Dapat lumalim pa ang imbestigasyon sa Bureau of Immigration!

SWAK ang mga detalyeng isiniwalat ni Senador Joel Villanueva tungkol sa garapalang P5,000 bayad sa bawat Chinese nationals na gustong magkaroon ng ‘special work permit’ sa bansa.

Ang halagang ito ay walang resibo at direktang napupunta sa bulsa ng ilang tiwaling opisyales at kawani ng Bureau of Immigration (BI).

Matagal na tayong nagsusulat ng ganitong uri ng kabulastugan sa BI, pero sa hindi malamang dahilan, mukhang ‘dedma’ lamang as in patay-malisya si Justice Sec. Menardo Guevarra.

Magsimpleng ‘mathematics’ na lang tayo, mga ate at kuya, kung may 1,000 Chinese nationals ang nakakakuha ng ‘special work permits’ sa halagang P5,000, ibig sabihin ay aabot sa P5 million agad ang nakamkam ng mga dorobong BI officials.

Eh sa impormasyon ni Senador Joel, umabot sa 185,000 special work permits ang naisyu ng BI. Ibig sabihin, umabot sa P925 million agad ang nakurakot ng mga hunghang sa Immigration.

Ang P5,000 ‘kotong’ sa mga Chinese na gustong magtrabaho sa ‘Pinas ay iba pa sa bayad na P6,400 na ‘regular fee’ sa SWP (Special Work Permit) na may resibo ng pamahalaan.

Kamakailan ay nadiskubre sa Senado na aabot na sa 119,000 turistang Chinese ang nasa bansa na nakukuhang magtrabaho sa Pilipinas dahil sa legal na ‘online gambling.’

Mga turista lamang sila na dapat  magliwaliw sa Pilipinas. Ang kaso, dahil sa malalang bentahan ng SWP, malayang nakakapagtrabaho ang mga Chinese nationals hindi lang sa online gambling operations, kundi nagkalat din ang mga ito sa Divisoria, Baclaran at mga probinsyang usung-uso ang ‘tiangge market.’

Wag na muna natin pag-usapan ang usapin ng ‘national security’ sa pagdagsa ng mga turista con Chinese workers sa Pilipinas sa gitna ng hindi matapus-tapos na ‘bangayan’ ng Pilipinas at Tsina sa mga isla sa Scarborough Shoal.

Ang dapat pagtuunan ni Villanueva ngayon ay palalimin pa ang imbestigasyon kung sinu-sino sa BI ang kumikita ng limpak-limpak na salapi dahil sa scheme na P5,000 for sale na SWP.

Bilang chairman ng Senate committee on labor, mahalagang mahubaran ng maskara kung sino ngayon ang nagiging ‘instant millionaire’ sa BI at DoJ dahil sigurado tayong hanggang ngayon ay tuloy ang kanilang ligaya sa pagkamal ng milyon pisong kickback dahil lamang sa P5,000 na lagay sa pagkuha ng SWP.

Hindi dapat makuntento ang bagitong senador na basta na lamang ihahayag ang ganitong uri ng modus-operandi sa BI. Ang dapat, kung talagang may ‘balls’ si Villanueva, isa-isahing pangalanan ang mga taong nasa likod ng sindikato sa garapalang bentahan ng SWP.

Lagyan niya ng ‘sustansiya’ ang nasabing impormasyon sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa sindikatong nasa likod ng naturang anomalya.

Baka naman kasi, hanggang press release lang ang mama, tapos kapag palaliman na ng imbestigasyon -- hanggang sa mapanagot ang mga kawatan -- ay nganga na lamang ang alam gawin ni Senador Joel.

‘Wag naman sana, Boss!

Congratulations Atty. Aldwin Alegre

Samantala, binabati ko si Atty. Aldwin F. Alegre, ang bagong deputy commissioner ng Bureau of Immigration.

Pinalitan ni Alegre si Aimee Torrefranca-Neri na undersecretary na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang appointment ni Alegre ay pinirmahan mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 15 ng taong kasalukuyan.

May nagsasabing, may ilang personalidad sa BI ang nagtangka pang harangin ang pagpasok ni Alegre sa ahensiya, pero nabigo sila kasi mabigat din ang padrino ng mama -- bukod pa sa maganda rin ang ‘credentials’ nito.

CPA-lawyer si Alegre na ibig sabihin, bukod sa pagiging attorney, isang certified public accountant si Kuya!

Bilang abogado, managing partner at co-founder si Alegre ng Paredes, Alegre, Quino Law Office.

Pumasa siya sa Philippine Bar Exam noong taong 2007 matapos maka-graduate sa Arellano Law School.

Specialized ni Alegre ang Civil, Criminal, Labor at Corporate Law kaya sobra ang galing nito, at  matalino.

Bulong ng mga tropa natin sa BI, ‘high moral’ sila sa pagpasok ni Alegre.

Mas gusto raw kasi nilang ibang tao ang maupo bilang deputy commissioner, kaysa sa dating officer-in-charge na si Depcom Ronald Ledesma.

Hindi ko alam bakit maraming may ayaw kay Ledesma.

Basta ang alam ko, kaklase ito ni Sec. Guevarra sa law school at dati nang may kasong graft si Ledesma sa Office of the Ombudsman.

Guilty man o hindi, dapat ay ilabas na ito ng Ombudsman para naman malinis ang pangalan ni Ledesma kung talagang wala siyang kasalanan. Pero sakaling mapatunayang sangkot siya sa korapsiyon, aba dapat humimas na agad ito ng malamig na rehas na bakal -- agad-agad!

Ayon sa source, balik na bilang acting chief ng Board of Inquiry ng BI si Ledesma.

Kumpleto na ngayon ang line up ng BI top brass na binubuo nina  Commissioner Jaime Morente, Deputy Commissioner Tobias Javier at siyembre ang bagong pasok na si Atty. Aldwin Alegre.

Hindi ko pa kilala si DepCom Alegre, pero ngayon pa lang ay binabati na natin siya.

Sana, mapuksa nang tuluyan ang mga kalokohan sa BI, lalo’t buo na ang tinatawag na ‘Tres Mosquiteros,’ na sina Com. Morente at Depcoms Javier and Alegre!

Good luck po, mga boss tsip!