Dapat magpakalalim pa si Sen. Riza Hontiveros!

February 13, 2020

MAY panibagong ‘pasabog’ si Senator Riza Hontiveros tungkol sa mga anomalya, katarantaduhan at kahalayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ito ay tungkol sa pahayag ni Lai Yu Cian, 23, na diumano’y ni-recruit mula Taiwan upang magtrabaho sa Pilipinas bilang ‘advertising employee,’ ngunit sapilitang pinagtrabaho sa POGO.

Ang catch, isang nagngangalang Michael Yang, na umano’y malakas sa pamahalaan ang umano’y padrino ng sindikato sa POGO, base na rin sa pahayag ni Lai sa Senado.

Walang malinaw na detalye mula kay Senadora Riza kung ang Michael Yang na itinuturo ni Lai ay ang kontrobersiyal na dating ‘economic adviser’ ng Pangulong Duterte na si Michael Yang.

Dati nang laman ng pahayagan, radio, telebisyon at social media ang ‘kaibigan’ ng Pangulo. Bukod  sa nag-host ito ng ‘Pecking Duck lunch’ sa bansang China sa ‘entourage’ ng Presidente noong August 2019, may mga akusasyon din na sangkot daw ito sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot – bagay na itinanggi ng kampo ng maimpluwensiyang negosyante.

Noong nagdaang Pebrero 10, taong kasalukuyan, pormal nang sinampahan ng kasong sedisyon si dating Senador Antonio Trillanes at Peter Joemel Advincula, alyas Bikoy. Kasama ring kinasuhan sa paglabag sa Article 141 ng Revised Penal Code sina Jonnell Sangalang, Yoly Villanueva Ong, Vicente Romano, JM Saracho, Boom Enriquez, isang nagngangalang Monique; gayundin si Fr. Flaviano Villanueva at Fr. Albert Alejo; at dating police Col. Eduardo Acierto.

Nag-ugat ang pagkaso sa kanila sa kontrobersyal na ‘Ang Totoong Narcolist videos’ kung saan itinuturo ni Bikoy sina Pangulong Duterte na umano’y sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Nag-iba naman agad ang akusasyon ni Bikoy laban sa Duterte administration at itinurong ‘scripted’ ang lahat ng kanyang bintang sa Pangulo sa utos na rin umano ng dating senador.

Ayaw kong bigyan ng malisya na patungkol na naman sa Duterte administration ang pasabog ni Senadora Riza tungkol sa ‘human trafficking’ at ‘POGO issue’ sa isang nagngangalang Michael Yang.

Dahil tulad ng sinabi ko, mismong ang senadora ang nagsabi na hindi pa niya makumpirma kung iisang tao ang Michael Yang na itinuturo ni Lai na kaibigan ng Presidente.

Nasisiguro ko o ngayon pa lang, abala na naman ang ‘bayarang troll’ ng mga anti-Duterte para ‘salsalin’ sa social media ang akusasyon ni Lai sa isang nagngangalang Michael Yang.

Pero kung ako kay Senadora Riza, dapat ay lalo pa niyang laliman ang mga nakukuhang impormasyon tungkol sa sindikato sa POGO.

Maganda na kasi ang nauna niyang pagbubunyag na ‘menu’ sa prostitusyon kung saan ay para lamang umoorder ng pagkain sa restaurant ang kalakaran ngayon ng prostitusyon sa bansa, lalo na ang mga China girls, Russian at iba pang babaing banyaga na bayaran.

Sana lang, itabi muna ang motibong pulitika at mag-pokus ang senadora sa tunay na isyu ng anomalya sa POGO – in aid of legislation!

Laliman niya ang paghalukay kung sino ang mga nasa likod mula sa Bureau of Immigration, PAGCOR at iba pang ahensiya ng pamahalaan kaya nangyayari ang mga kalakarang illegal sa POGO.

Sana ay magkaroon siya ng maayos na ‘matrix,’ ‘statistics’ at ‘data’ kung ilan na ba talaga ang nakapasok na POGO workers sa Pilipinas. Ilan sa kanila ang legal at illegal; ilan ang may permit at ilang kompanya ang nagbabayad ng tamang buwis.

Dapat ay ipatawag ang pulisya at mga local government units na pinamumugaran ng POGO at prostitusyon at higit sa lahat ay ipatawag ang mga may-ari ng hotel na sinasabing ‘front’ ng bentahan ng sariwang laman!

Mahalaga rin ang tamang koordinasyon sa kilalang anti-crime advocate na si Teresita Ang See na chairperson ng Movement for Restoration of Peace and Order.

Kapag nangyari ito, masasabi nating nasa tamang direksiyon si Senadora Riza!