‘Different stroke, better result’ sa Bureau of Customs

January 31, 2019

BAGO ang lahat, mainit at maingay munang pagbati ng ‘Happy Birthday!’ kay NPC lifetime member, Ernie ‘Estong’ Reyes, kasabay ng ating “panalangin” na harinawa, Ernie, malasing mo kaming lahat, hehehe! Mabuhay ka, brod!

* * *

Sa pagtatapos ng ‘collection month’ kahapon, hindi na dapat magtaka ang mga miron kung bakit ‘very happy’ na naman si Bureau of Customs (BoC) commissioner, Rey ‘Jagger’ Guerrero.

Dangan kasi, “ibinulong” sa atin ng mga miron na “99 percent sure” ang Aduana na muling makuha ang ‘target collection’ nito na P46.5 bilyon sa buwan ng Enero 2019.

Bakit kanyo? Noong nakaraang linggo, 8 porsiyento na lang ang “kulang” sa koleksyon ng Aduana at kahapon naman, 1 porsiyento o P1 bilyon na lang ang “diperensiya.”

Eh, ano ba naman ang P1 bilyon hindi ba mga kabayan? “Barya” na lang ito  dahil 17 ang ‘BoC collection districts’ na alam nating “magtutulong-tulong” para “mapunuan” ang halagang ito kaya, yeheyy and congrats ulit, Comm. Jagger!

Kung babalikan, kasama ang buwan ng Disyembre, ito ang ‘second consecutive month’ na nalampasan ng BoC ang ‘assigned target’ nito sa pagpasok ni Comm. Jagger sa Aduana noong Oktubre 31, 2018, kapalit ni Comm. Sid Lapeña,

At kung tama pa rin ang ating ginagawang pagsubaybay sa Aduana, ‘significant’ ang ‘accomplishment’ ni Comm. Jagger ngayong Enero dahil, sa kaparehas na buwan, sa termino ni Comm. Sid, “sumablay” ang BoC sa koleksyon nito noong Enero at Pebrero 2018.

Bagaman nga, ‘to be fair to Comm. Sid,’ wika nga, 8 buwan namang “sunod-sunod” na nalampasan ng BoC ang ‘target collection’ nito, simula Marso hanggang Oktubre.

* * *

Sa bagay na ito, nakita natin na sa usapin ng “pamamahala” (management) at “liderato” lumalabas ang “kaibahan” ng bawat lider, hindi ba mga kabayan?

Kung babalikan, nagpatupad ng ‘one-strike policy’ si Comm. Sid noong isang taon kung saan “sibak” sa puwesto ang isang district collector na hindi makukuha ang ‘target collection’ ng kanyang distrito na “sinang-ayunan” naman ng lahat ng BoC collector (sabagay, ‘no choice’ naman kasi sila, hehehe).

Ang ‘policy’ na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit pagpasok ng Marso 2018 at sa mga sumunod na buwan, palagi nang “nalalampasan” ng mayorya ng mga BoC collection districts ang kanilang mga “target.”

‘Yun nga lang, napansin ng mga miron na isa sa mga ‘adverse effect’ nito eh, “apektado” ang kalusugan ng mga district collectors, hehehe, ayy, huhuhu! Dangan kasi, sino ba ang “makakatulog ng mahimbing” sa “pag-aalala” na “sasablay” ka sa koleksyon at ang kasunod ay ‘matic kang masisibak sa puwesto, sige nga?

At nakita rin na “hindi parehas” (umano) ang implementasyon nito, aruyy!

Pansin pa nga ng mga miron, yung mga ‘Mason Lodge Connection’ saglit lang “magpahinga” sa ‘BoC freezer,’ ang “CMU” (Customs Monitoring Unit) dahil sila (agad) ang muling mapupuwesto kapalit ng mga “sumablay” na Customs collector sa susunod na buwan.

At sa kaso pa nga ni ex-Port of Batangas district collector, Atty. Rey Galeno, aba’y gusto siyang sibakin at ilipat sa CMU kahit wala namang dahilan, aguyy ulit, hehehe! At dahil isang taong may prinsipyo, nagbitiw na lang sa BoC noong Agosto 2018 -- bilang ‘silent protest’ umano sa desisyon ni Comm. Sid.

* * *

Sa pag-upo naman ni Comm. Jagger noong Oktubre, isa sa mga una niyang ginawa ay agarang kunin ang respeto at tiwala sa kanya ng kanyang mga bagong nasasakupan.

Translation? “Out” na sa “bintana” ang ‘one-strike policy’ at mas binigyan niya ng prayoridad ang “team effort,” na isa sa kanyang mga ‘successful formula’ noong lider pa siya ng AFP.

At tila “mas epektibo” ang ‘management style’ na ito ni Comm. Jagger dahil nga nakita natin na sa magkasunod na buwan ng Disyembre 2018 at Enero 2019, nakuha -- at nalampasan ng BoC ang ‘assigned targets’ nito.

And yes, dear readers, napansin pa natin na “mas maaliwas” ngayon ang “mukha” ng mga nakakausap nating mga opisyales ng BoC dahil nga, ‘less pressure’ sila sa ‘management style’ ni Comm. Jagger kumpara sa estilo naman ni Comm. Sid.

At napansin din natin na “masigasig” ang mga ‘operating units’ ng BoC sa ngayon, katulad ng Enforcement Group at Intelligence Group, patunay ang kanilang mga ‘accomplishments’ na sa mga press release, “sila ang bida” -- at hindi ang ‘Office of the Commissioner’ hehehe!

Oops! Hindi ito pagbatikos sa naging liderato ni Comm. Sid, dear readers, na alam naman sa buong pantalan ay iginagalang natin at itinuring na kaibigan.

Ang ipinupunto lang natin dito ay ang MAGKAIBANG ESTILO ng liderato ni Comm. Sid at Comm. Jagger na pareho namang may iisang layunin -- mas maging maganda pa ang serbisyo ng Aduana.

At ang ‘moral lesson’ na nakikita natin, “hindi” naman pala kailangan ang “sobrang paghihigpit” para maging mahusay at maayos ang operasyon ng ano mang ahensiya.

Kumbaga, ‘different stroke can give the same, if not, a better result!’ Ayos!!!