’

Kahanga-hanga ang ‘performance’ ng NBI ngayon. Sa kanila  sumasalamin kung gaano kaseryoso ang Duterte administration sa paglaban sa graft and corruption at ang walang humpay na giyera kontra sa ipinagbabawal na gamot, gayundin ang pagresolba sa mga ‘high profile cases’ sa bansa.

Keep up the good work, Director Eric Distor, Sir!