Dapat sibakin na ni Guerrero ang mga “bugok” sa Bureau of Customs

July 03, 2019

KALAWANG lang ang sumisira sa matibay na bakal.

At kagaya ng bakal, ang mga pampublikong opisina na tinaguriang “graft prone” ay sinisira ng mga kawaning may “kalawang” ang utak.

Sa Bureau of Customs, ito ang mga empleyadong nagpapahirap sa mga importer, broker at iba pang port user, lalo na ang protektor ng mga ismagler.

Karamihan sa kanila ay pinapa-alert ang kargamento ng mga kalabang broker ng pinoprotektahan nilang “player.”

Ang siste, masusulot ng hawak nilang “player” ang kargamento ng ibang broker.

Ganyang ang kalakaran sa Aduana. Akala mo mga totoong nagmamalasakit sa commissioner, ‘yun pala gimik lang para kumita. Hindi ba ganyan ang gimik nila noon pa mang panahon ni Comm. Nic Faeldon  para makopo ni “Kimberly” ang mga kargamento. Hayun napalusutan tuloy sila ng iligal na droga.

Kaya nga dapat paigtingin pa ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ang kanyang internal cleansing program para sa mga  lingkod-bayan (pwe) na walang ginawa kundi  pahirapan ang transacting public.

Kailangang mawala sa serbisyo ang mga “kalawang” na ito.

Kayang-kayang tukuyin ni Guerrero ang mga bugok na kawani  sa tulong ni Depcom for Intelligence Raniel Ramiro.

At puwede ring magpatulong si Guerrero sa mga customs-based na mamamahayag dahil sila ang sumbungan ng mga importer at broker.

Sa tingin natin ay maraming taga-media ang tutulong sa internal cleansing program sa Aduana.

Panahon na para pagtuunan ng pansin ng BoC leadership ang ginagawa ng mga bugok sa Aduana.

Huwag nating kalimutan na galit si Pangulong Rody Duterte sa mga korap at tiwaling lingkod-bayan.

Sa totoo lang, kaya dumarami pa rin ang bilang ng mahìhirap sa bansa dahil sa graft and corruption.

Malaki ang epekto ng korapsyon at katiwalian sa kampanya ng BoC na pataasin ang revenue collection nito.

Napakalaki pa naman ng iniaatang ng gobyerno na tax collection target.

Dapat wakasan na ang mga maliligayang araw ng mga  mandurugas sa Aduana.

***

Wala na yatang solusyon ang nangyayaring pagbabaha sa maraming lugar.

Kitang-kita ang perhuwisyong dulot ng mga nagkalat na basura sa mga lugar na binaha nitong pag-ulan sa Luzon, lalong-lalo na sa ilang bayan sa Bulacan.

Hindi puwedeng basta na lang tayo magpatayo ng bahay o gusali na walang drainage canal na papunta sa ilog, sapa at iba pang daluyan ng tubig.

Siguradong babaha sa isang lugar na wala namang drainge system.
Baka magising na lang tayo isang araw na mistulang dagat na ang paligid natin pagkatapos ng malakas na ulan.

May panahon pa para gawan ng paraan ang problema.

Ang kailangan lang ay sapat na political will at pondo.

***

Bawal ang magsunog ng basura.

Masama daw ito sa kalusugan at nagpapalala sa problema ng climate change.

Ang problema lang, saan naman itatambak ng taumbayan, lalo na sa mga lalawigan  kung wala namang naghahakot ng basura.

Dapat ang parusahan ay ang mga opisyal ng bayan na walang sanitary landfill at trak na maghahakot ng basura.

Kaya tuloy ginagawang tapunan ng basura ang mga kanal ng irigasyon at mga dike.

Nagagawa ito ng ilang taumbayan dahil hindi naman  nababantayan ng mga opisyal ng barangay 24 oras kada araw.

Dapat malagyan ng CCTV ang mga lugar na ito para makilala ang mga nagtatapon ng basura.

Banta sa kalusugan ang mga nabubulok na basura at pamumugaran ito ng mga lamok, ipis at daga.

Inuulit natin. Kasalanan ng mga lokal na opisyal ang paglala ng problema sa basura.

Aksyon na DILG, DENR at DoH!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921

4765430/email:vicreyesjr08@yahoi.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)