Dapat masampulan sa SONA Ang mga kurakot sa PhilHealth!

“HUWAG na huwag talaga akong makarinig ng corruption, even a whiff or whisper. I will fire you or place you somewhere.”

Nakatatak sa taumbayan ang  linyang ito ng Pangulong Rodrigo Duterte sa talumpati ilang araw matapos manungkulan sa pinakamataas na posisyon noong taong 2016.

At bukas, araw ng Lunes ay magsasalita sa kanyang ikalimang State of the National Address (SONA) ang Pangulong Duterte na tunay namang aabangan ng milyun-milyon nating kababayan.

Asahan ang ibibigay na ulat kung paano tinutugunan ng pamahalaan ang pandemikong problema sa COVID-19 mula sa ayuda, pangangalaga sa pambansang kalusugan, seguridad at iba pang pangangailangan ng ating mga kababayan.

Kaparis sa mga nakalipas na SONA, asahan muli ang ibibigay niyang ulat hinggil sa giyera kontra droga, korapsiyon at ang pinirmahang Anti-Terrorism Law na tulad ng ginawang pagbasura ng Kongreso sa ABS-CBN ay batbat din ng intriga.

At sa gitna rin  ng mainit namang usapin hinggil sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), umaasa tayong may magandang tugon hinggil dito ang Pangulong Duterte na dapat ay banggitin din niya sa ikalawang panghuling SONA bago matapos ang kanyang termino sa taong 2022.

Patung-patong na ang isyu ng katiwalian sa ahensya na simula pa sa mga nakalipas na taon ay hindi pa rin tuluyang nasasarhan o nareresolba.
Sa pinakabagong kontrobersiya, tatlong opisyal ng Philhealth ang nag-resign dahil sa umano’y hindi masikmurang talamak na korapsyon sa tanggapan.

Base sa naglabasang impormasyon, ang "Zoom Meeting ay naging Bull Session at kinalaunan ay naging Resignation Spree".

Ang mainitang pagtatalo ay kinumpirma naman mismo ni Senate Committee on Health Chairman Bong Go na buhay na saksi sa naganap na ‘zoom conference’ noong nagdaang Miyerkules, Hulyo 22.

Ayon kay Go, kasama sa napag-usapan ang pondo ng PhilHealth, kung papaano ito mapangangalagaan sa panahon ng pandemya, at ang epekto ng krisis sa ‘contributions.’

Isa rin sa napag-usapan ang problema sa PhilHealth management. Gayundin ang isyu ng korapsyon na naging dahilan para magkaroon ng bulyawan at hamunan ng pagbibitiw sa kani-kanilang puwesto.

"Natapos ang meeting with an agreement na sa panahon ngayon ay isasantabi muna ang mga personal na hidwaan upang mabigyang importansya ang kapakanan, interes at buhay ng mga Pilipino," text message ni Go sa Senate media.

Sa mga lumabas na paunang impormasyon, nasa P1 bilyon ang halaga ng mga kuwestyonableng transaksyon, kasama na ang P98 milyong overpriced na mga procurement.

Sa pinakahuling datos noong Abril, sinabi ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales, ang total assets ng PhilHealth ay P221 bilyon at nakatatanggap ito ng subsidiya sa gobyerno na P71 bilyon.

Sa laki ng pondo nito ay wala dapat na Pilipino ang nahihirapan sa mga panahong nagkakaroon ng karamdaman – higit lalo kung nagagamit ito sa tama at walang kawatan sa pamahalaan.

Wala sana tayong kababayan ang takot magpa-check-up dahil walang pambayad sa doktor at ospital. Wala rin sanang Pinoy ang nagmamakaawa sa iba't ibang pulitiko at mga ahensya ng pamahalaan para lamang makakuha ng katiting na tulong.

Dahil sa totoo lang, marami tayong kababayan ang hayagang nanlilimos para lamang magkaroon ng tamang medical. Ang masaklap pa, marami na rin tayong kababayan ang namamatay nang hindi man lamang nasusuri ng mga manggagamot dahil sa kawalan ng perang pantustos sa kanilang gamutan.

Kung totoo ang sinasabing ‘shouting match’ sa meeting ay tunay na nakakasuka ang pangyayaring ito na sa gitna ng kanilang pagiging ‘professional’ at edukado ay para silang mga walang pinag-aralan at mga batang paslit na nagtuturuan kung sino sa kanila ang ‘corrupt’ o hindi!
Sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay sinabi nina Senate President Tito Sotto at Senador Panfilo Lacson na magsasagawa agad ng agarang imbestigasyon ang ‘committee of the whole’ hinggil sa panibagong kontrobersiya sa Philhealth.

Mas maganda rin siguro kung makita natin sa unang pagkakataon ay may ‘bitayin’ ang Duterte administration na tiwali sa pamahalaan na hindi na nakuha pang pangilagang nakawan ang kaban ng bayan sa gitna ng pandaigdigang problema sa COVID-19.

Kung totoo lang sana ang karma ay mauna sanang tamaan nito ang mga kurakot na opisyal sa Philhealth – career officials o appointee man sila!