Dating aliw na dulot ng tsismis, napalitan na ng pangamba

August 19, 2020

DATI, ang tsismis ang isa sa nakakaaliw na pinag-uusapan sa isang lugar, kahit pa nga walang katotohanan, lalo na kung kasiraan ng isang tao ang topic ng mga tsismoso at tsismosa.

Kahit walang katotohanan, kapag kumalat ng husto ang isang tsismis, nagiging makatotohanan na ito sa isipan ng marami at mahirap ng baligtarin ang kanilang paniniwala lalo na’t naaaliw sila sa pinagtsi-tsismisan at masayang- masaya na makinig kapag padagdag ng padagdag ang impormasyon.

Pero ngayong panahon ng pandemya, naiba ang ugali ng marami dahil kapag may kumalat na tsismis, hindi na sila naaaliw at naliligayahan, bagkus ay pangamba at takot na ang idinudulot nito sa kanila lalu na kung kapitbahay nila ang matsi-tsismis na positive sa COVID-19.

Dito nga lang sa Barangay Talipapa na sakop ng Distrito 6, labis na binabalot ngayon ng pangamba ang mga residente nang kumalat ang tsismis na may tatlong stay-in driver daw mula sa isang maliit na kompanya ng trucking sa lugar ang positibo sa COVID-19. Subalit walang maglakas-loob na i-report ito sa barangay kaya’t patuloy raw na nakakagala ang mga hinihinalang positibo sa virus.

Mistulang malaking sunog na kumalat na ang balita hindi lamang sa mga naninirahan kundi maging sa mga opisyal ng homeowners association sa lugar at may tsismis pang nabanggit na kaya raw ayaw i-report sa barangay ay nangangamba silang ilagay sa total lockdown ang kanilang lugar na magiging daan upang mahirapan silang muli na lumabas.

Nakarating din ang tsismis sa ilang opisyal ng Barangay Health Emergency Response Team subalit sa kanilang pagtatanong ay wala isa mang magkumpirma kung saan at sino ang mga nag-positibo sa virus kaya’t hindi sila makagawa ng kaukulang aksiyon.

Gayunman, tiniyak nila na ipaparating ang tsismis sa punong barangay na si Atty. Eric Juan upang tuluyang matuldukan na kung may katotohanan o talagang tsismis lang ang kumalat na balita para na rin sa kapanatagan ng kalooban ng mga residente.

Kilala raw kasing “action man” si Atty. Juan at lahat ng mga natatanggap na reklamo, maliit man o malaki ay kaagad ina-aksiyunan para na rin sa katahimikan ng isipan at kalooban ng kanyang mga nasasakupan.

Container va , gagawing isolation facilities
 
Inaapura na ng mga manggagawa ang pagsasa-ayos ng 30 40-footer container van na nasa loob ng Centennial Park sa Navotas City upang magsilbing karagdagang isolation facilities na ilalaan sa mga may mild cases ng COVID-19 sa lungsod.

Una na kasing iniulat ng City Health Deparment kay Mayor Toby Tiangco na puno na ang dalawa nilang community isolation facilities sa Navotas National High School at Navotas Polytechnic College na parehong may tig-210 beds matapos lumobo ng husto ang bilang ng mga residenteng nagpo-positibo sa COVID-19.

Bagama’t tumugon naman ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa paghingi ng ayuda ni Mayor Tiangco makaraang mabigyan ng 200 slots sa dalawang isolation facilities ng pambansang pamalaan sa Philippine Arena at World Trade Center, hindi mapigilan ng alkalde ang mahabag sa kanyang mga kababayan na mapalayo sa kanilang lungsod habang nagpapagaling ng karamdaman sa naturang mga isolation facilities.

Dahil malapit ng matapos ang inaapurang paglalagay ng karagdagang isolation facilities sa loob ng Centennial Park, hindi na kinakailangang ilabas pa ng lungsod ang mga Navotenos na magpopositibo sa virus at sa mga container van na ginawang isolation facility na muna sila mananatili habang nagpapagaling.

Malaki naman ang paniniwala ng bawa’t pamilyang Navoteno na hindi pababayaan ng alkalde at ng kanilang kongresistang si Rep. John Rey Tiangco ang kaligtasan at kapakanan ng mga residenteng tinatamaan ng sakit kaya’t inaayos na mabuti ang mga container van upang gawing isolation facility.

Bagama’t hindi maalis ang pangamba ng marami na mainit sa loob ng van, batid nila na magiging katuwang ni Mayor Toby ang kapatid na si Rep, John Rey Tiangco para tiyaking malagyan ng air condition ang bawa’t pasilidad upang maging komportable kahit paano ang mga tinatamaan ng nakamamatay na virus.

PRC, paubos na supply ng test kits

Isang malaking dagok sa mga local government officials ang napaulat na pagsuspinde ng Philippine National Red Cross (PRC) sa kanilang COVID-19 testing program na nasa ilalim ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth.

Sa PRC kasi umaasa ng swab testing results ang karamihan sa mga lokal na opisyal ng mga lungsod sa Metro Manila na babayaran ng PhilHealth subalit dahil lumobo na ng halos P1 bilyon ang utang ng ahensiya, hindi na kayang balikatin ng PRC ang gastos sa pambili nila ng test kits dahil paubos na rin ang kanilang supply.

Pinangangambahan tuloy na matigil din pansamantala ang swab testing na magdudulot lalo ng paglobo ng bilang ng mga tatamaan ng virus at kapag nangyari ito, hindi malayong muling ibalik ng national government sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363