Dayuhang bastos

ANG naging asal ng dayuhang taga-Dasma Village sa Makati City habang nakikipagtalo sa ating unipormadong pulis ay isang ehemplo ng pagiging dominante sa lupang banyaga.

Akala ata ng Espanyol na ito ay nasa panahon pa ng mga Kastila ang Pilipinas na pinaghaharian ng mga Insulares at Peninsulares kaya ganoon siya umasta.

Dalawang bersiyon ang lumabas sa video, isang komprontasyon ng napakataas na boses ng Espanyol at isang malumanay na pulis. Ang isa pang video, nakita na lang natin ang habulan at puwersahang pagdakip aa dayuhan.

Sinasaluduhan natin ang kahinahunan ng pulis dahil matagal na siyang sinisigawan at "pinapakyu" ng Espanyol pero hindi pa rin siya umaaksiyon batay sa kanyang mandato.

Kung tutuusin, puwede na niyang arestuhin si Kastilaloy dahil nakainom ng alak gayong umiiral ang liquor ban habang nasa ECQ ang Metro Manila.

At lumilitaw sa mga balita na kaya pumasok ang pulis na kasama ang barangay sa exclusive village na Dasma ay may mga serye na ng reklamo ang mga kapitbahay ni Espanyol.

Maraming beses na tayong nakakita ng mga foreigner na mas matapang pa sa ating mga awtoridad. May mga pulis na tayo na sinampal, dinuraan at sinasaktan ng mga dayuhang narito sa ating bansa. Hahangaan mo rin ang maximum tolerance ng ating mga pulis.

Sa ibang bansa, hindi nagagawa ng mga foreigner ang maging maangas dahil alam nilang dayuhan lamang sila. Madalas, "breeding" o karakter talaga ng ibang lahi ang superiority race kaya wala silang pakialam kahit sino ang kanilang kaharap.

Tayo naman ay nakakarating din sa ibang mga bansa. Maoobserbahan mo rin na may mga arogante rin talaga na dayuhan.

Kung minsan, sa immigration, bigla ka na lang sisingitan sa pila o kaya naman dudura na lang kahit saan, carpet man o marble crystal  ang flooring.

Sa loob ng bar o mga five star hotel, may mga biglang mag-aaway na walang pakialam sa paligid. Mga foreigner yun.

Ang konsuwelo ko lamang, sa maraming pagkakataon na nakakakita tayo ng walang modong foreigner sa ibang bansa, wala sa kanila ng mga Pilipino. Maipagkakapuri mo rin talaga ang mga kababayan natin kapag nasa ibang bansa.

Kapag may nakita kang masunurin at magalang sa sistema sa abroad, tiyak kasama ang mga Pinoy doon.

Kaya nga nagtataka ako sa taga-Dasma na Espanyol kung bakit walang modo, lalo na sa harap ng awtoridad.

Hindi ba dapat ipinapa-deport na ang mga  undesirable alien na ganito? Kung sakali namang naging  naturalized Pinoy na siya sa tulong ng mga  legal process, dapat ay binabawian na siya ng karapatang maging mamamayan ng ating bansa.

Umaasa tayong mas magiging agresibo ang PNP at ang DOJ sa pagpapatapon sa Espana sa batang Dasma na ito na akala ata niya ay Spanish colony pa tayo.

Que barbaridad!

allanpunglo