Dalawa pang mabangis na Pangulo ang kailangan

GUSTO natin ng dalawa pang mabangis na Presidente ng bansa sa 2022 at 2028.

Iyong mas mabangis pa kay Pangulong Duterte dahil hindi puwede ang lider na pa-cute lang pero wala namang nagagawa para sa bayan.

Hindi ko pinagsisisihan ang pagsuporta ko kay Pangulong Duterte at maging bahagi ng kanyang team noong nakaraang 2016. Kahit ano pang pintas ang gawin nila sa Pangulo, hindi magbabago ang katotohanan na siya lang ang naging lider ng bansa after Marcos, na may makikita kang tangible at visible results na solusyon sa mga problema.

Masyado nang mautak ang mga botante ngayon, alam na nila kung sino ang totoo at kung sino ang nagkukuwari lang. Wala naman talagang perpektong lider ng kahit anong bansa pero ang importante, genuine intention at may malakas na political will para ayusin ang kanyang nasasakupan.

Sa ngayon, wala pang lumulutang na puwedeng pumalit kay Duterte. Mahihirapan ang sino man na tumaas pa sa kapasidad ng Pangulo na gawin ang dapat gawin sa bayan.

Kung sino man ang magtatangkang kumandidatong Pangulo sa 2022, masyadong malaking sapatos ang dapat nilang suutin para mapaniwalang totoo sila sa kanilang intensiyon sa bayan.

Iyong mga pumoporma na puro lang porma, kilala na yan ng bayan. Alam nating hindi na kumakagat ang mga istilong pa-cute lang at istilong statesman na sagad sa buto ang pagkabolero o bolera!

Sa ngayon, hindi pa natin alam kung sino ang susunod na Pangulo pero may inaabangan na ako. Hinihintay natin ang opisyal na deklarasyon ng taong ito na sa tingin natin ay kayang ipagpatuloy ang bangis ni Duterte.

Sa tigas ng ulo ng maraming Pinoy, hindi na natin matataanggap ang mga propagandistang kandidato na lahat ipapangako pero kapag nakaupo, mas dorobo pa sa mga dorobo.

Kailangan natin ng 18 years na Duterte style of leadership para malutas ang mga problema ng bayan. Anim na taon kay Digong at labindalawang taon sa dalawang magkasunod na Pangulo na darating.

Kung sino man yan, isama natin sa ating mga panalangin para na rin sa kabutihan ng ating bansa.

allanpunglo@gmail.com